Howard W. Hunter
Naglingkod si Howard W. Hunter bilang ika-14 na Pangulo ng Simbahan sa loob ng siyam na buwan sa pagitan ng 1994 at ng kanyang pagpanaw noong 1995. Isinilang siya noong 1907 sa Boise, Idaho, kina Nellie at Will Hunter, kung saan panganay siya sa dalawang anak. Noong panahon ng kasal nina Nellie at Will, hindi pa nauugnay si Will sa anumang simbahan sa kabila ng pagpapalaki sa kanya bilang Episcopalian. Noong kabataan ni Howard, hindi tinutulan ni Will ang pagdalo ng kanyang pamilya sa mga miting ng simbahan ngunit iginiit niya na sumapit muna sa tamang gulang ang kanyang mga anak bago magpabinyag. Sa edad na 12 taong gulang, hinimok ni Howard ang kanyang ama na pahintulutan siyang mabinyagan at nagtagumpay siya. Nagsimula siyang maglingkod sa kanyang deacons quorum habang nagsasagawa ng maraming trabaho sa iba’t ibang industriya, mula sa golf hanggang sa mga tindahan.
Ang pinakanagustuhan ni Howard na aktibidad noong nasa mataas na paaralan pa siya ay pamumuno sa sarili niyang musikal na pangkat, ang Hunter’s Croonaders, na tumugtog sa mga sayawan sa kabuuan ng rehiyon ng Boise. Nagpakadalubhasa siya sa maraming instrumento, kabilang na ang drums, saxophone, at clarinet, at nang magtapos siya sa mataas na paaralan, nakakuha siya ng kontrata upang tumugtog sa pampasaherong barko. Matapos umuwi, si Howard ay nakiangkas patungong California upang bumisita sa kaibigan at dating kasama sa banda at nagpasyang manatili doon nang tuluyan. Hindi nagtagal ay nakilala niya si Clara May Jeffs (na kilala bilang Claire), at nagdeyt ang dalawa sa loob ng tatlong taon bago ikinasal noong 1931. Apat na araw bago ang kanilang kasal, nagpasya si Howard na bitawan na ang propesyonal na pagtugtog. Ang kanilang unang anak na si Howard William Hunter Jr. ay isinilang noong 1934 ngunit sa kasamaang-palad ay namatay noong sanggol pa ito, na nag-iwan sa mag-asawa na “puno ng kapighatian at pagkabigla.” Noong sumunod na taon, pumasok si Howard sa Southwestern Law School upang magsimula ng karera sa business law. Makalipas ang pagtatapos noong 1939, siya ay nagtrabaho bilang abogado at kalaunang naglingkod sa mga lupon ng dalawang dosenang kumpanya.
Noong 1940, sa edad na 32 taong gulang, tinawag si Howard bilang bishop ng bagong organisang El Sereno Ward, isang responsibilidad na inilarawan ni Howard bilang “bagong-bago sa akin” at maaaring isang uri ng misyong naisip niyang paglingkuran balang araw kasama si Claire. Sa kanyang anim na taon bilang bishop, nagsikap si Howard na bumuo ng kapatiran sa buong ward, na siyang masayang ginunita ng mga miyembro makalipas ang ilang taon. Noong 1950, tinawag siya bilang pangulo ng Pasadena California Stake, isang lugar sa Los Angeles County na nasa punto ng matinding pagdami ng populasyon. Sa loob ng dekada, dumami nang higit pa sa doble ang populasyon ng bansa, na nagdala ng maraming Banal sa mga Huling Araw sa lugar. Noong 1959, nagulat siya nang tawagin siya ni Pangulong David O. McKay upang maglingkod bilang Apostol. Tinanggap niya ang pagtawag, iniwan ang kanyang pagiging abogado,at inilaan ang sarili na maglingkod nang full-time sa Simbahan.
