“Mga Ward at Stake,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan
“Mga Ward at Stake”
Mga Ward at Stake
Nang maorganisa ang Simbahan noong Abril 1830, walang pangangailangan para sa isang malawakang istrukturang pang-organisasyon, dahil karamihan sa mga Banal ay nagagawang magtipun-tipon sa iisang lugar. Habang ang mga indibidwal at pamilya ay sumapi sa Simbahan sa mas malalayong lugar, inorganisa sila bilang hiwalay na mga kongregasyon, o mga “branch.” Pagkatapos, sa loob ng isang taon ng pagkakatatag ng Simbahan, inatasan ng paghahayag ang mga grupong ito ng mga mananampalataya na magtipon sa isang lugar.1 Hindi naglaon, ang mga sentro ng pagtitipon ay itinatag sa Kirtland, Ohio, at sa Jackson County, Missouri. Inaasahan ng mga Banal sa Missouri na maitatayo ang lunsod ng Sion bilang paghahanda para sa Ikalawang Pagparito. Ang Kirtland ay itinalaga bilang “istaka [stake] ng Sion,” tinutukoy ang metapora ni Isaias tungkol sa isang highanteng tolda na magsisilbing tirahan para sa mga pinagtipanang tao ng Diyos.2 Ang mga miyembro ng Simbahan sa dalawang lugar ng pagtitipon ay pinamumunuan ng isang panguluhan, bishop, at high council.3
Isinugo ang mga misyonero mula sa mga lugar na ito ng pagtitipon upang ipangaral ang ebanghelyo sa buong Estados Unidos, Canada, at, noong 1837, sa Great Britain. Ang mga bagong binyag ay inaasahan na magtipon sa Missouri o Ohio kasama ang iba pang mga Banal sa mga Huling Araw kung kailan maaari. Gayunman, nabuo ang maraming maliliit na branch ng Simbahan sa mga lugar kung saan nagkaroon ng tagumpay ang mga misyonero. Ang mga branch ay pinangangasiwaan ng Korum ng Labindalawang Apostol, na binigyan ng responsibilidad upang kumilos bilang “naglalakbay na mataas na kapulungan” para sa mga branch sa labas ng mga sentro ng pagtitipon.4
Marami pang mga stake, bukod pa sa nasa Kirtland, ang nilikha matapos itaboy ang mga Banal mula sa Jackson County at kalaunan mula sa buong estado ng Missouri. Ang stake sa Nauvoo, Illinois, ay napakalaki at nagsilbi bilang pangunahing sentro ng pagtitipon noong unang bahagi ng dekada ng 1840. Lumawak ang lunsod sa punto kung saan hinati ito sa mga municipal ward, na isang karaniwang paraan ng pangangasiwa ng mga malalaking lunsod noong panahong iyon. Ang mga ward na ito ay naging isang mahalagang paraan upang pangasiwaan ang gawain ng Simbahan gayundin ang mga gawain ng pamayanan, na madalas ay nagiging magkasama sa lunsod kung saan napakaraming mga Banal sa mga Huling Araw.5 Noong 1842, nagtatag ang mataas na kapulungan ng Nauvoo ng 10 ward at naghirang ng bishop para sa bawat ward. Ang mga bishop ay may pangunahing tungkulin na pangalagaan ang mga maralita sa kani-kanilang ward, at ang mga ward ay ginamit bilang paraan ng pag-oorganisa ng pangongolekta at pamamahagi ng ikapu at paggawa sa templo. Ang mga korum ng priesthood ay patuloy na inoorganisa sa antas ng stake, at ang mga Banal sa Nauvoo ay kadalasang magkakasama sa pagsamba bilang isang stake.6
Matapos lumipat ang pinakamalaking pangkat ng Simbahan sa isa pang sentro ng pagtitipon sa Utah noong huling bahagi ng dekada ng 1840, nagpatuloy ang mga gayon ding kaayusan ng organisasyon. Ang Lunsod ng Salt Lake ay kaagad na itinatag bilang stake at hinati sa 19 na ward. Sa pagitan ng 1847 hanggang sa kanyang kamatayan noong 1877, nag-organisa si Brigham Young ng 20 stake sa Utah at Idaho, bawat isa ay sakop ang isang malaking lugar na kinabibilangan ng maraming pamayanan. Ang mga mas maliliit na bayan at pamayanan ay karaniwang may sariling bishop, at kapag lumalaki sila, sila rin ay hinahati sa mga ward, kung saan bawat isa ay may sariling mga bishop. Unti-unti, karamihan sa mga miyemro ay nagsimulang sumamba nang magkakasama bilang mga ward sa halip na bilang mga bayan o stake.7
Noong 1877, nag-atas si Brigham Young ng malawakang pagpapasimple ng mga organisasyon ng Simbahan, binubuo o pinagpapatibay ang marami sa mga pangunahing istruktura na umiiral sa Simbahan ngayon: ang mga mas maliliit na grupo tulad ng mga branch na may mga branch president, mga mas malaking grupo bilang mga ward na may bishop, lahat ay nasa loob at pinangangasiwaan ng mga stake, na pinamumunuan ng mga stake president.8
Sa mga lugar sa labas ng mga stake, sa mga mission ng Simbahan, ang mga maliliit na branch ay patuloy na nangangalaga sa mga bagong binyag at sa mga yaong hindi makapagtipon. Nagtitipon nang magkakasama ang mga grupo ng mga branch sa mga palagiang tinipong kumperensya, at ang mga lider ng Simbahan at mga miyembro ay nagsimulang gamitin ang katagang kumperensya para ilarawan ang mga grupong ito ng mga branch. Pinamumunuan ang mga kumperensya ng isang pangulo ng kumperensya, na karaniwan ay isang misyonero.
