Kasaysayan ng Simbahan
Paghalili sa Pamunuan ng Simbahan


“Paghalili sa Pamunuan ng Simbahan,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan

“Paghalili sa Pamunuan ng Simbahan”

Paghalili sa Pamunuan ng Simbahan

“Bawat puso ay napuspos ng kalungkutan, at mga mismong lansangan ng Nauvoo ay tila nagdadalamhati,” isinulat ni Vilate Kimball sa kanyang asawang si Heber, matapos ang pagpaslang kina Joseph at Hyrum Smith sa Piitan ng Carthage noong ika-27 ng Hunyo 1844.1 Noong panahong iyon, sina Heber at ang karamihan sa mga Apostol ay nakakalat sa buong silangang Estados Unidos upang mangampanya para kay Joseph Smith noong panahon ng pampanguluhang eleksyon sa Estados Unidos. Tanging sina John Taylor at Willard Richards, na nakasama ni Joseph sa oras ng pagka-martir nito, ay nasa Nauvoo, at si Taylor ay patuloy pa ring nagpapagaling mula sa mga sugat na kanyang natamo noong nilusob ng mga mandurumog ang piitan. Si Sidney Rigdon, ang dating tagapayo ni Joseph sa Unang Panguluhan, ay lumipat sa Pittsburgh at nagtatatag ng isang branch ng Simbahan doon. Habang nagdadalamhati ang mga Banal sa Nauvoo, nag-alala rin sila tungkol sa banta ng karagdagang karahasan mula sa mga kaaway ng Simbahan at nag-usap-usap tungkol sa kung ano ang mangyayari sa hinaharap.

NaN:NaN

Sigurado ang mga nagmamasid na hindi miyembro na mabubuwag na ang Simbahan. Isinulat ng New York Herald na ang pagkamatay ni Joseph ay “magtitiyak sa kapalaran ng Mormonismo [o katapusan na ng Mormonismo]. Hindi sila makakahanap ng isa pang Joe Smith.”2 Sa kabila ng pagkabigla sa pagpanaw ng propeta, karamihan sa mga Banal ay nanatiling tapat. “Ang pagkamatay ng isa o isang dosena ay hindi sisira ng priesthood,” ang agad na itinuro ni Brigham Young matapos marinig ang alingawngaw ng karahasan sa o malapit sa Nauvoo, “ni hahadlangan ang gawain ng Panginoon mula sa pagkalat sa lahat ng bansa.”3

Ang Debate sa Paghalili noong 1844

Ang malawakang paniniwala na ang gawain ay magpapatuloy, gayunman, ay sinamahan ng kawalang-katiyakan sa kung sino ang mamumuno. Medyo bata pa rin si Joseph Smith noong siya ay namatay, at hindi siya nagpahayag ng malinaw na plano para sa paghalili. Inasahan ng marami na si Hyrum ang hahalili kay Joseph sakaling dumating ang pangangailangan, ngunit pinaslang si Hyrum kasama ng kanyang kapatid. Ilan sa mga Banal ay tumingin ngayon sa alinsunuran sa Biblia kung saan namuno ang Labindalawang Apostol sa Simbahan pagkamatay ni Jesus at hinintay ang pagbalik ng mga Apostol.4 Isang miyembro ng Simbahan na nakatira malapit sa Nauvoo ang nagsalaysay na narinig niya ang mga taong sumusuporta sa ilang posibleng magiging lider, kabilang na sina Apostol Brigham Young at Parley P. Pratt, Sidney Rigdon, ang stake president na si William Marks, ang 11-taong-gulang na si Joseph Smith III, o maging si Stephen Markham, isang matapat na Banal na nasugatan ng mga mandurumog habang sinisikap na makarating kay Joseph sa Piitan ng Carthage.5

Maraming Banal ang nakadama ng agarang pangangailangan na pagpasiyahan ang tanong. Si Emma Smith, na nag-aalala tungkol sa pananalapi ng kanyang pamilya, ay hinimok ang mga lokal na lider na agad na pumili ng isang trustee-in-trust upang mangasiwa sa pananalapi.6 Bagama’t si Sidney Rigdon, na dumating sa Nauvoo noong Agosto 3, ay unang pumayag na hintayin ang karamihan sa Labindalawa na makabalik sa Nauvoo, nagsimula siyang magsulong para sa isang mabilis na resolusyon. “Nais ninyo ang isang pinuno,” pangangatwiran niya sa isang pulong, “at maliban kung magkakaisa kayo sa pinunong iyon kayo ay mahihikayat mula sa lahat ng direksyon.”7

