Kasaysayan ng Simbahan
Kampo ng Sion (Kampo ng Israel)


“Kampo ng Sion (Kampo ng Israel),” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan

“Kampo ng Sion (Kampo ng Israel)”

Kampo ng Sion (Kampo ng Israel)

Mula Mayo hanggang Hunyo 1834, humigit-kumulang 230 mga lalaki, babae, at bata ang naglakbay patungong Missouri upang tulungan ang mga Banal na pinalayas mula sa Jackson County, Missouri, noong nakaraang taon. Ang eskpedisyong ito na kilala ngayon bilang Kampo ng Sion, ay unang tinawag na Kampo ng Israel. Ito ay binuo matapos makatanggap ng paghahayag si Joseph Smith noong Pebrero 1834 na nag-utos sa kanya na tipunin ang lakas ng sambahayan ng Panginoon upang tubusin ang Sion mula sa mga kaaway nito.1 Iniutos ng paghahayag sa mga pinuno ng Simbahan na magtipon ng hindi kukulangin sa 100, at mas mainam kung 500, kalalakihan upang maglakbay patungong Missouri. Noong Marso, si Joseph Smith at ang iba pa ay dumaan sa New York para makakuha ng mga boluntaryo at pondo para sa ekspedisyon.

pag-uukit na nagpapakita sa mga grupo ng kalalakihan na naglalakbay malapit sa mga bahay na yari sa troso at minamasdan ng mga tao

Paglalarawan ng Kampo ng Israel pagdating nila sa Missouri.

Pinamunuan ni Joseph ang isang grupo mula sa Kirtland, Ohio, papuntang Missouri. Kasabay nito, nilisan nina Hyrum Smith at Lyman Wight ang Pontiac, Michigan Territory, kasama ang isang grupo ng mga 20 indibiduwal. Nanghihikayat ng mga bagong kasama habang naglalakbay, ang dalawang grupo ay nagkita noong Hunyo sa Salt River settlement sa Missouri at sabay na naglakbay patungong Clay County. Sa buong paglalakbay, ang mga miyembro ay paminsan-minsang dumanas ng kawalan ng pagkain at tubig. Dahil ang grupo ay naglakbay nang hanggang 40 milya sa isang araw, ang ilan ay dumanas din ng paltos at duguang mga paa. Nagreklamo ang ilang miyembro ng grupo dahil sa mga kalagayang ito, na siyang sanhi para maging hindi kanais-nais ang paglalakbay para sa iba.

Bagama’t ang paghahayag noong Pebrero 1834 ay inilarawan ang kampo bilang isang gawaing militar, para kay Joseph Smith at sa iba pang mga lider ng Simbahan, ito ay para sa pagtatanggol at pagdepensa lamang. Naniniwala na ang gobernador ng Missouri na si Daniel Dunklin ay handang utusan ang militia ng estado upang ibalik ang mga Banal sa kanilang mga lupain, nais ni Joseph na maglakbay ang Kampo ng Israel patungong Missouri at hilingin kay Dunklin na utusan ang militia. Matapos samahan ng militia ang mga Banal pabalik sa Jackson County, mananatili ang Kampo ng Israel para protektahan ang mga miyembro ng Simbahan mula sa muling pagpapalayas.

Gayunman, ang mga mamamayan ng kanlurang Missouri ay nababahala sa papalapit na kampo at ang iba ay naghanda para makipaglaban. Noong Hunyo 19, 1834, halimbawa, limang armadong lalaki ang lumapit sa kampo sa Fishing River at sumumpa na “makikita [ng Kampo ng Israel] ang impiyerno bago mag-umaga” mula sa grupo ng 400 kalalakihan.2 Gayunman, nagkaroon ng malakas na bagyo nang gabing iyon, na nagpaulan ng malalaking piraso ng yelo, at nagpalalim sa Fishing River nang halos 40 talampakan, at naiwasan ang pagsalakay. “Para bang ang utos ng paghihiganti ay ibinigay ng Diyos ng mga digmaan para protektahan ang kanyang mga tagapaglingkod mula sa pangwawasak sa kanila ng kanilang mga kaaway,” ang nakatala sa kasaysayan ni Joseph Smith.3

Nang malaman ang mga pagsalungat sa kampo at narinig na hindi tumupad si Dunklin sa kanyang pangakong uutusan ang militia, nagsumamo si Joseph Smith sa Panginoon para sa patnubay. Noong Hunyo 22, 1834, nakatanggap siya ng paghahayag na nagsasabing hindi na kinakailangan na tubusin ng kampo ang Sion. Bago mangyari ang pagtubos na iyon, nagpatuloy ang mga paghahayag, ang mga elder ng Simbahan ay kailangang tumanggap ng pagkakaloob ng kapangyarihan sa bahay ng Panginoon sa Kirtland, na noon ay kasalukuyang itinatayo. Nagsimulang mabuwag ang kampo sa katapusan ng Hunyo. Ang pagbuwag ay pinabilis nang kumalat ang kolera sa mga miyembro ng kampo, na kalaunan ay kumitil sa buhay ng 13 miyembro ng kampo at 2 miyembro ng Simbahan sa Missouri. Noong Hulyo 1834, maraming miyembro ng kampo ang bumalik sa Kirtland.

Bagama’t ang mga Banal ay hindi nakabalik sa kanilang mga lupain sa Jackson County, karamihan sa naglakbay sa Kampo ng Israel ay hindi itinuring na kabiguan ang ekspedisyon. Ang ilan sa kanila, tulad ni Brigham Young, ay ituring ito bilang isang pribilehiyong maglakbay kasama ni Joseph Smith at matuto mula sa kanya ng mga alituntunin sa pamumuno. Nakita ng iba na pinagpala ng kamay ng Diyos ang kanilang buhay sa buong paglalakbay. Ang ekspedisyon ay nagsilbi ring isang pagsubok para sa mga lider ng Simbahan sa hinaharap. Nang ang Korum ng Labindalawang Apostol ay binuo noong Pebrero 1835, 8 sa orihinal na 12 kalalakihan na tinawag ay kasama sa Kampo ng Israel. Lahat ng lalaking tinawag bilang unang mga Pitumpu noong Pebrero 1835 ay mga miyembro ng kampo.

Mga Kaugnay na Paksa: Karahasan sa Jackson County