Sa unang bahagi ng ika-20 siglo, ang mga Pangulo ng Simbahan na sina Lorenzo Snow at Joseph F. Smith ay gumawa ng mga pagbabago sa mga stake sa Utah, na naghahati sa mga malalaking stake ayon sa populasyon ng kanilang mga miyembro sa halip na sa kanilang layo sa isa’t isa. Halimbawa, ang Stake ng Salt Lake na may mga 40,000 miyembro ay hinati sa anim na mas maliliit na stake. Ang mga pagbabagong ito ay humantong sa mga ward na magkaroon ng laki na mas madaling pamahalaan at nakakahikayat ng mas malaking pakikibahagi mula sa mga lokal na miyembro. Nakikibahagi ang mga ward at stake sa pagbuo ng mga programa na humantong sa pagpapatayo ng libu-libong mga meetinghouse. Ang mga ward ay nagbigay ng paraan para maabot ang awtoridad ng priesthood upang mapangasiwaan ang mga ordenansa ng ebanghelyo, lubos na isagawa ang mga auxiliary program ng Simbahan, at tugunan ang mga temporal na pangangailangan ng mga Banal.9
Sa labas ng lugar sa paligid ng Utah, ang mga mission, na pinamumunuan ng mga mission president, ay pinamahalaan ang pagpapatakbo ng Simbahan. Ang daan-daang mga branch sa mga mission, na ngayon ay nakakalat sa halos bawat kontinente, ay patuloy na lumalawak habang ang mga bagong miyembro ay lalong hinikayat na manatili sa kanilang sariling bayan sa halip na magtipon sa Utah. Ang mga kumperensya (mga grupo ng mga branch) sa mga mission ay pinangalanan bilang mga district. Simula noong dekada ng 1920, ang mga lider ng Simbahan ay nagtatatag ng mga stake sa labas ng kanlurang Estados Unidos. Ang mga nauna ay itinatag sa California, hilagang Mexico, at silangang Estados Unidos, pagkatapos ay iilan sa Pacific at Europa. Noong dekada ng 1970, nagsimulang magtatag ng mga stake sa buong mundo ang mga lider ng Simbahan, kung saan ang bawat stake ay namamahala sa ilang mga ward o branch.10
Ang mga stake at ward ay nagbibigay ng malakas na pakiramdam ng pagiging bahagi ng komunidad at pakiramdam ng pagkakatanggap sa mga miyembro, kung saan karamihan ay naninirahan ngayon sa mga abalang lunsod o sa mga lugar kung saan ang mga Banal sa mga Huling Araw ay maliit na minorya. Sa lokal na antas, ang mga bishop at mga miyembro ng ward ay pinangangalagaan at pinaglilingkuran ang bawat isa habang sinisikap nilang mamuhay ayon sa mga alituntunin ng ebanghelyo. Karamihan sa mga korum ng priesthood at mga auxiliary ng Simbahan ay inorganisa sa ward. Ang mga linya ng eklesiyastikal na awtoridad ay nag-uugnay sa mga ward sa pamamagitan ng mga stake presidency sa mga General Authority at mga Pangkalahatang Pinuno ng Simbahan.