“Thomas B. Marsh,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan
“Thomas B. Marsh”
Thomas B. Marsh
Isinilang sa Massachusetts noong 1799, nilisan ni Thomas B. Marsh ang kanyang tahanan sa edad na 14 anyos at nagtrabaho sa mga serye ng panandaliang propesyon sa Vermont at New York. May ilang pagkakataon na nagsaka siya, naging serbidor, nag-alaga ng mga kabayo, nagbenta ng mga groseri, at gumawa ng printing-press type. Hindi nasiyahan sa mga relihiyon noon, umalis siya sa lahat ng mga simbahan, inaasahan ang araw kung kailan lilitaw ang isang bagong simbahan na nagtataglay “ng dalisay na katotohanan.”1 Noong 1830, nalaman niya ang tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo at naglakbay papuntang Palmyra, New York, kung saan niya nakilala si Martin Harris at nabigyan ng 16 na pahina ng Aklat ni Mormon, na kalalabas lang mula sa palimbagan. Nagbalik si Marsh sa Massachusetts at ipinakita ang mga pahina sa kanyang asawa, si Elizabeth Godkin Marsh, na naniwala na ang pagsasalin ay gawain ng Diyos.
Ang mga Marsh ay lumipat na kasama ang kanilang tatlong anak sa Palmyra noong Setyembre 1830 at kaagad na nangabinyagan sa Simbahan pagkatapos niyon. Matapos lumipat sa Kirtland, Ohio, noong 1831, si Marsh ay naorden na high priest. Noong Nobyembre 1832, lumipat siya sa Jackson County, Missouri, at itinira ang kanyang pamilya sa isang komportableng bahay na yari sa troso sa Big Blue River at nagsimulang magsaka. Matapos maitaboy ng mga mandurumog ang mga Banal palabas ng county, ang mga Marsh ay tumira sa kalapit na Lafayette County, kung saan nagturo si Marsh sa paaralan.
Ginampanan ni Marsh ang mga mahahalagang tungkulin noong mga panahong iyon. Di nagtagal pagkatapos sumapi sa Simbahan, tinawag siya sa pamamagitan ng paghahayag na maging “Doktor sa Simbahan.” Hindi malinaw kung si Marsh, na walang pormal na pagsasanay sa medisina, ay maglilingkod bilang doktor ng medisina o sa halip ay bilang espirituwal na tagapagpagaling.2 Sa Missouri, naglingkod siya bilang branch president at, kalaunan, sa Zion high council. Noong Abril 1835, siya ay inorden bilang miyembro ng bagong likhang Korum ng Labindalawang Apostol. Sa edad na 36, siya ang pinakamatandang miyembro ng lupon na iyon at dahil dito ay sinang-ayunan bilang unang pangulo ng korum sa kasaysayan ng Simbahan.
Kaagad pinangunahan ni Marsh ang Labindalawa sa isang misyon sa mga estado sa silanganan. Ang korum ay binuo ng mga kabataang lalaki, kung saan lahat sila ay may ilang taon pa lang na karanasan sa Simbahan. Noong 1837, noong panahon ng krisis sa ekonomiya at pag-aalsa sa Kirtland, pinagdudahan ng ilan sa Labindalawa ang pamumuno ni Joseph Smith, at nahirapan si Marsh na pag-isahin ang korum. Bagaman apat sa Labindalawa ang itiniwalag sa Simbahan, si Marsh ay naging kasangkapan sa pagtulong sa iba na nasa korum, kabilang si Parley P. Pratt, upang mapaglabanan ang kanilang mga alalahanin at manatiling tapat.
Halos kasabay din niyon, ipinadala ni Joseph Smith ang Apostol na si Heber C. Kimball para buksan ang gawaing misyonero sa England. Nang malaman ito, sumama ang loob ni Marsh, marahil nadismaya na bilang pangulo ng korum ay hindi siya sinangguni tungkol sa pagtatalagang ito. “Maging mapagpakumbaba ka; at ang Panginoon mong Diyos ay aakayin ka sa kamay,” ang sabi sa kanya ng isang paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith. Hinikayat ng Panginoon na maging matapat si Marsh at “huwag maghimagsik laban sa aking tagapaglingkod na si Joseph.”3
Gayunman, matapos lumipat sa Far West, Missouri, noong 1838, naging mapintasin si Marsh kay Joseph Smith at kinalaban ang mga Banal sa mga Huling Araw gamit ang dahas upang labanan ang mga mandurumog sa Missouri.4 Nilagdaan niya at ni Orson Hyde ang isang sinumpaang salaysay na nagdedetalye ng kanilang mga alalahanin tungkol sa karahasan ng mga Mormon, na naging ebidensya na ginamit ng mga opisyal ng Missouri laban sa mga Banal. “Mayroon akong tahilan sa aking mata at inakala kong makikita ko ang puwing sa mata ni Joseph,” paggunita niya makalipas ang mga taon, “bagamat iyon ay isang tahilan lamang sa aking mata.”5 Umalis siya sa Simbahan noong Oktubre 1838, at sila ni Elizabeth ay itinaguyod ang kanilang pamilya sa Missouri. Pumanaw si Elizabeth noong 1854, at hinangad ni Marsh na muli siyang makabalik sa Simbahan makalipas ang tatlong taon. Habang tumutulong sa pandarayuhan ng Simbahan, di nagtagal ay muli siyang bininyagan sa Florence, Nebraska. Kalaunan ay nanirahan sa Utah, pinakasalan ni Marsh si Hannah Adams, nagturo sa paaralan sa Spanish Fork, at lumipat kalaunan sa Ogden, kung saan siya pumanaw noong 1862.
Mga Kaugnay na Paksa: Korum ng Labindalawa