Kasaysayan ng Simbahan
Mga Kuliglig at mga Tagak


“Mga Kuliglig at mga Tagak,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan

“Mga Kuliglig at mga Tagak”

Mga Kuliglig at mga Tagak

Ang mga unang Banal sa mga Huling Araw na pumasok sa Lambak ng Salt Lake noong tag-init ng 1847 ay agad na nagsimulang magtrabaho upang ihanda ang tuyong lupa para sa anihan sa tagsibol. Gayunman, may mga matitinding kakulangan sa pagkain noong taglamig na iyon, na naging dahilan para ang mga Banal ay sabik na umasa sa kanilang mga pananim sa tagsibol. Nang lumago ang mga pananim noong tagsibol na iyon, tila mayabong at luntian ang mga ito, kaya inasahan ng mga magsasaka na magkakaroon ng isang masaganang ani. Nakapanlulumo, gayunman, nang kuyugin ng mga pulutong ng kuliglig ang mga bukid noong huling bahagi ng Mayo 1848, na nagbantang sirain ang halos lahat ng posibleng panustos na pagkain ng mga pioneer. Sa loob ng halos isang buwan, nakipaglaban ang mga Banal sa mga kuliglig sa tinatawag ng ilan na Pakikidigma sa mga Kuliglig noong 1848.1

Noong tag-init, lalong naging kahila-hilakbot ang sitwasyon. Nanood na lamang ang mga magsasaka habang nilalamon ng mga kuliglig ang ekta-ektaryang lawak ng butil at mga gulay.2 Si Brigham Young, na noon ay gumagabay sa isang malaking grupo patawid sa mga kapatagan, ay nakatanggap ng mga ulat na pinag-iisipan ng ilan na umalis sa lambak patungo sa California o Oregon. Pinayuhan ng iba si Young na sikaping pigilan ang patuloy na pandarayuhan doon ng mga pioneer dahil sa takot na magugutom ang mga ito. Samantala, nilabanan ng mga pamilya ang mga kuliglig gamit ang mga walis, bras, patpat, at lubid, subalit tila walang makakapigil sa “hukbo ng taggutom at kawalang pag-asa.” Marami ang nanalangin na iligtas sila ng Panginoon mula sa pamemesteng ito.3

Noong unang bahagi ng Hunyo, bumulusok sa lambak ang malalaking kawan ng mga California gull o tagak, na nagpakabusog sa mga kuliglig. Noong una, marami sa mga magsasaka, na nangangambang isa pang kalamidad ang maaaring mangyari sa kanilang mga walang kalaban-laban na pananim, ang natakot sa bilang ng mga tagak. Subalit hindi nagtagal ay pinanood nila ang mga tagak na magpakabundat sa mga kuliglig, uminom ng tubig, isuka ang mga bahaging hindi natutunaw, at bumalik para kumain pa nang mas marami.4 Bagama’t nagtagal pa ng ilang mga linggo ang pamemeste ng mga kuliglig, sapat na ang nakain ng mga tagak upang mabawasan ang pinsala.

larawan ng mga tagak na dumarating

Larawan ng mga tagak na dumarating upang lamunin ang mga kuliglig ng pintor na si Minerva Teichert.

Ang mga kuliglig ay isa lamang sa ilang mga problemang kinaharap ng mga pioneer na naninirahan sa Lambak ng Salt Lake habang nahihirapan silang makapag-ani ng pananim noong tag-init na iyon. Marami sa mga pinakaunang sanggunian tungkol sa taong iyon ang nagmumungkahi na ang mga magsasaka at ang mga lider ng Simbahan ay nag-alala rin tungkol sa huling bahagi ng taglamig at kakulangan ng patubig tulad ng pag-aalala nila tungkol sa mga kuliglig, maaaring dahil ilang partikular na pananim lamang ang sinalakay ng mga kuliglig, at hindi ang lahat ng agrikultura.

Lumalabas na ang karanasan ng mga Banal sa mga kuliglig at tagak noong 1848 ay una lamang sa maraming gayong mga karanasan. Bumalik ang mga kuliglig sa panahon ng anihan sa iba pang mga taon, at sa ilang mga lugar sa Utah, sa mas maraming bilang kaysa noong 1848. Sa halos bawat pagkakataon, ang mga tagak ay dumarating upang muling magpakabusog sa mga pulutong ng kuliglig.5

Sa kabila ng paulit-ulit na pangyayari, ang pagkaligtas mula sa pamemeste ng mga kuliglig noong 1848 ang tumatak sa alaala ng mga pioneer. Nakita ng mga Banal ang mapang-ingat na kamay ng Panginoon sa pagdating ng mga ibon. Ang “Himala ng mga Tagak” ay nagbigay-inspirasyon sa mga unang nanirahan sa Utah na magbigay-pitagan sa ibon, at halos agad nilang ipinatupad ang mga patakaran at batas na magpapasura sa sinumang manggugulo o papatay ng mga tagak. Ang kontribusyon ng mga tagak ay ginugunita ngayon sa pamamagitan ng isang bantayog sa Temple Square sa Salt Lake City.

Bantayog ng Tagak

Bantayog ng Tagak sa Temple Square sa Salt Lake City.

Mga Kaugnay na Paksa: Lambak ng Salt Lake, Ekonomiya ng mga Pioneer

  1. Leonard J. Arrington, Great Basin Kingdom: An Economic History of the Latter-day Saints, 1830–1900, bagong ed. (Urbana: University of Illinois Press, 2005), 45–50.

  2. Iniuri ng mga entomolohista ang mga insektong ito hindi bilang mga kuliglig, kundi bilang mga katydid, at itinala ang uri bilang Anabrus simplex, na kalaunang tinawag na “Mormon cricket” dahil sa pangyayaring ito noong 1848. (Howard Stansbury, Exploration and Survey of the Valley of the Great Salt Lake of Utah, Including a Reconnoissance of a New Route through the Rocky Mountains [Philadelphia: Lippincott, Grambo & Co., 1852], 372.)

  3. Orson F. Whitney, History of Utah, 4 tomo (Salt Lake City: George Q. Cannon & Sons, 1892), 1:377–78; William G. Hartley, “Mormons, Crickets, and Gulls: A New Look at an Old Story,” Utah Historical Quarterly, tomo 38, blg. 3 (Tag-init 1970), 227–30.

  4. Hartley, “Mormons, Crickets, and Gulls,” 224–39. Ang ginagawa ng mga ibon na pagsuka sa mga kuliglig ay isang karaniwang gawi sa pagkain hindi lamang ng mga tagak, kundi maging ng iba pang uri ng mga ibon. Tingnan sa John K. Terres, The Audubon Society Encyclopedia of North American Birds (New York: Wings Books, 1991), 153–54.

  5. Dinagdagan ang kuwento sa ilang kalaunang mga salaysay, na nagmumungkahing ang paglitaw ng mga tagak ay hindi pa nangyayari sa kasaysayan ng lugar o nagpapahayag na hindi karaniwan para sa mga ito na sumuka at kumain pa nang mas marami. Tingnan sa Orson Hyde, diskurso, Set. 24, 1854, sa Deseret News, tomo 4, blg. 30 (Okt. 5, 1854), 1–2; George Q. Cannon, “The Mormon Land System in Utah,” Irrigation Age, tomo 7, blg. 4 (Okt. 1894), 188–89. Para sa karagdagang impormasyon sa mga salaysay tungkol sa mga kuliglig at mga tagak, tingnan sa Hartley, “Mormons, Crickets, and Gulls,” 224–39.