Ipinakilala ni Rigdon ang kanyang sarili bilang posibleng lider, isang “tagapangalaga” ng Simbahan. Ang apat na Apostol sa Nauvoo noong panahong iyon (sina Parley P. Pratt at George A. Smith ay bumalik upang sumama kina John Taylor at Willard Richards) ay nagpayo ng matiyagang paghihintay. Bagama’t marahil ay hindi nila inasam na kakailanganin nilang mamuno sa Simbahan, ang mga Apostol ay nagkaroon ng maraming dahilan upang maniwala na magkakaroon sila ng mahalagang papel sa kinabukasan ng Simbahan. Isang pagtuturo tungkol sa priesthood noong 1835 na kasama sa unang edisyon ng Doktrina at mga Tipan ay nagtalaga sa kanila bilang isang korum na pantay sa awtoridad ng Unang Panguluhan o sa anumang iba pang mga namumunong konseho ng Simbahan at ibinigay sa kanila ang mga susi upang ibahagi ang ebanghelyo sa mga bansa at itatag ang Simbahan sa buong mundo sa labas ng mga inorganisang stake.8 Sa Nauvoo, ibinigay sa kanila ni Joseph Smith ang mga pinalawak na tungkulin sa pamamahala sa Simbahan sa mga tinipong Banal, nag-aatas sa kanila na pamahalaan ang mga lathalain ng Simbahan at tumulong sa pag-aasikaso sa mga bagong dating mula sa mga mission ng Simbahan.

Ibinahagi rin ni Joseph ang mga bagong paghahayag at ordenansa sa mga Apostol sa mga kumpidensyal na pulong bago itinuro ang mga ito nang taludtod sa taludtod sa mga Banal sa pangkalahatan. Itinuro niya sa mga miyembro ng Korum ang tungkol sa banal na katangian ng mga tao ilang taon bago niya ipinangaral nang hayagan ang paksa.9 Ipinakilala niya sa kanila ang maramihang pag-aasawa at isinama sila sa mga plano upang humanap ng tahanan para sa mga Banal sa hinaharap sa gawing kanluran. Higit sa lahat, ipinagkatiwala niya sa karamihan ng mga Apostol ang lahat ng mga ordenansa sa templo upang kanilang mapangasiwaan ang mga ito para sa iba.10 Hawak nila ngayon hindi lamang ang mga susi upang itayo ang Simbahan sa buong mundo, kundi pati na rin ang mga susing nauugnay sa templo, at naiwan silang may bukod-tanging kakayahan upang ipagpatuloy ang mahahalagang gawain matapos ang pagpanaw ni Joseph. Sa katunayan, ilang Apostol ang nagpatotoo kalaunan na si Joseph, inaalala na ang kanyang buhay ay nasa panganib, ay sinabi sa Labindalawa sa isang pribadong pagpupulong ilang buwan bago ang kanyang pagkamatay, “Ipinapasa ko ang pasanin at responsibilidad ng pamamahala sa simbahang ito mula sa aking mga balikat sa inyo.”11

Bumalik sa Nauvoo sina Brigham Young at apat na iba pang mga Apostol noong ika-6 ng Agosto 1844. Noong una niyang narinig ang tungkol sa pagkamatay nina Joseph at Hyrum Smith, kalaunang ginunita ni Brigham Young, na nadama niya ang kanyang ulo na para bang ito ay mabibiyak. Nabawasan lamang ang labis na pagkalito na bunsod ng pagpaslang nang malinaw na pumasok sa kanyang isipan na bagama’t namatay na ang Propeta at patriarka, ang mga susi ng kaharian ay nananatiling nasa mga Apostol.12 Sa Nauvoo, nakipagkita siya sa nakatipong mga Apostol upang sama-samang magsanggunian at hangarin ang kalooban ng Panginoon ukol sa tanong sa paghalili.

