Kasaysayan ng Simbahan
Zina Diantha Huntington Young


Zina Diantha Huntington Young

Si Zina Diantha Huntington Jacobs Young ay isang tagapayo kay Eliza R. Snow sa Pangkalahatang Panguluhan ng Relief Society at siya ang humalili rito noong 1888 upang maging ikatlong Pangulo ng Relief Society. Naalala ng maraming Banal sa mga Huling Araw ang dalawang lider na ito bilang magkatuwang: si Eliza bilang utak ng Relief Society, si Zina bilang puso nito.1 Kilala siya bilang si “Zina, ang mang-aaliw” dahil sa kanyang awa, pagkagiliw, at personal na paglilingkod.2

larawan ni Zina D. H. Jacobs Young

Larawan ni Zina d. H. Jacobs Young.

Isinilang noong 1821 sa isang respetado at lubhang relihiyosong pamilya mga 160 kilometro pahilagang-silangan ng Palmyra, New York, nadama ni Zina ang katotohanan ng Aklat ni Mormon nang una niyang makita ito bilang isang kabataang babae. Sumapi siya sa Simbahan kasama ang kanyang pamilya noong 1835.3 Matapos ang kanyang pagbibinyag, biniyayaan si Zina ng mga espirituwal na kaloob, kabilang ang kaloob na mga wika.4 Natuto rin si Zina mula sa kanyang ina kung paano maglingkod sa maysakit, kapwa sa pamamagitan ng pisikal na pangangalaga at pagpapagaling sa pamamagitan ng pananampalataya.5 Kasama ang iba pang mga Banal sa mga Huling Araw, siya ay tumira sa Kirtland, nagdusa sa Missouri noong 1838, nakatagpo ng kanlungan sa Nauvoo, at ginawa ang paglalakbay ng mga pioneer papuntang Utah.

Sa Nauvoo, si Zina ay naging isa sa mga unang tinuruan, tumanggap, at kalaunan ay nagsabuhay ng maramihang pag-aasawa. Ang kanyang karanasan ay naglalarawan ng komplikadong relasyon na kung minsan ay umiiral noong unang yugto ng pagsasagawa ng gawaing ito. Noong 1840 ay sarilinang itinuro ni Joseph Smith sa kanya ang tungkol sa maramihang pag-aasawa at nag-alok ng kasal sa kanya. Hindi tiyak tungkol sa gawain, tumanggi si Zina. Noong 1841 ay nagpakasal siya kay Henry Jacobs, ngunit makaraan ang ilang buwan, matapos tumanggap ng personal na paghahayag ukol sa maramihang pag-aasawa, nagpasiya siyang mabuklod sa kawalang-hanggan kay Joseph Smith.6 “Sinaliksik ko ang mga banal na kasulatan,” paggunita niya, “at sa mapagkumbabang panalangin sa aking Ama sa Langit ay nagkaroon ako ng patotoo sa sarili ko.”7

Pagkamatay ni Joseph, marami sa kanyang mga maramihang asawa ay ibinuklod sa ibang mga lider ng Simbahan sa buhay na ito lamang, kabilang na si Zina, na nabuklod kay Brigham Young noong 1846 habang kasal pa rin sa huwes kay Henry. Kalaunang inilarawan ni Zina ang kanyang kasal kay Henry bilang malungkot, at sa isang punto ay naghiwalay sila.8 Sa Winter Quarters, kung saan ang mga Banal ay nagsimula na mamuhay nang hayagan sa mga maramihang pamilya, sumapi si Zina sa sambahayan ng mga Young. Halos kasabay nito, umalis si Henry para sa isang misyon, at hindi nagtagal ay nagpakasal sa isa pang babae.9 Patungkol sa kasalimuotan ng mga relasyong ito, sumulat siya kay Zina, “Magkakaroon ng pagbabago sa panahon at mga pagbabago sa kawalang-hanggan at ang lahat ay magiging tama sa huli.”10

Si Zina ay may dalawang anak na lalaki kay Henry Jacobs at isang anak na babae kay Brigham Young. Itinaguyod din niya ang tatlong anak ni Clarissa Ross Young, isa pang asawa ni Brigham Young, matapos ang pagkamatay ni Clarissa noong 1857.11 Naglilingkod si Zina bilang Pangkalahatang Pangulo ng Relief Society noong 1890 nang ibinalita ni Pangulong Wilford Woodruff ang Pahayag, na humantong sa pagtatapos ng maramihang pag-aasawa sa Simbahan.12

Si Zina ay palaging aktibo sa kanyang komunidad. Umawit siya sa koro ng templo sa Kirtland.13 Nagturo siya sa paaralan sa Nauvoo, Winter Quarters, at Lunsod ng Salt Lake.14 Sa Lunsod ng Salt Lake, nag-aral si Zina ng kadalubhasaan sa pagpapaanak at pinamunuan ang mga kurso sa obstetrics at nursing at naglingkod sa lupon ng Deseret Hospital. Natuto siyang mag-alaga ng mga silkworm bilang bahagi ng isang tungkulin na magkaroon ng isang lokal na industriya ng seda, at noong 1876 ay naging pangulo siya ng Deseret Silk Association. Aktibong itinaguyod ni Zina ang karapatan sa pagboto ng mga kababaihan, pagdalo sa mga pambansang kumbensyon at paglilingkod bilang bise presidente ng National Council of Women.

