“Kirtland Temple,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan
Kirtland Temple
Kirtland Temple
Sa isang paghahayag noong Agosto 1833, inatasan ng Panginoon ang mga Banal sa mga Huling Araw sa Kirtland, Ohio na, “simulan ang gawain ng pagpaplano at paghahanda ng isang pasimula at saligan ng lunsod ng stake ng Sion dito sa lupain ng Kirtland simula sa aking bahay.”1 Nang sumunod na tatlong taon, inilaan ng mga Banal ang malaking bahagi ng kanilang panahon at mga talento sa pagtatayo ng Bahay ng Panginoon, na kalaunang nakilala bilang Kirtland Temple.2
Ang Unang Panguluhan noong panahong iyon—sina Joseph Smith, Sidney Rigdon at Frederick G. Williams—ay nakita ang gusali sa pangitain noong 1833 at pinamunuan ang paglalatag ng batong panulok ng templo sa isang seremonyang ginanap noong Hulyo 23. Sa inihayag na disenyo, ang loob ng templo ay dapat 55 talampakan ang lapad at 65 talampakan ang haba na may isang malaking silid ng pagpupulong sa unang palapag para sa pangangasiwa ng sakramento, pangangaral, pag-aayuno, at pananalangin, at isa pang malaking bulwagan sa ikalawang palapag para sa isang paaralan ng mga elder. Ang panlabas na hitsura ay kahawig ng estilong New England Protestant, ngunit sa loob ay makikita ang mga kakaibang katangian, lalo na ang pagkakaayos ng dalawang serye ng apat na baitang na pulpito sa magkabilang dulo ng mga silid ng pagtitipon para sa upuan ng mga panguluhan ng Melchizedek at Aaronic Priesthood.3
Isang tibagan ng apog ilang milya ang layo mula sa templo ang siyang pinagkunan ng mga batong ginamit para gawing dingding o pader ng templo, at isang lagarian na binuo at pinatatakbo sa pamamagitan ng itinalagang paglilingkod ng mga Banal ang naglaan ng kahoy para sa loob. Ang mahuhusay na karpintero, kasama sina Jacob Bump, Truman Angell, at Brigham Young, ay ginamit ang kanilang kahusayan upang pagandahin ang gusali. Tinipon ng mga bata ang mga itinapong piraso ng mga babasagin at porselana para sa paghahalo ng pinong plaster na gagamitin sa mga pader sa labas ng templo.4
Nang malapit nang matapos ang pagtatayo sa templo, nakipagkita si Joseph Smith sa loob ng istruktura sa mga lalaking Banal sa mga Huling Araw na naorden sa priesthood noong Enero at Pebrero upang maghanda para sa paglalaan. Ang mga tinipong lalaki ay magkakasamang nanalangin, nakaranas ng espirituwal na pagpapakita, tumanggap ng sakramento at nakilahok sa mga sagradong rituwal, kabilang na ang mga seremonya ng paghuhugas at pagpapahid ng langis. Noong Enero 21, 1836, naranasan ni Joseph Smith ang isang pangitain ng kaluwalhatiang selestiyal na matatagpuan ngayon sa Doktrina at mga Tipan 137.
Noong Marso 27, 1836, nagtipon ang mga Banal para sa paglalaan ng templo. Tumanggap sila ng sakramento at nakinig sa ilang sermon. Nag-alay si Joseph Smith ng panalangin ng paglalaan na natanggap niya sa pamamagitan ng paghahayag (ngayon ay D at T 109), na sinundan ng mga Banal ng pagsigaw ng Hosana at pag-awit ng “Ang Espiritu ng Diyos Ama ay Nag-aalab,” isang himnong isinulat ni William W. Phelps para sa okasyon. Ang panalangin ng paglalaan, Sigaw ng Hosana, at himno ni Phelps ay naging karaniwang bahagi ng mga sumunod na seremonya ng paglalaan ng mga templo ng mga Banal sa mga Huling Araw.5
Sa seremonya ng paglalaan at mga pulong noong mga sumunod na linggo, dumanas ang mga Banal sa mga Huling Araw ng mga dramatikong pagpapakita ng Banal na Espiritu at mga pambihirang espirituwal na pangyayari sa loob ng templo na tumupad sa pangako na nasa mga naunang paghahayag na ang Panginoon ay “magkakaloob” sa mga Banal ng “kapangyarihan mula sa kaitaasan.”6 Pinakamahalaga, ang pagpapakita ni Jesucristo at ng ilang propeta sa Lumang Tipan kina Joseph Smith at Oliver Cowdery ang nagpasinaya sa pandaigdigang pagtitipon ng Israel at nagpanumbalik ng kabuuan ng kapangyarihang magbuklod.7
Ang templo ay ginamit bilang sentro ng pagsamba ng mga Banal sa Kirtland, pinagdadausan ng mga pulong ng Sabbath, pulong ng panalangin, at mga pulong ng pag-aayuno. Nagtipon ang mga lider ng Simbahan at mga missionary para sa pag-aaral ng mga paksa kabilang na ang pagbabasa, pagsusulat, kasaysayan, at heograpiya. Ang huling sesyon ng Paaralan ng mga Propeta ng Kirtland (tinatawag din na Paaralan ng mga Elder) ay ginanap sa loob ng templo.8
Isang taon makalipas ang paglalaan ng templo, dumanas ng isang pinansiyal na krisis ang mga Banal sa Kirtland.9 Galit sa mga lider ng Simbahan, isang pangkat na pinamumunuan ng tumututol na si Warren Parrish ang nagtangkang agawin ang gusali. Makalipas ang ilang buwan, isang di-kilalang manununog ang nagtangkang sunugin ang gusali. Ang mga banta ng karahasan at iba pang mga problema ay humantong sa paglisan ng mga lider ng Simbahan at maraming mga Banal sa Ohio at nagtungo sa Far West, Missouri. Ang iilan na lamang na mga Banal na nanatili sa Kirtland ay patuloy na sumamba at nagtipon sa loob ng templo.10
Matapos ang pagkamatay ni Joseph Smith noong 1844, tinanggap ng karamihan sa mga miyembro ng kongregasyon ng Kirtland ang “Bagong Organisasyon,” isang kilusan na kalaunan ay naging Reorganized Church of Jesus Christ of Latter Day Saints, na pinamunuan ng anak ni Joseph na si Joseph Smith III. Noong 1880, kinilala ng korte ang mga tagapagmana ni Joseph Smith bilang mga may hawak ng titulo ng gusali, at pagkaraan ng dalawang dekada, ang Simbahang RLDS (kalaunang nakilala bilang Community of Christ) ay natamo ang pagmamay-ari sa pamamagitan ng mga legal na pamamaraan ng continuous use (kilala bilang adverse possession). Simula noon ang Community of Christ na ang nangangalaga sa gusali.11