“Vigilantism,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan
Vigilantism
Vigilantism
Sa buong 1830s at 1840s sa Ohio, Missouri at Illinois, nakaranas ang mga Banal sa Huling Araw ng matinding pang-uusig at panggigipit sa kamay ng mga mandurumog. Ang mga Banal ay isa sa maraming grupo na nakaranas ng ganoong pagtrato. Madalas na gumamit ang mga komunidad ng mga taktika gaya ng pagbubuhos ng alkitran at balahibo at iba pang uri ng karahasang vigilante upang ipatupad ang sarili nilang mga ideya ng hustisya kapag hindi sila nasiyahan sa mga kilos ng mga pamahalaan at mga hukuman. Lalo na sa mga malalayong lugar, maraming mga naunang Amerikano ang itinuturing ang ganitong mga uri ng karahasan bilang gawaing pagkamakabayan at pangangalaga sa sarili.
Kabilang sa mga pinakatanyag na halimbawa ng karahasang vigilante laban sa mga naunang Banal sa mga Huling Araw ang pagbubuhos ng alkitran at balahibo sa mga kilalang lider ng Simbahan sa Ohio at Missouri; ang pagkawasak ng limbagan ng Simbahan sa Independence, Missouri, noong 1833; ang pagpapaalis sa mga Mormon mula sa Jackson County noong 1833, mula sa estado ng Missouri noong 1838–39, at mula sa estado ng Illinois noong 1846; at ang pagpaslang kina Joseph at Hyrum Smith noong 1844.
Paano pinangatwiranan ng mga unang Amerikano ang paggamit ng karahasan ng mga mandurumog?
Ang gawaing vigilante na kaugaliang Amerikano ay nakabatay sa mga pakikibaka ng bansa para sa kasarinlan. Noong 1773, halimbawa, ang mga residente ng Boston ay nagplano at nagsagawa ng pagsalakay sa mga opisyal ng Stamp Tax, na kilala bilang Boston Tea Party. Pagkatapos ng American Revolution, patuloy na pinangatwiranan ng mga tao ang marahas na pagpapatupad ng inaakala nilang kagustuhan ng nakararami. Sa mga lunsod man o sa mga nayon, marami sa mga unang mamamayan ng Amerika ang nag-angkin ng karapatang taglayin ang batas sa sarili nilang mga kamay, madalas laban sa minorya, upang mapangalagaan ang kanilang paraan ng pamumuhay. Maging ang mga opisyal ng pamahalaan ay tinatanggap ang mga pangangatwirang ito. Si Daniel Dunklin, na naglingkod bilang gobernador ng Missouri mula 1832 hanggang 1836, sa panahong pinalayas ang mga Banal mula sa Jackson County, ay binanggit na “ang damdamin ng publiko ay maaaring maging mas mahalaga kaysa sa batas; at … walang saysay kung kakalabanin ito.”1
Gaano ka-organisado ang karahasan laban sa mga miyembro ng Simbahan?
Tulad ng iba pang karahasang vigilante sa unang Amerika, ang pananalakay ng tao laban sa mga Mormon ay mas organisado kaysa sa imumungkahi ng salitang mandurumog sa modernong mga tainga. Ang mga pananalakay sa mga target na Banal sa mga Huling Araw noong Hulyo 1833 sa Independence, Missouri, bilang halimbawa, ay isinagawa ng komite ng mga pinakakagalang-galang na mamamayan ng county—isang kumpletong komite na may tagapangulo at mga kalihim. Bago winasak ang palimbagan ni W. W. Phelps at binuhusan ng alkitran at balahibo si Bishop Edward Partridge at isa pang miyembro ng Simbahan, ang mga pinuno ng komunidad na ito ay nagpulong sa isang bahay-hukuman, nagbalangkas ng isang manipesto na iginigiit na lisanin ng mga Banal ang county, at nangako, na ginagaya ang mga lumagda sa Deklarasyon ng Kasarinlan [Declaration of Independence], ng kanilang “buhay, kapalaran, at mga sagradong papuri” bilang suporta sa resolusyon.2
Paano tumugon ang mga Banal sa mga Huling Araw sa karahasang vigilante?
Sa maraming pagkakataon, madalas na magkasanib o magkakampi ang mga mandurumog at lokal na militia, na siyang nagpapahirap sa mga Banal sa mga Huling Araw na makatanggap ng patas na pakikitungo sa ilalim ng batas.3 Sa katunayan, ang mga koronel ng militia sa Jackson County ang mga taong kumuha sa mga armas ng mga miyembro ng Simbahan noong 1833 at pagkatapos ay nanood lamang ang mga ito habang sinisira ng mga vigilante ang mga tahanan at ari-arian ng mga Banal. Noong 1838 ginamit mismo ng ilang miyembro ng Simbahan ang vigilantism upang protektahan ang kanilang mga tahanan at gumanti laban sa mga nagtatangka sa kanila.4 Sa lahat ng labanan sa Missouri at sa loob ng ilang taon pagkatapos nito, hinikayat ni Joseph Smith at ng iba pang mga lider ang mga miyembro ng Simbahan na maghangad ng kabayaran mula sa pambansang pamahalaan para sa kanilang mga kawalan.5
Mga Kaugnay na Paksa: Karahasan sa Jackson County, Mormon-Missouri War noong 1838, Oposisyon sa Simbahan Noong Bago Pa Ito