“Ang Kirtland Safety Society,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan
“Ang Kirtland Safety Society”
Ang Kirtland Safety Society
Noong taglagas ng 1836, nagpasiya si Joseph Smith at ang iba pang mga pinuno ng Simbahan na magtatag ng isang bangko sa Kirtland, Ohio. Ang mga Banal sa Kirtland, tulad ng mga tao sa maraming mas maliliit na komunidad sa Amerika noong panahong iyon, ay gustong magkaroon ng sariling bangko. Sa isang ekonomiya na umaasa sa pagsasaka, kung saan ang mga ari-arian ng mga tao ay kadalasang nakaugnay sa lupain, ang mga lokal na bangko ay hindi lamang nagbibigay ng mga kinakailangang pautang kundi nagpapaikot din ng sarili nilang mga papel de bangko bilang pera para sa palitan ng mga produkto at serbisyo, at sa gayon ay pinapalawig ang lokal na ekonomiya. Para sa mga Banal noon, ang mithiin ng paglago ng ekonomiya ay mayroon ding layuning pangrelihiyon: mapalawak ang lunsod bilang isang lugar ng pagtitipon para sa mga nagbabalik-loob, tulungan ang mga Banal sa Missouri na itinaboy mula sa kanilang mga tahanan, ipalaganap ang ebanghelyo, at sa huli ay itatag ang Sion.
Noong Oktubre 1836, nagsimulang magtipon ng pondo ang mga Banal mula sa mga stockholder upang buksan ang Kirtland Safety Society Bank, na opisyal na itinatag noong Nobyembre 2, kasama sina Sidney Rigdon at Joseph Smith na kapwa naglilingkod bilang mga opisyal.1 Noong taglamig, gayunman, ang lehislatura ng estado ay hindi nagbigay ng awtorisasyon o banking charter sa Kirtland Safety Society o anumang iba pang bagong bangko. Noong Enero, binago ng mga direktor ng samahan ang kanilang mga plano upang mapatakbo ang bangko nang walang awtorisasyon mula sa estado o state charter, tulad ng ginawa ng ilang iba pang pinansiyal na institusyon, sa gitna ng kahirapang makakuha ng pagsang-ayon ng lehislatura para sa charter.2
Gayunman, naharap sa iba’t ibang hamon ang Kirtland Safety Society at nahirapan nang ilang buwan bago itinigil ang mga operasyon nito noong Agosto 1837.3 Maraming Banal ang nagkaroon ng mga problemang pinansiyal dahil dito, partikular na si Joseph Smith, na malaki ang naging lugi. Naging pagsubok sa pananampalataya ang panahong iyon para sa maraming miyembro ng Simbahan. Ang mga paghihirap ng samahan, kasama ang mga pangkalahatang hamon sa ekonomiya, ay nagpasimula sa pagtatalo sa loob ng Simbahan at humantong sa isang malaking pandarayuhan ng matatapat na Banal sa Missouri.
Dahilan ng Kabiguan ng Samahan
Marami ang naging dahilan ng mga paghihirap ng Kirtland Safety Society. Maraming miyembro ng Simbahan ang nagtuon sa mga pagkukulang sa loob ng kanilang komunidad, sinisisi ang mga pinuno ng Simbahan sa kabiguan nilang makita ang mga posibleng problema, ang mga indibiduwal sa pagbili ng mga lupang mapagkakakitaan at sobrang paggasta, o mga miyembro ng Simbahan sa pangkalahatan sa hindi nila lubos na pagsuporta sa samahan. Hindi lahat ng mga posibleng dahilan, gayunman, ay makokontrol ng mga Banal. Ang oposisyon sa labas, madalas na sanhi ng diskriminasyon laban sa komunidad ng Mormon, ay may bahagi rin sa pagpapahina ng samahan.4
Hindi rin maganda ang tiyempo ng pagkakatatag ng samahan, na nabuo bago ang mas malawak na krisis sa pananalapi na nakilala sa Estados Unidos bilang Panic of 1837. Hindi nakabukod ang mga pagsisikap ng mga Banal sa ekonomiya; sila ay umaasa sa mas malaking ekonomiya ng Amerika, na noon ay labis na naimpluwensyahan ng patakaran sa buwis ng Britanya. Ang mas matataas na interest rate sa Britanya, kasabay ng mga pagbabago sa patakaran sa Estados Unidos na sumira sa pagbebenta ng lupa at nagbigay ng hamon sa lumalagong sistemang pagbabangko ng bansa, ay humantong sa isang pinalawig na pagbagsak ng ekonomiya sa Estados Unidos.5 Bumagsak ang halaga ng mga lupain at presyo ng mga pananim, na humantong sa pagkalugi ng mga bangko, negosyo, at pati na ng maraming estado ng Estados Unidos nang sumunod na ilang taon.
