Kasaysayan ng Simbahan
Digmaan sa Utah


“Digmaan sa Utah,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan

“Digmaan sa Utah”

Digmaan sa Utah

Noong 1856 at 1857 naranasan ng mga Banal sa mga Huling Araw sa Teritoryo ng Utah ang panahon ng espirituwal na pagpapanibago, o “repormasyon,” na nagtatampok ng mahihigpit na pangangaral laban sa lubusang pagtalikod sa katotohanan at mga impluwensya sa labas. Nakadarama ng pagbabanta sa pinatinding kasabikang ito, ang mga hindi Banal sa mga Huling Araw na nakatira sa teritoryo ang nagsambit ng kanilang mga alalahanin sa popular na pahayagan. Kasabay nito, nakipagtalo ang mga opisyal na itinalaga ng pederal na pamahalaan sa mga lider ng Simbahan tungkol sa patakarang pampubliko, at noong 1857 ang mga Banal sa mga Huling Araw na nasa lehislatura ay ibinalita sa bagong pangulo ng Estados Unidos, si James Buchanan, na hindi na nila kukunsintihin ang mga “tiwaling” itinalaga. Ang mensaheng ito at iba pang mga sabi-sabi ay humikayat kay Buchanan na isiping isang pag-aaklas ang maaaring sumiklab sa Utah, at isinugo niya si Alfred Cumming kasama ang isang malaking grupo ng pederal na hukbo na tinatawag na “Utah Expedition” upang palitan si Brigham Young bilang gobernador ng teritoryo.

Hindi bababa sa 1,500 sundalo ang nagmartsa pakanluran sa pinakamalaki at pinakamahal na armadong pagsasagawa ng Estados Unidos noong panahon sa pagitan ng Digmaang Mehikano-Amerikano at Digmaang Sibil ng Amerika. Sinabi ni Buchanan na ang layunin ng armadong panghihimasok ay upang maibalik at mapanatili ang “kataas-taasang kapangyarihan ng Konstitusyon at mga batas sa Teritoryo ng Utah.” Naniwala siya na kinamkam nina Brigham Young at ng mga Banal sa mga Huling Araw ang kataas-taasang kapangyarihang ito. Muling ipanunumbalik nina Gobernador Cumming at iba pang mga opisyal ng teritoryo ang pederal na awtoridad sa Utah, isang tagubilin na ikinatakot ng mga Banal na maaaring magpasimula ng pag-uusig sa buong bansa.

Sa gitna ng pagkabalisa sa nalalapit na pagdating ng hukbo, tinambangan ng mga natatakot na Banal sa mga Huling Araw sa katimugang Utah ang grupo ng mga bagon ng mga dayuhang patungo sa California, na kumitil sa buhay ng mahigit 120 kalalakihan, kababaihan, at mga bata sa nakilala bilang Mountain Meadows Massacre. Ang pagsalakay ay naging pinakamarahas na pagkakataon na nagbunga mula sa panahon ng mga napakatinding tensyon na may kaugnayan sa digmaan.

Habang nagmamartsa ang mga hukbo patungo sa Teritoryo ng Utah, tumugon si Brigham Young sa pamamagitan ng pagpapalabas ng deklarasyon ng batas militar, at ang mga Banal sa mga Huling Araw, lalaki at babae, ay inihanda ang kanilang mga sarili para sa pagdating ng mga sundalo. Itinalaga ng mga opisyal ng milisya ng teritoryo ang mga lalaki sa mga pangunahing daanan na patungo sa rehiyon ng pamayanan ng mga Banal sa mga Huling Araw. Sa isang pagkakataon, nilibot ng mga babae ang kanilang mga ward upang mangolekta ng makakapal na kasuotan para sa mga lalaking nakatalaga sa mga daanan sa bundok. Isinulat ni Margaret Clawson na ang kanyang ina ay “napuyat nang maraming gabi sa paggatsilyo ng mga medyas na yari sa lana upang protektahan ang mga [kalalakihan] mula sa sungit ng panahon. Ibinigay niya ang kanyang panahon at anumang kakaunting pinagkukunan na mayroon siya na kanyang maibibigay para sa kanilang kapanatagan.”

Ang hukbo, na pinamumunuan ni Koronel Albert Sidney Johnston, ay nakarating sa hilagang-silangang hangganan ng Teritoryo ng Utah noong taglagas ng 1857 at nakita na ang mga milisyang Banal sa mga Huling Araw ay sinunog ang mga pangunahing base ng kalakalan at militar sa Fort Bridger, nagsunog ng mga damo, winasak ang mga bagon ng mga panustos, at binulabog ang mga hayop ng hukbo. Hindi nagtagal ay nagtatag ang ekspedisyon ng base para sa taglamig sa di-kalayuan, kung saan sinimulan ni Alfred Cumming ang kanyang termino bilang gobernador.

