Kasaysayan ng Simbahan
Ezra Taft Benson


Ezra Taft Benson

Naglingkod si Ezra Taft Benson bilang ika-13 na Pangulo ng Simbahan sa pagitan ng 1985 at 1994. Isinilang siya noong ika-4 ng Agosto 1899, sa Whitney, Idaho, panganay sa 11 anak nina Sarah at George Taft Benson. Mula sa mga naunang yugto ng kanyang kabataan, nagtrabaho si Ezra sa sakahan ng kanilang pamilya, at noog binatilyo na, nagkaroon siya ng malalim na interes sa teorya at ekonomiya ng agrikultura. Nagtapos siya sa Oneida Stake Academy at pinagpatuloy niya ang kanyang pag-aaral sa agronomiya sa Utah Agricultural College (kalaunan ay nakilala na Utah State University), kung saan niya nakilala si Flora Amussen, kaibigan ng isa sa kanyang mga pinsan.

Noong kanilang ligawan, nagpasyang magpakasal sina Ezra at Flora ngunit maglilingkod muna sila sa mga misyon. Umalis si Ezra para sa British Mission noong 1921, at umalis naman si Flora para maglingkod sa mga Isla ng Hawaii noong 1924. Nagtapos si Ezra sa Brigham Young University bago pa man bumalik si Flora, at ikinasal ang dalawa noong 1926. Makalipas ng pagtatapos ni Ezra ng master’s degree sa agrikultural na ekonomiya sa Iowa State University noong 1927, bumalik sila ni Flora sa Idaho, kung saan sila nangasiwa ng sakahan at nagsimulang magpalaki ng kanilang sariling anak.

Habang winawasak ng Malawakang Depresyon ng dekada ng 1930 ang industriya ng pagsasaka sa kabuuan ng Estados Unidos, pinag-aralan ni Ezra ang buong sistema ng pagsasaka at natanto niya na ang malalalim na suliranin ng maling pamamahala, mahinang pagbebenta, at nakakagulong teknolohiya sa agrikultura ay nagtulak na malugi ang mga sakahang pampamilya. Nagtrabaho siya sa mga lokal na ahensya ng pamahalaan sa Idaho upang sanayin ang mga may-ari at nagpapatakbo ng mga maliliit na sakahan sa pangangasiwa at mga kooperatibang kampanya sa marketing. Hindi nagtagal ay lumapit ang mga opisyal ng estado kay Ezra upang pangasiwaan ang mga kooperatibang organisasyon sa kabuuan ng Idaho. Lumipat ang mga Benson sa California, kung saan nag-aral si Ezra ng agrikultural na ekonomiya sa University of California at Berkeley sa pagitan ng 1936 at 1937. Pagkabalik sa Idaho, naglingkod si Ezra bilang pangulo ng stake sa loob ng ilang panahon hanggang sa alukin siya ng National Council of Farmer Cooperatives (NCFC) ng posisyon sa kanilang punong-tanggapan sa Washington, D.C. Hindi nagtagal pagkalipat ng mga Benson, muling hinirang si Ezra na maglingkod bilang pangulo ng stake sa bagong organisang Washington Stake.

Habang nililibot ni Ezra ang mga kooperatibang sakahan noong 1943, nakipagkita sa kanya si Pangulong Heber J. Grant at hinirang siyang maglingkod sa Korum ng Labindalawang Apostol. Inasikaso ng mga Benson ang paglipat sa Utah, umalis si Ezra sa NCFC, at noong Oktubre ay sinang-ayunan siya kasama si at inordenan kasunod ni Spencer W. Kimball bilang mga pinakabagong Apostol. Kabilang sa mga pinakaunang gawain ni Elder Benson ay ang pamunuan ang European Mission at pangasiwaan ang mga gawaing pangkapakanan ng Simbahan doon kasunod ng pagkawasak na dulot ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Nagulat si Elder Benson sa nasaksihan niyang paghihirap. Sa loob ng 11 buwan, naglakbay sila ng mahigit 61,000 milya (98,000 kilometro) sa kabuuan ng mga lugar sa Europa na winasak ng digmaan at nakipag-uganayan upang ipamahagi sa mga maralita ang tulong na higit sa 4,000,000 libra (1,800,000 kilogramo) ng mga suplay.

sina Max Zimmer at Elder Ezra Taft Benson

Sina Max Zimmer at Elder Ezra Taft Benson na nagsusuri ng mga suplay na ipapadala sa mga Banal sa mga Huling Araw sa Europa, 1946.

Pinalakas ng mga sitwasyon sa Europa ang paniniwala ni Elder Benson na ang Estados Unidos at ang Saligang Batas nito ay kumakatawan ng “kanlungan ng kalayaan” at sulo ng kalayaan para sa mundo. Sa maraming mensahe ay tinalakay niya ang mga nagagawa ng pulitika sa mga bagay-bagay sa mundo noong panahong iyon na karaniwang kilala bilang Digmaang Malamig. Madalas siyang magbabala ukol sa paglaganap ng komunismo at ng “mga sistemang gawang-tao na gumagamit ng puwersa” na likha ng pamahalaan at hinikayat ang mga Banal sa mga Huling Araw, mga sibikong pinuno, at mga regular na mamamayan na pag-aralan ang mga aralin ng Aklat ni Mormon na nagsasaad ng mga mapaminsalang banta sa mga malalayang lipunan.