Legal at Pulitikal na Konteksto
Matagal pa bago ang financial panic noong 1837, may mga maiinit na debate na sa kung gaano dapat kahigpit kontrolin ng pamahalaan ng Amerika ang pagbabangko at pananalapi. Dahil kailangan ng mga tao sa malalayong bahagi ng bansa ang isang paraan ng palitan, madalas silang umasa sa mga papel de bangko na ibinigay ng lokal na mga bangko, kumpanya, o iba pang institusyon sa halip na sa mga ginto, pilak o limitadong suplay ng pera na galing sa gobyerno. Nilabanan ng mga tagapagtaguyod ng hard-money ang pagkalat ng ganitong mga gawi at ninais na ang pagbabangko at pananalapi ay mahigpit na kontrolin at dapat suportado ng ginto. Mas gusto ng mga tagpagtaguyod ng soft-money ang mas madaling pag-access sa pagbabangko at isang malawak na sirkulasyon ng mga pampubliko at pribadong pananalapi upang hikayatin ang pagpapaunlad sa ekonomiya. Nang magpalabas ang Kirtland Safety Society ng sarili nitong mga papel de bangko, alinsunod ito sa posisyon ng mga tagapagtaguyod ng soft-money, subalit salungat sa isang batas ng estado noong 1816 na itinatag ng mga tagapagtaguyod ng hard-money.6 Bagamat bihira ang mga pang-uusig sa ilalim ng batas ng 1816, kapwa sina Joseph Smith at Sidney Rigdon ay nilitis at pinagmulta dahil sa desisyon ng Kirtland Safety Society na magpakalat ng mga papel de bangko.7
Ang mga Tugon ng mga Banal
Malupit sa mga Banal sa Kirtland ang mga kalagayan ng ekonomiya noong 1837.8 Isang hamon ang pagbagsak ng presyo ng mga lupain para sa komunidad kung saan marami pa ang may utang na pera sa mga bukirin at bahay na binili nila sa halagang sobra-sobra sa tunay nitong presyo kaysa noong 1837. Ang pagbagsak ng ekonomiya ay partikular na mahirap para sa mga Banal sa Kirtland na mapagtagumpayan dahil sa dati nilang positibong pananaw tungkol sa hinaharap na ekonomiya ng lunsod, na pinalakas ng mga pahayag mula kay Joseph Smith at sa iba pang mga lider ng Simbahan.9 Kasama ng pangkalahatang pagka-positibong iyon ang pakiramdam na magtatagumpay ang Kirtland Safety Society kung tapat ang mga Banal.10 Nang ang taon na iyon ay nagdala ng suliranin sa ekonomiya sa halip na kaunlaran, nanghina ang pananampalataya ng ilang mga Banal.
Ilan sa mga Banal sa mga Huling Araw ang naging hayagang kritiko ni Joseph Smith sa panahong iyon. Pinamunuan ni Warren Parrish ang isang pangkat na hindi tinanggap ang pamumuno ni Joseph at nagtatag ng bagong simbahan na hindi nagtagal. Ang iba, tulad ni Apostol Parley P. Pratt, ay nagpahayag ng pagkakanulo at kabiguan sa maikling panahon ngunit hindi nagtagal ay nagbalik sa simbahan. Karamihan sa mga Banal sa Kirtland ay nanatiling tapat ngunit nakita nila ang hindi pagsang-ayon ng mga kaibigan at sa huli ay tinalikuran nila ang Simbahan.11
Noong 1838, sa harap ng patuloy na pagtatalo, pagbabanta ng karahasan, at hamon sa ekonomiya at mga legal na pagbabago, lumipat sa Missouri ang mga miyembro ng Unang Panguluhan, na sinundan ng marami sa mga Banal sa Kirtland.12 Kahit pagkaalis ni Joseph Smith sa Ohio, hindi niya kinaligtaan ang gawain upang isaayos ang kanyang pananalapi. Si Oliver Granger, na umako ng pananagutan para sa maraming ari-arian ni Joseph Smith sa Kirtland, ay patuloy sa pag-aayos ng pananalapi nito at pagbabayad ng mga natitirang utang sa lugar hanggang sa kamatayan ni Granger noong 1841, nang akuin ni Reuben McBride ang mga responsibilidad na ito sa pananalapi.13