“Pagbabawal sa Alak,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan
“Pagbabawal sa Alak”
Pagbabawal sa Alak
Ang pagkonsumo ng alak sa Estados Unidos ay umabot ng napakataas na antas sa pagitan ng 1800 at 1830—ang karaniwang tao na mahigit 15 taong gulang ay may mataas na posibilidad na uminom ng mahigit 26 litro ng alak kada taon, isang antas na mas mataas nang tatlong beses kaysa noong 2016.1 Itinuturing ng maraming repormador ng lipunan noong ika-19 na siglo sa Estados Unidos na isang pambansang krisis ang alkoholismo at karaniwang hinahangad nila na alisin ang paggawa ng matatapang na alak. Kilala bilang mga temperance reformer, nabunsuran sila ng iba’t ibang alalahanin, mula sa pagsisikap na mapabuti ang pagiging produktibo ng mga manggagawa hanggang sa pagpigil sa karahasang may kinalaman sa alak hanggang sa pagturing sa kalasingan bilang mabigat na kasalanan. Ang ilan ay itinataguyod ang katamtamang pagkonsumo habang ang iba ay ipinaglaban ang pagbabawal sa lahat ng pagkonsumo ng alak. Gayunman, pinaboran pa rin ng iba ang pagpapasa ng mga batas na magbabawal sa paggawa, pamamahagi, at pagbebenta ng alak.2 Ang mga kilalang temperance organization tulad ng Woman’s Christian Temperance Union, American Temperance Society, at Anti-Saloon League ay nangampanya sa pagbabawal at pagtuturo laban sa alak, na naging pinakamalaking kilusang pagpapanibagong panlipunan ng ika-19 na siglo.3 Sa pagsapit ng ika-20 siglo, lumakas ang suporta sa pagbabawal sa alak. Ipinasa ng ilang estado ang mga batas sa pagbabawal sa alak habang marami pang iba ang nagpatupad ng mga lokal na pagpipiliang batas, na nagpahintulot sa mga lunsod at county na ipagbawal ang pagbebenta ng alak.4
Bagama’t pinayuhan ng Word of Wisdom ang mga Banal sa mga Huling Araw na iwasan ang pag-inom ng alak at matatapang na inumin, madali pa ring makakabili ng alak sa maraming lugar sa Utah pagsapit ng 1900.5 Noong 1909, isang panukula para sa pagbabawal sa alak sa buong estado ang natalo sa senado ng estado. Pagkatapos ay ipinasa ng lehislatura ng Utah ang isang lokal na opsiyon na hindi ipinasa ni Gobernador William Spry, na matinding tinututulan ang pagbabawal sa alak.6 Makalipas ang dalawang taon ay inaprubahan ng lehislatura at gobernador ang isang panukala na nag-utos sa mga bayan sa buong Utah na magpasiya kung ipagbabawal o hindi ang pagbebenta ng alak sa kanilang mga komunidad. Sinalungat ng Lunsod ng Salt Lake, Ogden, at iba pang mga lunsod na may malalaking populasyong hindi Banal sa mga Huling Araw ang pagbabawal sa alak, ngunit karamihan sa mga lunsod ay bumoto sa pagsang-ayon nito.7 Isa pang pagsisikap sa pagbabawal sa alak sa estado ang natalo noong 1915, ngunit isang pangatlong panukala ang naipasa noong 1917. Pagkaraan ng dalawang taon ay pinagtibay ng lehislatura ng Utah ang Ika-18 Pagsususog sa Saligang-batas ng Estados Unidos, na nagpatupad ng pagbabawal sa alak sa buong bansa.
Ang opinyon ng publiko sa Estados Unidos ay nagbago laban sa pagbabawal sa alak noong sumunod na dekada. Noong 1933, ang Kongreso ng Estados Unidos ay lubos na bumoto upang pawalang-bisa ang pagbabawal. Upang maipatupad ang bagong susog, tatlong kapat ng estado ang kailangang pagtibayin ito.8 Nahati ang mga Banal sa mga Huling Araw sa Utah sa kanilang suporta, ngunit bumoto ang estado na sang-ayon sa pagpapatibay.9 Malaking kabiguan ito para kay Pangulong Heber J. Grant, na nakipaglaban sa pagpapawalang-bisa ng pagbabawal at hinikayat ang mga miyembro ng Simbahan na gawing prayoridad ang Word of Wisdom.10 Taglay ang suporta ng Utah, nakamit ng Kongreso ang tatlong kapat na kahilingan, at ang ika-21 Susog ay naging batas. Natapos ang legal na pagbabawal sa alak sa Estados Unidos. Kalaunan noong 1933 ay bumoto ang mga mamamayan ng Utah na bawiin ang pagbabawal sa alak sa buong estado.11
Mga Kaugnay na Paksa: Word of Wisdom (D at T 89), Utah, Mga Legal at Politikal na Institusyon sa Amerika