Kasaysayan ng Simbahan
Konseho ng Limampu


“Konseho ng Limampu,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan

“Konseho ng Limampu”

Konseho ng Limampu

Wala pang apat na buwan bago ang kanyang kamatayan noong 1844, tinipon ni Joseph Smith ang isang konseho upang talakayin ang mga mungkahing pamayanan ng mga Banal sa mga Huling Araw na itatatag sa mga lugar na nasa labas ng Estados Unidos noon, tulad ng California at Texas. Pinag-usapan ng konseho hindi lamang ang tungkol sa kung paano pamamahalaan ng mga lider ng Simbahan ang mga pamayanan kundi kung paano rin magtatatag ng kaharian o pamahalaan bilang paghahanda sa paghahari sa milenyo ni Jesucristo. Nakita ni Joseph Smith at ng kanyang mga kasamahan ang konsehong ito bilang pasimula ng naturang kaharian. Binubuo ang konseho ng mga 50 miyembro na karaniwang tinutukoy ito bilang “Kaharian ng Diyos” o “Konseho ng Limampu.”1

Layon ni Joseph Smith na kumilos ang kapulungan nang hiwalay sa Simbahan. Bagamat ang Simbahan ay may responsibilidad para sa espirituwal na kapakanan at sa walang-hanggang kaligtasan ng mga anak ng Diyos, ang Konseho ng Limampu ay isang organisasyong pampulitika o pansibiko na binuo upang “pamahalaan ang mga tao sa mga bagay na sibil.” Marami sa mga pinakamalapit na mga kasamahan ni Joseph ang nakibahagi sa konseho, kabilang na ang mga miyembro ng Unang Panguluhan, Korum ng Labindalawang Apostol, at Nauvoo High Council.2 Tinanggap din ni Joseph ang tatlong hindi Mormon sa kapulungan.

Bahagi ng dahilan ng hangarin ng mga Banal sa mga Huling Araw na maglatag ng pundasyon para sa isang bagong pamahalaang sibil ay ang naranasan nilang pang-uusig sa Missouri. Kumbinsido si Joseph Smith at ang iba pang mga lider ng Simbahan na kung ayaw mang ipagtanggol, ay hindi kayang protektahan ng lokal, estado, at pambansang mga pamahalaan ang mga karapatan ng Simbahan bilang isang maliit na relihiyon. Isa sa mahahalagang layunin ng konseho ay magpatupad ng mga batas na magpoprotekta sa mga “karapatan sa relihiyon at pagsamba” ng mga Banal sa mga Huling Araw at ng iba pa.3 Ang mga tala ng mga pulong ng kapulungan ay naglalaman ng mga makapangyarihang turo mula kay Joseph Smith tungkol sa kalayaan sa relihiyon. Nagsalita siya tungkol sa “kahalagahan ng pag-alis sa ating sarili ng bawat espiritu ng paninira at hindi pagpaparaya sa paniniwala sa relihiyon ng isang tao.”4

Noong tagsibol ng 1844, madalas magtipon ang kapulungan upang magbalangkas ng saligang batas, itaguyod ang kampanya ni Joseph Smith para sa pagkapangulo ng Estados Unidos noong 1844, at tukuyin ang posibleng mga lugar ng pagtitipon sa Kanlurang Amerika. Pagkamatay ni Joseph Smith, muling nagpulong ang konseho noong 1845 at sa unang bahagi ng 1846 sa ilalim ng pamamahala ni Brigham Young upang gumawa ng mga desisyon tungkol sa pamamahala sa Nauvoo, bumuo ng mga diplomatikong ugnayan sa mga American Indian, at paghandaan ang paglalakbay ng mga Banal sa mga Huling Araw papunta sa Kanluran.

Sa Utah ay paminsan-minsang nagpulong ang konseho sa pagitan ng huling bahagi ng 1840s at 1860s. Muling binuo ni John Taylor ang konseho noong 1880, ngunit tumigil na ang mga pulong bago natapos ang dekadang iyon.5

Mga Kaugnay na Paksa: Pag-alis sa Nauvoo, Paghalili sa Pamunuan ng Simbahan

Mga Tala

  1. Isang paghahayag na natanggap sa isang pulong ng konseho ang nagpangalan sa konseho bilang “The Kingdom of God and his Laws, with the keys and power thereof, and judgement in the hands of his servants” [“Ang Kaharian ng Diyos at kanyang mga Batas, taglay ang mga susi at kapangyarihan nito, at paghatol sa mga kamay ng kanyang mga lingkod”] (Matthew J. Grow, Ronald K. Esplin, Mark Ashurst-McGee, Gerrit J. Dirkmaat, at Jeffrey D. Mahas, eds., Administrative Records: Council of Fifty, Minutes, March 1844–January 1846. Vol. 1 ng Administrative Records series ng The Joseph Smith Papers, inedit nina Ronald K. Esplin, Matthew J. Grow, at Matthew C. Godfrey [Salt Lake City: Church Historian’s Press, 2016], 48).

  2. Grow at iba pa, eds., Administrative Records: Council of Fifty, Minutes, xx–xlv, 50 (note 110).

  3. Grow at iba pa, eds., Administrative Records: Council of Fifty, Minutes, 128.

  4. Minutes, Apr. 11, 1844, sa Grow at iba pa, eds., Administrative Records: Council of Fifty, Minutes, 97–101, iniayon sa pamantayan ang baybay at bantas.

  5. Grow at iba pa, eds., Administrative Records: Council of Fifty, Minutes, xx–xlv. Tingnan din sa mga Paksa: Ang Kampanya ni Joseph Smith noong 1844 Para sa Pagkapangulo ng Estados Unidos, Mga American Indian, Mga Legal at Pulitikal na Institusyon sa America.