Kasaysayan ng Simbahan
Mga Danita


“Mga Danita,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan

“Mga Danita”

Mga Danita

Noong 1838, si Joseph Smith at ang iba pang mga miyembro ng Simbahan ay tumakas mula sa mga mandurumog sa Ohio at lumipat sa Missouri, kung saan nakapagtatag na ng mga pamayanan ang mga Banal sa mga Huling Araw. Si Joseph Smith ay naniwala na ang oposisyon mula sa mga humiwalay sa Simbahan at sa iba pang mga kalaban ay nagpahina at sa huli ay winasak ang kanilang komunidad sa Kirtland, Ohio. Pagsapit ng tag-init ng 1838, nakita ng mga lider ng Simbahan ang paglitaw ng katulad na mga banta sa kanilang komunidad sa Missouri.

Sa pamayanan ng mga Banal sa mga Huling Araw sa Far West, ang ilang mga Banal sa mga Huling Araw ay bumuo ng isang pangkat na kilala bilang “Daughters of Zion o Mga Anak na Babae ng Sion” o ang “mga Danita,” na ang layunin ay ipagtanggol ang komunidad laban sa mga humiwalay at itiniwalag na mga Banal sa mga Huling Araw gayon din ang iba pang mga taga-Missouri. Tinakot ng mga Danita ang mga tumiwalag sa Simbahan at iba pang mga taga-Missouri; halimbawa, pinagsabihan nila ang ilang humiwalay sa Simbahan na lisanin ang Caldwell County. Noong taglagas ng 1838, habang tumitindi ang tensiyon sa panahon ng tinatawag na ngayon na Digmaang Mormon-Missouri, ang mga Danita ay tila napabilang sa mga milisya na karaniwang binubuo noon ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ang mga milisya na ito ay nakikipag-away sa kanilang mga kalaban sa Missouri, na humantong sa pagkamatay ng ilan sa magkabilang panig. Bukod pa rito, ang mga vigilanteng Mormon, kabilang na ang maraming Danita, ay naghalughog sa dalawang bayan na pinaniniwalaang mga sentro ng mga aktibidad laban sa mga Mormon, nagsusunog ng mga bahay at nagnanakaw ng mga produkto.1 Samantalang tinutugis at kung minsan ay pinapatay ng mga anti-Mormon vigilante ang mga Banal sa mga Huling Araw na hindi nakikipaglaban, pangunahing sinasamsam o winawasak ng mga Danita ang ari-arian na pinangangambahan nilang maaaring gamitin ng kanilang mga kalaban.2

Karaniwang sumasang-ayon ang mga mananalaysay na may pahintulot ni Joseph Smith ang mga Danita ngunit marahil ay hindi nasabi sa kanya ang lahat ng kanilang mga plano at malamang na hindi pinagtibay ang buong hanay ng kanilang mga aktibidad o gawain. Tumagal lamang ng limang buwan ang mga Danita, mula Hunyo hanggang Oktubre 1838, at naging talagang aktibo sa dalawang county lamang sa hilagang-kanluran ng Missouri. Bagamat hindi nagtagal ang mga Danita, ito ay nauwi sa matagal at labis na pinalamutiang alamat tungkol sa isang lihim na samahan ng mga vigilanteng Mormon.

Mga Kaugnay na Paksa: Digmaang Mormon-Missouri noong 1838, Utos na Pagpuksa, Pagpaslang sa Hawn’s Mill

Mga Tala

  1. Alexander L. Baugh, A Call to Arms: The 1838 Mormon Defense of Northern Missouri (Provo, Utah: Joseph Fielding Smith Institute for Latter-day Saint History and BYU Press, 2000), 36–43.

  2. Historical Introduction sa “Part 2: 8 July–29 October 1838,” sa Mark Ashurst-McGee, David W. Grua, Elizabeth A. Kuehn, Brenden W. Rensink, at Alexander L. Baugh, mga pat., Documents, Volume 6: February 1838–August 1839. Tomo. 6 ng seryeng Documents ng The Joseph Smith Papers, pinamatnugutan nina Ronald K. Esplin, Matthew J. Grow, at Matthew C. Godfrey (Salt Lake City: Church Historian’s Press, 2017), 169–75. Ang orihinal na pangalan ng organisasyon ay Society of the Daughter of Zion. Ang dalawang pangalang ito ay hango sa mga talata sa Biblia. Tingnan sa Mikas 4:13 at Mga Hukom 18.