Sa kabuuan ng kanyang apostolikong ministeryo, naglakbay nang malawakan si Elder Hunter upang pangasiwaan ang marami sa mga pandaigdigang pagsisikap ng Simbahan. Pinamunuan niya ang Genealogical Society (kalaunan ay naging Family History Department ng Simbahan) at nagmungkahi siya ng mga pag-aangkop sa mga pamantayan ng pagbubuklod, lalo na sa kung paano maisasagawa ng mga miyembro ng Simbahan ang mga pagbubuklod para sa mga namayapa nang kaanak. Sa mungkahi ni Elder Hunter, inaprubahan ni Pangulong David O. McKay ang pagbabago sa polisiya na nagpapahintulot sa mga miyembro na ibuklod ang mga namayapa nang kaanak na babae sa lahat ng mga asawang pinakasalan nila noong nabubuhay pa sila. Nagsagawa rin si Elder Hunter ng mga gawain upang pangasiwaan ang Polynesian Cultural Center sa Hawaii at kalaunan ay ang Church History Department bilang Church Historian and Recorder. Ang isa sa kanyang mga bukod-tanging tagumpay ay ang pagbili ng lupa sa Bundok ng mga Olibo sa Israel para sa pagtatayo ng Brigham Young University Jerusalem Center for Near Eastern Studies at ng Orson Hyde Memorial Garden. Ang kanyang pagiging malapit na kaibigan sa alkalde ng Jerusalem na si Teddy Kollek ay naging mahalaga sa pagkuha ng suporta para sa mga proyekto.
Mula 1972, nagdusa si Claire Hunter dahil sa isang hindi mawala-walang neurolohikal na sakit na madalas maging sanhi upang hindi siya makagalaw. Makalipas ang isang atake sa utak noong 1982, nagpakita si Claire ng mga senyales ng permanenteng pinsala sa utak at pumanaw siya makalipas ang 18 buwan. Noong panahong ito, dumanas si Elder Hunter ng mga hamon sa kalusugan na kinabibilangan ng ulcer, atake sa puso, at matinding sakit sa gulugod. Dahil sa maraming operasyon at pisikal na therapy ay bumuti muli ang lagay ng kanyang kalusugan noong dekada ng 1980, subalit patuloy niyang nilabanan ang mga paminsan-minsang hamon sa natitirang bahagi ng kanyang buhay. Noong 1990, siya at si Inis Stanton, isang dating kakilala mula sa California, ay ikinasal. Madalas samahan ni Inis si Pangulong Hunter sa natitirang bahagi ng kanyang pagmiministeryo bilang Pangulo ng Korum ng Labindalawa at kalaunan ay bilang Pangulo ng Simbahan.
Anim na araw matapos ang pagpanaw ni Pangulong Ezra Taft Benson noong Mayo 1994, na-set apart si Pangulong Howard W. Hunter bilang Pangulo ng Simbahan. Sa kanyang sandaling pagiging pangulo, nanawagan si Pangulong Hunter sa mga miyembro ng Simbahan na mas makibahagi sa pagsamba sa templo at ituon ang kanilang mga buhay kay Jesucristo. Binigyang-diin niya ang pagsasama ng pamilya at inatasan niya ang Simbahan na huwag magdaos ng anumang miting o programa kapag Lunes ng gabi upang magbigay-daan sa family home evening. Nanawagan siya na mapabilis ang gawain sa kasaysayan ng pamilya at gawain sa templo.
Pumanaw si Pangulong Hunter noong Marso 1995. Sa kabila ng kanyang masasabing maikling panunungkulan bilang Pangulo ng Simbahan, ang kanyang mabait na pakikitungo at hindi nagmamaliw na patotoo ay nagpamahal sa kanya sa mga Banal. Ang humalili sa kanya, si Pangulong Gordon B. Hinckley, ay nagbigay-pugay sa pamana ni Pangulong Hunter, nagbibigay-diin sa kanyang katapatan sa ebanghelyo at sa pagkahabag na pinakita niya sa ibang tao. “Kapag nagsasalita siya, nakikinig kaming lahat,” sabi ni Pangulong Hinckley sa libing nito. “Ipinahayag niya nang may matibay na pananalig ang kanyang patotoo sa kabanalan ng Panginoong Jesucristo.”
Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa buhay ni Howard W. Hunter, tingnan ang mga video ng Prophets of the Restoration sa history.ChurchofJesusChrist.org o sa Gospel Library app.
Mga Kaugnay na Paksa: Family Home Evening, Pagtatayo ng Templo, Kasaysayan ng Pamilya at Talaangkanan