“Lambak ng Salt Lake,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan
Lambak ng Salt Lake
Lambak ng Salt Lake
Habang ang tensyon sa pagitan ng mga Banal sa mga Huling Araw at iba pa sa Illinois ay umiigting noong panahon ng tagsibol ng 1844, nagsimulang maghanap sina Joseph Smith at ang Konseho ng Limampu ng lugar na paglilipatan kung saan mapayapang maitatatag ng mga Banal ang kaharian ng Diyos.1 Kasama sa mga lugar na pinagninilayan ay ang Republika ng Texas, ang pinagtatalunang teritoryo ng Oregon, at ang mga teritoryo ng Mexico sa Rocky Mountains at California. Tumindi ang paghahanap na ito para sa isang bagong lugar na pagtitipunan matapos ang pagpaslang kina Joseph at Hyrum Smith. Inalis ng Konseho ng Limampu ang Texas sa pinagpipilian noong ito ay sumanib sa Estados Unidos, subalit ang California ay itinuring na kanais-nais dahil sa mga daungan nito, dahil inasahan ng mga lider ng Simbahan ang malakihang pagtitipon ng mga Banal mula sa mga mission ng Simbahan sa ibayong dagat.2
Gayunman, pagsapit ng taglagas ng 1845 ang mga lider ng Simbahan, kabilang sina Brigham Young, Parley Pratt, at George A. Smith ay naging interesado sa rehiyon ng Great Salt Lake, isang lupain na sa pangalan ay nasa pamumuno ng Mexico ngunit itinuturing na halos hindi tinitirahan at natural na pinoprotektahan ng napakalawak na Rocky Mountains. Pinaplanong magpadala ng isang paunang grupo upang ihanda ang daan pakanluran, sinabi ni Brigham Young sa Konseho, “Napatunayan na mayroong hindi gayong kahirapan sa pagpapadala ng mga tao lampas pa sa [Rocky mountains]. Lumikha tayo ng plano upang ipadala sila sa isang lugar malapit sa Great Salt Lake at matapos nating makarating doon, sa kaunting panahon ay maaari nating bagtasin ang daan patungo sa ulo ng Look ng California, o ang Look ng St Francisco.” Ang rehiyon ng Great Salt Lake ay itinuring din bilang isang magandang lugar para sa pagtatatag ng mga ugnayan sa mga bansa ng American Indian sa kanluran.3
Isang pangunang grupo na pinamunuan ni Brigham Young ang dumating sa Lambak ng Salt Lake noong Hulyo 24, 1847.4 Hindi tulad ng iba pang mga lambak sa lugar, na tinitirahan ng mga American Indian sa malaking bahagi ng taon, ang Lambak ng Salt Lake ay hindi gaanong ginagamit sa pangangaso at pagtitipon ng mga mamamayang Ute at Shoshone ng rehiyon. Sa halip na sarilinang maghiwa-hiwalay sa buong kalupaan, humimpil ang grupo ni Brigham Young sa isang kuta habang sinisiyasat ang lunsod at pagkatapos ay pumili ng mga loteng titirhan. Inspirado sa mapa ni Joseph Smith ng Lunsod ng Sion, inatasan ni Brigham Young ang mga tagasiyasat na sina Orson Pratt at Henry Sherwood na markahan ang malalaking daan ng lunsod sa parilya ng mga malalawak na kalye, at nag-iiwan ng espasyo para sa itatayong templo sa gitna.5 Ang mga lote ng tirahan ay pinatubigan ng City Creek, isang sapang mula sa bundok na dumadaloy sa lambak, upang ang mga pioneer ay maaaring magkaroon ng mga pribadong hardin at halamanan. Ang matabang lupa na sakahan sa timog ng lunsod ay itinabi para sa mga malakihang pananim tulad ng trigo, mais, oats, at flax. Hindi tulad ng iba pang mga naninirahan sa tigang na Kanlurang Amerika, na namumuhay nang malayo sa isa’t isa, ang mga naunang Banal na ito ay nagtakda ng huwaran sa pagtatayo ng kanilang mga tahanan nang malapit sa bawat isa at nagsasaka ng mga pananim sa labas ng bayan ng lunsod. Ang huwarang ito ay kalaunang sinundan ng mga Banal sa mga pamayanan sa buong rehiyon ng Great Basin.6
Habang patuloy na dumarating ang iba pang mga Banal sa mga sumunod na taon, nagpaunlad ang mga lider ng Simbahan ng mas maraming lupain bilang tirahan sa silangan, timog, at kanluran ng lugar na pagtatayuan ng templo. Bukod pa sa mga gitnang ward ng Lunsod ng Salt Lake, nagtayo ang mga Banal ng mga agrikultural na komunidad sa mga pampang ng mga sapa sa lambak. Sa patuloy na pagtitipon ng mga Banal sa Utah, at sa pagtatapos ng transcontinental na riles ng tren noong 1869, ang Lunsod ng Salt Lake ay naging isang malaking lunsod, naging isang permanenteng kanlungan para sa mga Banal, at nananatiling tahanan ng pandaigdigang punong-tanggapan ng Simbahan.7
Mga Kaugnay na Paksa: Mga Pamayanan ng mga Pioneer, Paglalakbay ng mga Pioneer, Pandarayuhan, Konseho ng Limampu, Mga Kuliglig at mga Seagull, Salt Lake Temple