Kasaysayan ng Simbahan
Mga Nagkakaisang Orden


“Mga Nagkakaisang Orden,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan

“Mga Nagkakaisang Orden”

Mga Nagkakaisang Orden

Noong dekada ng 1860 sa teritoryo ng Utah, inasahan ni Brigham Young na ang pagdating ng mga riles ng tren ay magdadala ng bagong komersiyo at magbabago ng ekonomiya sa Kanluran.1 Upang mapanatiling abot-kaya ang mga kalakal at protektahan ang mga lokal na tagagawa, inayos niya at ng iba pang mga lider ang isang eksklusibong kooperatibang network sa pagitan ng mga mangangalakal na Banal sa mga Huling Araw at mga tagapagtustos ng produkto.2 Sa loob ng maikling panahon ay nagtagumpay ang mga kooperatibang establisimiyentong ito sa pagpigil ng ilang inaangkat, ngunit habang lumalago ang ekonomiya lampas sa kakayahang tustusan ang sarili nito noong dekada ng 1870, mas maraming tao ang bumili ng mga kalakal gamit ang utang at naghanap ng trabaho sa halip na gumawa ng kanilang sariling kalakal. Kinumpirma ng pagkataranta sa merkado noong 1873 ang marami sa mga inaalala ni Brigham Young—dumami ang mga utang at pagkalugi sa buong teritoryo, at ang mga layunin ng kilusang kooperatiba ay tila nagpahina ng mga komersyal na aktibidad ng mga karaniwang mamimili.3

Main Street sa Lunsod ng Salt Lake

Mga institusyong pangangalakal at kooperatiba sa kahabaan ng Main Street, Lunsod ng Salt Lake.

Nilalayong protektahan ang mga mapagkukunan ng mga mas maliliit na komunidad laban sa panlabas na interes, bumuo ang mga lokal at pangkalahatang lider ng Simbahan ng isang sistema pagdating noong dekada ng 1880 na kanilang tinawag na “Nagkakaisang Orden” sa halos 150 pamayanan. Hindi tulad ng mga network ng kooperatiba, na karamihang binubuo ng mga negosyante, ang bagong sistemang ito ay nanawagan sa lahat ng mga miyembro ng komunidad na tipunin ang kanilang trabaho at kita upang labanan ang tumataas na pag-aangkat, suportahan ang mga lokal na produksyon, maglinang ng mga bagong industriya, at tugunan ang mga pangangailangan ng mga maralita. Samantalang ipinatupad ni Joseph Smith ang batas ng paglalaan sa pamamagitan ng pangangasiwa ng mga bishop, ginamit ng mga Nagkakaisang Orden ang mga tipan ng paglalaan sa lahat ng mga ugnayang sibil, mula sa mga amo at empleyado hanggang sa mga komersyal na grupo at namumuhunan.

Sa karamihan ng mga Nagkakaisang Orden sa Teritoryo ng Utah, nag-ambag ang mga miyembro sa isang pangkaraniwang pondo, tumanggap ng capital stock at mga bayad na stock, at nilimatahan ang kanilang gawain at komersyo sa lokal na orden. Karaniwang responsable ang kababaihan sa mga gawain ng produksyon ng tela, edukasyon, pagluluto, at medikal at pangangalagang komadrona, habang ang kalalakihan ay gumawa sa pagsasaka at mga proyektong imprastraktura.4 Ngunit hindi lahat ng Nagkakaisang Orden ay umiiral sa gayon ding paraan. Sa “Nagkakaisang Orden ni Enoch” sa St. George, ipinakita ng mga aplikante ang kanilang mga pangako sa tipan sa pamamagitan ng muling pagpapabinyag at nangangakong susunod sa mga patakaran ng orden, at inihalal nila ang lupon ng mga tagapangasiwa na pamahalaan ang iba’t ibang negosyo sa komunidad; sa Lunsod ng Brigham, isang lupon ng mga tagapangasiwa ang nagpalawak ng network ng kooperatiba sa lahat ng mamamayan. Sa Orderville at Price, inilayon ng mga kasapi ng orden ang ganap na komunal na pamumuhay; pinasimulan ng lupon ng mga tagapamahala ang isang iskedyul ng trabaho, nagtalaga ng trabaho, at kinokontrol ang pagkain at pagpapalitan ng mga bagay.5

mapa ng Orderville, Utah

Mapa ng Orderville, Utah, 1875.

