“Jonathan Napela,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan
“Jonathan Napela”
Jonathan Napela
Noong Marso 8, 1851, ang 37 taong gulang na si Jonathan Napela (na ang buong pangalang Hawaiian ay Napelakapuonamahanaonaleleonalani) ay nakakita ng isang batang dayuhan na dumadaan noon sa kanyang bahay sa pulo ng Maui sa Kaharian ng Hawaii. Magiliw na pinakitunguhan ni Napela ang lalaki at nalaman na ito ay si George Q. Cannon, isa sa mga unang missionary na Banal sa mga Huling Araw sa kapuluan. Ipinakilala ni Napela si Cannon sa lokal na mangangaral na Protestante at napansin na ang dalawa ay mahigpit na nagtalo ukol sa mga bagay na panrelihiyon. Noong gabing iyon, si Napela, na nagsisilbi bilang isang hukom, ay nangakong pag-iisipang mabuti ang sinasabi ng bawat grupo at tatanggapin ang natanto niyang pinakatumpak.1 Sa kabila ng pamimilit ng lipunan noong sumunod na 10 buwan na putulin ang ugnayan sa mga Banal sa mga Huling Araw, patuloy na nagbigay si Napela ng pagkain at tirahan sa mga missionary, at sa huli ay pinili niyang magpabinyag noong Enero 5, 1852.
Itinuring ni George Q. Cannon ang pagkakakilala kay Jonathan Napela bilang kasagutan sa kanyang mga dalangin.2 Tumulong si Napela kay Cannon na pag-aralan ang wikang Hawaiian at nakipagtulungan sa kanya sa pagsasalin ng Aklat ni Mormon sa wikang Hawaiian—ang unang pagsasalin ng aklat sa hindi Europeong wika. Iminungkahi rin ni Napela ang unang plano para sa programa upang sanayin ang mga missionary na Banal sa mga Huling Araw sa wika ng lugar ng kanilang destino: isang paaralan kung saan gugugulin ng mga bagong dating ang dalawang buwan sa pag-aaral ng wika bago maghiwa-hiwalay upang gampanan ang kanilang mga tungkulin.3
Tulad ng maraming nabinyagan noong ika-19 na siglo, nais ni Jonathan Napela na sumama sa pangunahing grupo ng mga Banal at nagsimulang magplano upang lumipat sa Teritoryo ng Utah noong unang bahagi ng dekada ng 1850. Gayunman, isang batas sa Hawaii noong 1850 ang nagbabawal sa mga Hawaiian na mandayuhan mula sa kaharian. Sa halip ay naglingkod si Napela bilang bahagi ng isang grupo na hinirang upang humanap ng isang lugar ng pagtitipon sa Hawaii at tumulong na pumili at makakuha ng lupain sa Lanai para sa pagtitipon ng mga Banal.4
Ang mga taon sa Lanai ay mahirap. Ang mga missionary mula sa Utah ay pinauwi noong 1858, at nilabanan ng mga bagong nagtipon na mga Banal ang taggutom at iba pang mga hamon sa ekonomiya. Noong 1861 ay isang kahali-halinang Banal sa mga Huling Araw na si Walter Murray Gibson ang dumating at pinamunuan ang pamayanan. Lumilihis mula sa kanyang mga responsibilidad, kaagad na ginastos ni Gibson ang salaping nilikom ng mga Banal na Hawaiian upang bumili ng lupain sa kanyang sariling pangalan, nagpapabayad para sa pag-orden sa priesthood, at dili kaya ay dungisan ang organisasyon ng Simbahan sa isla hanggang sa kanyang pagkakatiwalag noong 1864.5 Pagkatapos ay tinulungan ni Napela ang mga Banal na Hawaiian na tanggapin ang kanilang mga nakalulungkot na karanasan kay Gibson at palakasin ang pananampalataya ng isa’t isa.6 Tumulong din si Napela sa mga Banal na lumipat sa isang bagong lugar na pagtitipunan sa Laie sa isla ng Oahu.
Noong 1869, sa wakas ay nakapaglakbay na si Napela patungong Utah, kung saan siya ang naging unang Hawaiian na Banal sa mga Huling Araw na tumanggap ng sarili niyang mga ordenansa sa templo at magsagawa ng mga ordenansa para sa mga namatay na ninuno.7 Matapos bumalik pauwi, hinirang si Napela upang pangasiwaan ang isang grupo ng mga missionary habang bumibisita ang mga ito sa bawat isa sa mga isla ng Hawaii. Gayunman, ang misyon ay naputol noong 1871, noong ang asawa ni Napela, si Kitty, ay nagkasakit ng ketong. Nagpasiya si Napela na sumama sa kanya sa Molokai, kung saan ang pamahalaan ay nagtatag ng kuwarentenas ng mga taong dumaranas ng sakit.8 Sa pamayanan ng mga may ketong, nakipagtulungan siya sa isang paring Katoliko na nagngangalang Padre Damien, na siyang kanyang naging “pinakamatalik na kaibigan.”9 Kapwa sina Napela at Padre Damien ay nagkasakit ng ketong sa panahon ng kanilang paglilingkod; kalaunan ay itinanghal ng Simbahang Romano Katoliko si Padre Damien bilang santo.
Pinamunuan ni Napela ang isang branch ng mga Banal sa mga Huling Araw sa Molokai hanggang kanyang kamatayan, dalawang linggo bago ang kanyang asawa, si Kitty, ay pumanaw noong 1879.10 Nakita niyang lumago ang Simbahan mula sa abang pagsisimula nito hanggang sa maging matibay na nakatatag sa mga kapuluan: sa panahon ng kanyang pagpanaw, halos 1 sa 10 katutubong Hawaiian ay miyembro ng Simbahan.11