“Turkish Mission,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan
“Turkish Mission”
Turkish Mission
Unang nagkaroon ng presensya ang Simbahan sa Imperyong Ottoman noong 1884, matapos sumulat si Hagop Vartooguian, isang Kristiyanong Armenian, sa pangulo ng European Mission upang humiling na maturuan ng mga missionary.1 Si Jacob Spori, isang Swiss na missionary, ay nagtrabaho kalaunan sa Constantinople ngunit iilan lamang ang nakita niya na interesadong mabinyagan.2
Ang lakas ng kulturang Muslim at iba pang mga kalagayan sa imperyo ay naghikayat kay Spori at sa mga kalaunang missionary na ituon ang kanilang mga pagsisikap sa mga minoryang grupo ng relihiyon, partikular na sa mga Kristiyano. Ang mga pinunong Ottoman ay nagtatag ng isang sistema na kumikilala sa tatlong pamayanan ng mga kultura/relihiyon—Jewish, Greek Orthodox, and Armenian Apostolic—at nagpahintulot sa bawat pamayanan na magkaroon ng limitadong sariling pamahalaan. Ang mga Armenian, na karamihan ay nakatira sa gitnang Turkey, ang pinakamalaking grupo ng Kristiyano sa imperyo. Dahil ang kanilang impluwensya sa pulitika ay nakabatay sa laki ng kanilang pamayanan, ang mga lider na Armenian ay madalas kumilos laban sa mga taong umalis sa Armenian Apostolic Church.3
Noong 1887 sa Constantinople, narinig ng isang lalaking nagngangalang Dekran Shahabian ang patotoo ni Ferdinand Hintze, isang Danish na missionary mula sa Utah na naglilingkod noon bilang lider ng Turkish Mission. Matapos bumalik sa kanyang tahanan, hiniling ni Shahabian na dumalaw si Elder Hintze sa kanyang bayan ng Sivas sa katimugang Turkey. Bininyagan ni Hintze si Shahabian, at ang dalawa ay nangaral ng ebanghelyo sa mga kalapit na lugar. Hindi nagtagal ay naitatag ang mga branch sa Zara, Aintab, Aleppo, Alexandretta, at Beirut. Lalo na sa Aintab, kung saan sinimulang pahinain ng impluwensya ng Protestante ang pangingibabaw ng simbahang Armenian, “nagdagsaan ang malalaking grupo ng tao sa paligid [ni Hintze], at mula madaling-araw hanggang sa kalaliman ng gabi ay nagtatanong sila tungkol sa Ebanghelyo.”4
Sa Haifa, nagtatag ang mga Alemang Protestante ng isang pamayanan kung saan hinihintay nila ang pagtubos ng Jerusalem. Napansin ng isang kolonista na nagngangalang Johann Georg Grau si Hintze na nakatayo sa harapan ng kanyang tindahan at nakita niya ito bilang katuparan ng isang panaginip niya na magpapadala sa kanya ang Panginoon ng isang sugo. Matapos siyang mabinyagan, si Grau ay inorden bilang elder at nagsimulang mangaral.5 Dahil sa mas malaking tagumpay sa mga Armenian at sa mga Alemang kolonista, noong 1889 ay inilipat ni Hintze ang punong-tanggapan ng Turkish Mission mula sa Constantinople patungo sa Aintab. Ang kahirapan ay nanatiling isang malaking hamon, habang maraming bagong binyag ang nawalan ng trabaho dahil sa mababang pagtingin ng lipunan sa mga nagpalit ng relihiyon. Gayunpaman, maraming miyembro ang matagumpay na nakapag-impok ng sapat na salapi upang mandayuhan sa Utah.6
Noong 1903, si Joseph W. Booth ay namuno sa mission at naglingkod sa mga miyembro ng Simbahan sa panahon ng umiigting na tensyon sa pulitika. Ang Turkish Mission, na may punong-tanggapan sa Aintab, ay isinara noong 1909, nang maging masyadong mapanganib ang mga kalagayan para sa gawaing misyonero dahil sa kaguluhan sa pulitika. Ang sumunod na dekada, na nakasaksi sa Unang Digmaang Pandaigdig at sa pagbagsak ng Imperyong Ottoman, ay nagdulot ng higit na kaguluhan at karahasan para sa maraming sibilyan at iniwan nitong magulo ang maliit na branch ng Aintab.
Nang malaman ng mga lider ng Simbahan ang mga hamong hinaharap ng mga Banal na Armenian, hinikayat nila ang mga Banal sa mga Huling Araw sa Estados Unidos at sa Aintab na pagsamahin ang kanilang mga panalangin at pag-aayuno para sa pagpapalaya. Ang mga Amerikanong miyembro ng Simbahan ay nagbigay ng donasyon para makatulong, at noong taglagas ng 1921, tinulungan ng nagbabalik na mission president na si Joseph W. Booth ang mga nakaligtas sa Aintab branch na mandayuhan sa timog patungo sa Aleppo, Syria. Siya at ang kanyang asawa na si Maria Rebecca Moyle Booth ay patuloy na tumulong sa mga Banal na nakaligtas.
Habang pinananatili ng mga Banal sa mga Huling Araw ang presensya sa Syria at Lebanon, humina ang gawaing misyonero sa Turkey noong dekada ng 1920. Ang unang kongregasyon ng mga Banal sa mga Huling Araw sa modernong Turkey ay inorganisa sa Ankara noong 1979.