Nabahala sa pagdating ng hukbo ang lipunan ng mga Banal sa mga Huling Araw. Hiniling ni Brigham Young sa mga Banal na “lumipat patimog” mula sa mga pangunahing pamayanan sa hilagang Utah. Naging isang lubhang mahirap na karanasan ito para sa maraming Banal, na inimpake ang kanilang kakaunting kagamitan at pagkain sa mga bagon. Si Cynthia Jane Park Stowell, na ang asawa ay dinakip ng mga sundalo noong nakaraang taglagas, ay nilisan ang kanyang tahanan sa Ogden isang linggo matapos manganak at naglakad nang mahigit 80 kilometro “nang may isang bagon at dalawang magkatuwang na baka” at may 12 anak.

Nagpadala si Buchanan ng mga komisyonado ng kapayapaan noong Hunyo 1858, at nakipag-ayos si Thomas L. Kane ng kapayapaan para sa mga Banal sa mga Huling Araw. Itinayo ng hukbo ang isang kampo mga 40 milya (65 kilometro) sa timog-silangan ng Lunsod ng Salt Lake sa Camp Floyd noong tag-init na iyon. Ang permanenteng presensya ng mga bagong opisyal ng pederal at libu-libong bagong naninirahan ay nagbago ng lokal na ekonomiya at nagdala sa mga Banal sa mga Huling Araw ng hindi kanais-nais na mga elementong panlipunan, pangkultura, at pampulitika.

Ang Digmaan sa Utah ay humantong sa paglikha ng isang bagong pederal na distritong militar na tinawag na “Department of Utah,” at ang pinakamalaking grupo ng Hukbo ng Estados Unidos ay nanatili sa Utah hanggang sa nagsimula ang Digmaang Sibil ng Amerika. Sa pagitan ng 1858 at 1861, maraming naisagawa ang ekspedisyon upang makabuo ng mga bagong daanan at ruta sa Intermountain West habang nag-iipon ng bagong siyentipikong impormasyon tungkol sa rehiyon. Nagsagawa rin ang hukbo ng mga sagupaan laban sa mga katutubong naninirahan sa Utah.

Ang Digmaan sa Utah ay nakilala sa maraming pangalan. May ilan na binansagan ito bilang “sinasabing digmaan” dahil sa kakulangan ng isang deklarasyon ng digmaan mula sa Kongreso at ang kaugnay na kawalan ng pagdanak ng dugo sa pagitan ng mga naglalabanan. Karamihang ginugunita ito ng mga Banal sa mga Huling Araw bilang “Johnston’s Army.” Ang opisyal na pangalan, ang Utah Expedition, ay ginagamit sa mga dokumento ng pamahalaan upang tukuyin ang pederal na hukbo na ipinadala sa Utah. Gayunpaman, ang labanan ay tunay na isang digmaan at nagdala ng maraming pinsala sa buhay, pulitika, lipunan, at ekonomiya.

Mga Kaugnay na Paksa: Repormasyon noong 1856–57, Mountain Meadows Massacre, Utah, Digmaang Mehikano-Amerikano, Digmaang Sibil sa Amerika, Thomas L. at Elizabeth Kane

Mga Tala

  1. Tingnan sa Paksa: Repormasyon noong 1856–57.

  2. Tingnan sa mga Paksa: Digmaang Mehikano-Amerikano, Digmaang Sibil sa Amerika; tingnan din sa William B. MacKinnon, At Sword’s Point: A Documentary History of the Utah War, 2 tomo. (Norman, Oklahoma: Arthur H. Clark, 2008).

  3. James Buchanan, First Annual Message from the President of the United States to the Two Houses of Congress at the Commencement of the First Session of the Thirty-Fifth Congress (Washington, D.C.: Cornelius Wendell, 1857).

  4. Tingnan sa Paksa: Mountain Meadows Massacre.

  5. Margaret G. Clawson, Volume 3, Margaret G. Clawson Reminiscences, 1904–1911, 43, Church History Library, Salt Lake City.

  6. Biographical Sketch of Cynthia Jane Stowell, MS 4054, Church History Library, Salt Lake City.

  7. Tingnan sa paksa: Thomas L. at Elizabeth Kane.

  8. Tingnan sa Paksa: Mga American Indian.