Sa gitna ng lahat ng kanyang iba pang mga aktibidad, lubos na nakibahagi si Zina sa Relief Society. Siya ay naging miyembro ng samahan sa Nauvoo sa pangalawang pagpupulong nito at kalaunan, simula noong dekada ng 1860, tumulong siya kay Eliza R. Snow sa pag-oorganisa ng mga lokal na Relief Society, naglalakbay ng libu-libong kilometro upang bisitahin ang mga kapatid na babae sa buong Utah. Sinang-ayunan ng Simbahan si Zina bilang Pangkalahatang Pangulo ng Relief Society sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 1888. Isang taon kalaunan, pinamunuan ni Zina ang unang Pangkalahatang Kumperensya ng Relief Society sa Assembly Hall sa Temple Square. “Mga kapatid, tayo ay maging isang maringal na organisasyon at manindigan sa tama,” itinuro niya sa pulong na iyon. “Tayo ay magpakumbaba at maging matatag, igalang ang katotohanan, at maging tapat sa pagpapanatili nito.”15 Itinuro ni Zina sa pamamagitan ng halimbawa ang kahalagahan ng paglilingkod sa templo. Naglingkod siya sa Salt Lake Endowment House, sa St. George Temple at Logan Temple, at bilang matron ng Salt Lake Temple noong inilaan ito noong 1893.

Namatay si Zina noong Agosto 28, 1901. Tinawag siya ng isang kasabayang babae na “masaya kapag tanging matatapang na kaluluwa lamang ang nakakangiti.”16 At may isa pa na naaalala siya bilang “isang anghel ng pag-asa at pananampalataya sa libu-libong mga Banal sa mga Huling Araw.”17

Mga Kaugnay na Paksa: Relief Society; Brigham Young

Mga Tala

  1. Susa Young Gates, History of the Young Ladies Mutual Improvement Association of the Church of Jesus Christ of Latter-day Saints (Salt Lake City: Deseret News, 1911), 21.

  2. E. B. Wells, “Zina D. H. Young,” Young Woman’s Journal, tomo 12, blg. 6 (Hunyo 1901), 254; “A Distinguished Woman: Zina D. H. Young,” Woman’s Exponent, tomo 10, blg. 12 (Nob. 15, 1881), 91.

  3. Zina D. H. Young, “How I Gained My Testimony of the Truth,” Young Woman’s Journal, tomo 4, blg. 7 (Abr. 1893), 318.

  4. Young, “How I Gained My Testimony,” 317–19. Paksa: Kaloob na mga Wika.

  5. May Booth Talmage, “Past Three Score and Ten,” Young Woman’s Journal, tomo 12, blg. 6 (Hunyo 1901), 256. Tingnan sa Paksa: Pagpapagaling.

  6. Alam ng mga naunang Banal sa mga Huling Araw na magkaiba ang pagbubuklod para sa panahon at sa kawalang-hanggan at ng mga pagbubuklod na para sa kawalang-hanggan lamang. Ang pagbubuklod na para lamang sa kawalang-hanggan ay mga ugnayan na mangyayari lamang sa kabilang buhay. Ang mga pagbubuklod na ito ay isang paraan upang makalikha ng isang walang hanggang ugnayan sa pagitan ng pamilya ni Joseph at ng iba pang mga pamilya sa loob ng Simbahan. Tingnan sa “Plural Marriage in Kirtland and Nauvoo,” Gospel Topics Essay, topics.ChurchofJesusChrist.org.

  7. Zina Huntington Jacobs, autobiographical sketch, Zina Card Brown Family Collection, Church History Library, Salt Lake City; iniayon ang pagbabaybay sa pamantayan.

  8. Ang mga unang kalahok sa maramihang pag-aasawa ay gumawa ng iilang tala ng kaugalian. Ang mga makukuhang pinagkukunang pangkasaysayan ay hindi nagbibigay sa atin ng malinaw na pagkaunawa sa kalikasan at tiyempo ng mga pagpapakasal ni Zina. Hinggil sa pananaw ni Zina sa kalagayan ng kanyang kasal kay Henry, tingnan sa “Evidence from Zina D. Huntington-Young,” Saints’ Herald, tomo 52, blg. 2 (Ene. 11, 1905), 29.

  9. Tingnan sa mga Paksa: Winter Quarters; Maramihang Pag-aasawa sa Utah. Si Henry Jacobs ay isa sa maraming tao na may hawak ng katungkulan ng Pitumpu na tinawag na magmisyon sa panahong ito.

  10. Henry B. Jacobs letter to Zina D. Jacobs, Brooklyn, New York, to Camp of Isreael, Grand Isleand [sic], Aug. 19, 1846, Church History Library, Salt Lake City; iniayon ang pagbabaybay sa pamantayan.

  11. “A Distinguished Woman: Zina D. H. Young,” 107.

  12. Tingnan sa Paksa: Pahayag.

  13. Talmage, “Past Three Score,” 256.

  14. Gates, History of the YLMIA, 24.

  15. Zina D. H. Young, discourse, Apr. 6, 1889, sa “First General Conference of the Relief Society,” Woman’s Exponent, tomo 17, blg. 22 (Abr. 15, 1889), 172; tingnan din sa Jill Mulvay Derr, Carol Cornwall Madsen, Kate Holbrook, at Matthew J. Grow, mga pat., The First Fifty Years of Relief Society: Key Documents in Latter-day Saint Women’s History (Salt Lake City: Church Historian’s Press, 2016), 569.

  16. “Passed into the Repose of Death,” Ago. 28, 1901, Deseret Evening News, 8.

  17. Gates, History of the YLMIA, 25.