Noong 1953, iminungkahi ni Dwight D. Eisenhower, bilang bagong halal na pangulo ng Estados Unidos, si Elder Benson na maglingkod bilang kalihim ng agrikultura, ang pinakamataas na administratibong posisyon sa agrikultura sa pamahalaang pederal. Sa mga buwan bago ang kanyang pormal na kumpirmasyon ng Senado ng Estados Unidos, hiningi ni Elder Benson ang payo ng Pangulo ng Simbahan na si David O. McKay, na naghikayat sa kanyang tanggapin ang posisyon. Isinailalim ng masidhing pulitika ang mga Benson sa matinding pagsisiyasat at pagpuna, subalit tinanggap ni Elder Benson ang pagkakataong paglingkuran ang mga mamamayan ng Estados Unidos at pangasiwaan ang Departamento ng Agrikultura nang may kahusayan at pagmamalasakit. Kabilang sa mga tungkulin niya ay ang pagprotekta at pangangasiwa ng mga pambansang kagubatan at pastulan, pangangasiwa sa mga pagsusuri ng mga pagkain, pangangasiwa sa mga programang pangkapakanan, at pagpapatupad ng mga proyektong imprastraktura sa mga rural na lugar. Sa kabuuan ng kanyang walong taong panunungkulan, madalas niyang kunin ang pagkakataong ipahayag ang kanyang patotoo bilang apostol. Noong 1954, kinapanayam ng sikat na mamahayag sa telebisyon na si Edward R. Murrow ang pamilya Benson sa kanyang live na programang Person to Person, kung saan isinagawa ng mga Benson ang kanilang lingguhang family home evening upang makita ng buong bansa. Nang matapos niya ang kanyang termino ng paglilingkod noong 1961, kinasabikang balikan ni Elder Benson “[ang] tanging bagay na mas mahal ko kaysa agrikultura”: ang kanyang ministeryo.

si Elder Ezra Taft Benson

Si Elder Ezra Taft Benson bilang kalihim ng agrikultura sa isang miting kasama ang mga opisyal ng pamahalaan sa Washington, D.C.

Matapos pumanaw si Pangulong Spencer W. Kimball noong Nobyembre 1985, itinalaga si Pangulong Benson bilang Pangulo ng Simbahan. Sa kanyang panguluhan, lubos niyang binigyang-diin ang Aklat ni Mormon, hinihikayat ang mga miyembro ng Simbahan na pag-aralan at yakapin ang mga turo nito. Sa kanyang pambungad na mensahe sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 1986, nagbigay siya ng tawag ng pagkilos—hindi lamang “kailangang magsabi ng higit pa tungkol sa Aklat ni Mormon, kundi kailangan din tayong gumawa ng higit pa ukol dito.” Noong sumunod na taon, nagbigay siya ng propetikong pagpapala sa mga Banal sa mga Huling Araw ng “pinaigting na pagnanais na punuin ang mundo ng Aklat ni Mormon.” Sa kanyang mga natitirang taon, sinamantala ni Pangulong Benson ang bawat pagkakataon upang magpatotoo sa kabanalan ni Jesucristo at sa saksi ng Aklat ni Mormon. Kapansin-pansin ang pagbibigay-diin niya sa paglaban sa kapalaluan sa pamamagitan ng paglinang ng mga buhay na nakatuon kay Cristo. Ang bumabagsak niyang kalusugan ay tila katulad ng sa kanyang asawang si Flora na pumanaw noong 1992. Wala pang dalawang taon ang lumipas ay pumanaw na si Pangulong Benson, nag-iiwan ng pamanang hindi maalis-alis ang ugnayan sa Aklat ni Mormon. “May henerasyon ba … na lilingon sa pamumuno ni Pangulong Ezra Taft Benson at hindi maiisip kaagad ang pagmamahal niya sa Aklat ni Mormon?” tanong ng humalili sa kanya, si Pangulong Howard W. Hunter. “Marahil walang Pangulo ng Simbahan mula kay Propetang Joseph Smith ang nakagawa ng higit pa upang maituro ang mga katotohanan ng Aklat ni Mormon, na ipaaral ito araw-araw sa lahat ng miyembro ng Simbahan, at ‘punuin ang mundo’ sa pamamahagi nito.”

Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa buhay ni Ezra Taft Benson, tingnan ang mga video ng Prophets of the Restoration sa history.ChurchofJesusChrist.org o sa Gospel Library app.

Mga Kaugnay na Paksa: Great Depression, Mga Programang Pangkapakanan, Family Home Evening, Outmigration, Political Neutrality

  1. Ezra Taft Benson, sa Conference Report, Apr. 1948, 83, 85; Ezra Taft Benson, sa Conference Report, Oct. 1962, 19. Tingnan sa Paksa: Digmaang Malamig.

  2. Sheri L. Dew, Ezra Taft Benson: A Biography (Salt Lake City: Deseret Book, 1987), 355.

  3. Ezra Taft Benson, sa Conference Report, Apr. 1986, 4; italiko sa orihinal.

  4. Ezra Taft Benson, sa Conference Report, Apr. 1987, 108.

  5. Howard W. Hunter, “A Strong and Mighty Man,” Ensign, Hulyo 1994, 42.