Joseph Fielding Smith
Naglingkod si Joseph Fielding Smith bilang ikasampung Pangulo ng Simbahan mula 1970 hanggang sa pagpanaw niya noong 1972. Isinilang siya noong taong 1876 sa mga magulang na sina Julina Lambson Smith at Joseph F. Smith, na noon ay miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol na kalaunan ay naging ika-6 na Pangulo ng Simbahan. Ginugol ni Joseph Fielding Smith ang kanyang kabataan sa pagtulong sa kanyang ina, na isang lisensyadong komadrona, at pagtatrabaho sa sakahan ng kanilang pamilya kasama ang kanyang ama at mga kapatid na lalaki.1 Ang ama at mga kamag-anak ni Joseph ay nagsasabuhay ng maramihang pag-aasawa, at marami ang nagtago noong dekada ng 1880 kung saan isang agresibong kampanya ng pamahalaan ng Estados Unidos laban sa poligamya ang gumambala sa buhay ng maraming Banal. Nagunita ni Joseph na ang mga ahente ng pamahalaan na naghahabol kanyang ama at iba pang mga lider ng Simbahan ay madalas magtanong sa kanya, kanyang pamilya, at kanyang mga kapitbahay. Naalala niyang “natatakot siya sa mga deputy marshal” noong pinanonood niya ang mga pamilya na “itinataboy sa bawat direksyon,” lalo na kapag wala ang kanyang ama.2
Tatlong ulit ikinasal si Joseph Fielding Smith. Nakilala niya si Louie Shurtliff habang nag-aaral sa Latter-day Saints’ College, at ikinasal ang dalawa noong 1898. Nagsilang si Louie ng dalawang anak na babae, ngunit noong 1908 ay nagkaroon siya ng mga kumplikasyon noong kanyang ipinagbubuntis ang kanilang ikatlong anak at pumanaw siya nang hindi pa naisisilang ang bata.3 Makalipas ang walong buwan, pinakasalan ni Joseph si Ethel Reynolds, at nagkaroon sila ng siyam na anak. Noong 1937, pumanaw si Ethel dahil sa cerebral hemorrhage, na siyang nag-iwan kay Joseph bilang balo sa ikalawang pagkakataon.4 Noong sumunod na taon, pinakasalan ni Joseph si Jessie Evans, isang matagumpay na soloista sa Tabernacle Choir. Noong sumunod na 30 taon, madalas siyang magtanghal (minsan ay sa mga dueto kasama si Joseph) sa kanilang maraming paglalakbay noong naglilingkod sila sa Simbahan.5
Halos buong buhay ng pagiging adult ni Jospeh ay inilaan sa paglilingkod sa Simbahan. Hindi nagtagal matapos ang kanyang unang kasal, lumisan siya para sa isang misyon sa England. Habang nasa tinubuang lupa ng kanyang mga ninuno, tinugunan niya ang hiling ng kanyang ama na saliksikin ang kanilang talaangkanan at magtipon ng impormasyong talaangkanan mula sa mga lumang tala ng kongregasyon, na nagbunsod ng kanyang panghabambuhay na interes sa kasaysayan ng pamilya.6 Sa kanyang pagbabalik, tumanggap si Joseph ng alok na magtrabaho sa Church Historian’s Office, kung saan tumulong siya sa pagtitipon ng mga balita ukol sa Simbahan at iba pang mga ulat. Madalas siyang makabasa ng mga materyal na isinulat upang pagbintangan o siraan ng -puri ang Simbahan at mga miyembro nito, at nasanay na siyang salungatin ang mga kasinungalingan gamit ang mga impormasyon mula sa mga banal na kasulatan at impormasyong pangkasaysayan. Sa loob ng limang taon sa kanyang propesyunal na karera, hinirang si Joseph bilang katuwang na historyador ng Simbahan at nagpatuloy ng kanyang pangkasaysayang pagsasaliksik at pagsusulat sa sumunod na 70 taon.7
Sa edad na 33 taong gulang ay tinawag siya sa Korum ng Labindalawang Apostol. Ang kanyang paglilingkod bilang apostol ay umabot ng anim na dekada at kabilang dito ang mga karagdagang katungkulan bilang librarian at kalaunan ay pangulo ng Genealogical Society of Utah (mula 1910 hanggang 1961) at bilang Church Historian and Recorder (mula 1921 hanggang 1970).8 Marami siyang inakda, sumulat ng hindi mabilang na mga mensahe; ilang daang artikulo sa mga paksa tungkol sa talaangkanan, doktrina, at kasaysayan; at 18 aklat. Ang kanyang compilation na pinamagatang Teachings of the Prophet Joseph Smith ay nagpabatid ng mga kaisipan at pagtuturo ni Joseph Smith. Sa loob ng isang taon sa kanyang katungkulan bilang Church Historian and Recorder, inilathala ni Elder Smith ang Essentials in Church History, na 20 beses na muling inilimbag at nanatiling isa sa mga pinakamabiling aklat noong dekada ng 1970. Ang mga manunulat ng kasaysayang hindi kathang-isip noong panahong iyon ay madalas magsulat ng mahahaba at siksik na mga kuwento; ngunit ang Essentials in Church History ay lubhang lumayo sa estilong ito sa pamamagitan ng pagpapaikli ng mas mahabang naratibo at paglalahad ng direkta at simpleng mga paninindigan tungkol sa mga nakaraang pangyayari, na lubhang nakaimpluwensya sa paraan ng pagsulat ng mga manwal at iba pang mga materyal para sa mga miyembro ng Simbahan. Ang hindi nagmamaliw na katapatan ni Elder Smith sa katotohanan ng ebanghelyo sa pulpito at sa kanyang mga akda ay nagbigay sa kanya ng reputasyon bilang pangunahing tagapagtanggol ng pananampalataya ng kanyang henerasyon.9
Hindi nagtagal matapos pumanaw si Pangulong David O. McKay noong 1970, sinang-ayunan si Joseph Fielding Smith bilang Pangulo ng Simbahan. Pinangunahan ni Pangulong Smith ang pagrepaso ng pagpapatakbo ng Simbahan na nagpabuti sa correlation ng mga publikasyon at komunikasyon, inayos ang istruktura ng mga departamento sa punong tanggapan ng Simbahan, at isinama ang Korum ng Labindalawang Apostol sa mas maraming pagdedesisyong pang-administratibo na dating nakalaan para sa Unang Panguluhan. Pinasinayaan din niya ang mga area conference upang mas maiugnay nang mainam ang mga General Authority at mga pandaigdigang kongregasyon.10 Nagtamasa ng magandang kalusugan sa kanyang buong buhay, naospital sa unang pagkakataon si Pangulong Smith sa edad na 94. Nagpatuloy siya sa pagdalo sa mga pulong at pagbisita sa mga Banal hanggang bago ang kanyang ika-96 na kaarawan, nang tahimik siyang pumanaw isang Linggo ng gabi noong Hulyo 1972.11
Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa buhay ni Joseph Fielding Smith, tingnan ang mga video sa Prophets of the Restoration sa history.ChurchofJesusChrist.org o sa Gospel Library app.
Mga Kaugnay na Paksa: Joseph F. Smith, George Albert Smith, Kasaysayan ng Pamilya at Talaangkanan [Family History at Genealogy], Organikong Ebolusyon, Correlation