Habang pinaiigting ng mga pederal na opisyal ang kanilang pagpapatupad ng batas laban sa poligamya noong dekada ng 1880, nahirapan ang maraming Nagkakaisang Orden na panatilihin ang kanilang mga kasapi sa gitna ng mga pagsalakay ng pamahalaan.6 Patuloy ang mga komersyal na negosyo sa paglaganap, at halos lahat ng mga Banal sa mga Huling Araw ay piniling sumama sa lumalaking ekonomiyang merkado. Pagsapit ng dekada ng 1890, kapwa ang mga institusyong kooperatiba at Nagkakaisang Orden ay nagsara o nagbagong anyo bilang mga pribadong negosyo.

Ang Salitang Nagkakaisang Orden sa Doktrina at mga Tipan

Ang salitang Nagkakaisang Orden ay ginamit para tukuyin ang iba’t ibang sistema sa kabuuan ng ika-19 na siglo. Mula 1832 hanggang 1834, sina Joseph Smith at iba pang kasamahan ay magkakasamang nangasiwa ng ilang pangangalakal, paglilimbag, pagawaan, at mga pangangalakal sa lupa sa pamamagitan ng isang organisasyon na tinatawag na United Firm o Nagkakaisang Samahan, isang hiwalay na negosyo mula sa sistema ng Simbahan ng paglalaan at pangangasiwa na pinamamahalaan ni Bishop Edward Partridge. Nang ang mga paghahayag na tinatalakay ang samahan ay unang inilathala sa Doktrina at mga Tipan, pinalitan ng mga bansag na pangalan ang mga tunay na pangalan upang mapangalagaan ang pagiging kumpidensyal, at ang pangalang “Nagkakaisang Samahan” ay pinalitan ng “Nagkakaisang Orden.” Ang mga Banal sa mga Huling Araw na hindi nakibahagi sa orden ay nagkakamali sa pag-uugnay sa katagang Nagkakaisang Orden sa mga naunang pagsisikap ni Joseph Smith na ipatupad ang sistema ng inilaang ari-arian na unang inihayag ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan 42.7

Mga Kaugnay na Paksa: Cooperative Movement, Paglalaan at Pangangasiwa, United Firm o Nagkakaisang Samahan (“Nagkakaisang Orden”)

Mga Tala

  1. Tingnan sa Paksa: Riles ng Tren.

  2. Tingnan sa Paksa: Cooperative Movement.

  3. Kasunod ng Pagkataranta noong 1873, may mga oportunidad na nagbukas para sa mga alternatibong alyansa at sistemang pang-ekonomiya. Maraming lokal at pangrehiyon na eksperimento, tulad ng mga Nagkakaisang Orden (United Order) sa Utah, ang lumitaw sa halos kabuuan ng Estados Unidos, sa halos maikling panahon lamang (tingnan sa “The Politics of Depression” sa Eric Foner, Reconstruction: America’s Unfinished Revolution, 1863–1877 [New York: Harper and Row, 1988], 512–63).

  4. Leonard J. Arrington, Great Basin Kingdom: An Economic History of the Latter-day Saints, 1830–1900 (Lincoln: University of Nebraska Press, 1958), 327–35; James Cleith Phillips, “‘As Sisters in Zion’: Mormon Women and the United Order in Arizona’s Little Colorado Colonies,” Journal of Arizona History, tomo 51, blg. 2 (Tag-init 2010), 161–65.

  5. Arrington, Great Basin Kingdom, 324–34.

  6. Tingnan sa Paksa: Batas Laban sa Poligamya.

  7. Tingnan sa mga Paksa: United Firm o Nagkakaisang Samahan (“Nagkakaisang Orden”), Paglalaan at Pangangasiwa. Tingnan din sa Steven C. Harper, “‘All Things Are the Lord’s’: The Law of Consecration in the Doctrine and Covenants,” sa Andrew H. Hedges, J. Spencer Fluhman, at Alonzo L. Gaskill, mga pat., The Doctrine and Covenants: Revelations in Context (Provo, Utah: Religious Studies Center, 2008), 212–27.