Kasaysayan ng Simbahan
Maramihang Pag-aasawa sa Utah


“Maramihang Pag-aasawa sa Utah,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan

“Maramihang Pag-aasawa sa Utah”

Maramihang Pag-aasawa sa Utah

Alinsunod sa isang paghahayag kay Joseph Smith, ang maramihang pag-aasawa—ang pagpapakasal ng isang lalaki sa dalawa o higit pang mga babae—ay pinasimulan sa mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw noong simula ng dekada ng 1840 sa Nauvoo, Illinois. Ito ay unang ipinakilala nang sarilinan sa isang maliit na grupo ng mga miyembro ng Simbahan, at hiniling sa mga kasapi na panatilihing kompidensyal ang kanilang mga kilos. Matapos lumipat ang mga Banal sa Utah, hayagang kinilala ng mga lider ng Simbahan ang kaugalian, at sa pagitan ng 1852 at 1890, hayagang isinabuhay ng mga Banal sa mga Huling Araw ang maramihang pag-aasawa.

Noong mga taon na ang maramihang pag-aasawa ay hayagang itinuro, lahat ng mga Banal sa mga Huling Araw ay inaasahang tanggapin ang alituntunin bilang isang paghahayag mula sa Diyos. Gayunman, hindi lahat ay inaasahang ipamuhay ito. Sa katunayan, ang sistemang ito ng kasal ay hindi magiging para sa lahat dahil sa dami ng lalaki kumpara sa babae. Itinuring ng mga lider ng Simbahan ang maramihang pag-aasawa bilang isang utos sa Simbahan sa pangkalahatan, habang kinikilala na ang mga taong hindi isinabuhay ang kaugalian ay maaari pa ring sang-ayunan ng Diyos. Marahil ang kalahati ng mga naninirahan sa teritoryo ng Utah noong 1857 ay nakaranas ng buhay sa isang maramihang pamilya bilang isang asawa, o anak sa isang yugto ng kanilang buhay. Pagsapit ng 1870, 25 hanggang 30 porsiyento ng populasyon ay naninirahan sa isang maramihang pamamahay, at tila ang porsiyento ay patuloy na bumababa nang sumunod na 20 taon.

Para sa marami na ipinamumuhay ito, ang maramihang pag-aasawa ay isang malaking sakripisyo. Sa kabila ng mga hirap na naranasan ng ilan, ang katapatan ng mga taong nagsabuhay ng maramihang pag-aasawa ay patuloy na nakatulong sa Simbahan sa maraming paraan. Sa pamamagitan ng angkan ng mga Banal na ito noong ika-19 na siglo ay ipinanganak ang maraming matatapat na miyembro ng Simbahan, mga lider, at mga missionary. Bagama’t ang mga miyembro ng kasalukuyang Simbahan ay pinagbabawalan na isabuhay ang maramihang pag-aasawa, binibigyang-pugay at iginagalang ng mga makabagong Banal sa mga Huling Araw ang mga pioneer na ito na nagbigay nang labis para sa kanilang pananampalataya, pamilya, at komunidad.

Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa maramihang pag-aasawa sa Utah, tingnan sa “Plural Marriage and Families in Early Utah,” Gospel Topics Essays, topics.ChurchofJesusChrist.org.

Mga Kaugnay na Paksa: Si Joseph Smith at Ang Maramihang Pag-aasawa, Batas Laban sa Poligamya, Pahayag