Dalawang araw pagkarating ni Young, nanawagan si Sidney Rigdon para sa pulong ng panalangin sa umaga sa isang kakahuyan malapit sa burol na kinatatayuan ng templo. Binalak ni Young na makipagkita sa mga Apostol noong umagang iyon ngunit nagbago ang kanyang mga plano nang marinig ang tungkol sa pulong ni Rigdon at nakita ang mga taong nagtitipon. Nang makita niya na pilit na isinusulong ni Rigdon ang tanong sa paghalili, nanawagan si Young sa mga Banal na magtipon noong hapong iyon upang sang-ayunan ang mga bagong lider. “Pakiramdam ko ay nais kong tumangis sa loob ng 30 araw—pagkatapos ay bumangon at sabihin sa mga tao ang nais ng Panginoon sa kanila,” pag-amin niya sa pulong noong hapong iyon, ngunit bunsod ng pamimilit na gumawa ng desisyon, tinipon niya ang mga Banal bilang isang kapita-pitagang kapulungan at hiniling sa kanilang sang-ayunan ang Labindalawang Apostol bilang mga lider ng Simbahan.13 “Ito ay maliwanag sa mga Banal na ang balabal ni Joseph ay napunta sa kanya,” isinulat ni Wilford Woodruff sa kanyang tala ng mga pangyayari sa mga Banal sa Britain14 Sinabi ni Howard Egan kay Jesse Little na sa kanyang mensahe, si Young ay kawangis na kawangis ang tinig ni Joseph Smith. “Kung ang isang tao ay nabulag,” isinulat niya, “hindi niya halos malalaman na hindi ito si Joseph.”15 Ang mga naunang salaysay na ito na kalaunang nakilala bilang pagbabagong-anyo ni Brigham Young ay nagpatunay na maraming Banal na nagtipon sa pulong na iyon ang nakita si Young bilang malinaw na kahalili ni Joseph Smith. Makaraan ang ilang taon, sumulat ang maraming Banal ng mga mas detalyadong salaysay na naglalarawan ng mahimalang pagbabago ng anyo at tinig ni Young sa pagkakataong iyon.16

Ang mga Banal na nagtipon sa pulong na iyon noong ika-8 ng Agosto 1844 ay nasaksihan ang katapatan ng mga Apostol bilang mga misyonero at lider sa Nauvoo, at inasam nila ang mga ordenansa sa templo na ipinangako ni Joseph Smith. Napapanatag na ang balabal ni Joseph ay napunta kay Brigham Young, buong-puso silang bumoto na sang-ayunan ang Labindalawang Apostol bilang mga lider ng Simbahan. Nang sumunod na tatlong taon, sina Sidney Rigdon, James J. Strang, at iba pang mga tao ay bumuo ng sarili nilang mga kilusan, bawat isa ay humihikayat ng ilang miyembro ng Simbahan.17 Karamihan sa mga Banal, gayunman, ay sumunod sa Labindalawang Apostol, tumutulong na matapos ang Nauvoo Temple, tumatanggap ng mga pagpapala ng templo, at nakikibahagi sa pandarayuhan pakanluran papunta sa tinatawag na ngayong Utah. Ang Korum ng Labindalawang Apostol bilang isang grupo ay pinamunuan ang Simbahan sa ilalim ng pamamahala ng pangulo ng korum na si Brigham Young hanggang 1847, kung kailan humirang si Young ng mga tagapayo at muling binuo ang Unang Panguluhan.

Pagbubuo ng Huwaran para sa Paghalili

Matapos mamatay ang mga sumunod na Pangulo ng Simbahan, nagtipon ang Korum ng Labindalawang Apostol sa isang kapulungan upang malaman kung kailan at paano muling iorganisa ang Unang Panguluhan. Pinamumunuan ng pangulo ng korum ang kapulungan at hinihirang siya na maging Pangulo ng Simbahan. Kapwa itinuro nina Orson Pratt at Wilford Woodruff na si John Taylor ay may “legal na karapatan” na humalili kay Brigham Young dahil siya ang Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol.18 Matapos pumanaw ni Taylor, iminungkahi ng ilang miyembro ng korum na sang-ayunan bilang Pangulo ng Simbahan si George Q. Cannon, na matagal nang tagapayo sa Unang Panguluhan ngunit hindi Pangulo ng Korum ng Labindalawa. Muling nagpasiya ang Labindalawa na sang-ayunan ang pangulo ng korum, na noong panahong iyon ay si Wilford Woodruff, matibay na binubuo ang huwaran na ang senior na Apostol ang mamumuno sa Simbahan.19

Tinutukoy ng seniority kung sino ang maglilingkod bilang Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol magmula nang inorganisa ang korum noong 1835, ngunit ilang ulit nagbago ang mga elemento sa pagtukoy ng seniority noong ika-19 na siglo. Noong una, ang mga miyembro ng korum ay inihahanay ayon sa edad. Nang hinirang ang mga bagong Apostol upang punan ang mga bakante sa korum, nagsimulang itakda ang seniority ayon sa petsa kung kailan tinawag na maglingkod ang mga lalaki sa korum. Noong 1861 nilinaw ni Brigham Young na ang seniority ay nakabatay hindi ayon sa petsa ng pagtawag kundi sa petsa ng ordinasyon, na nagbaliktad sa seniority nina Wilford Woodruff at John Taylor, na kapwa tinawag sa parehong araw ngunit inordenan sa pagitan ng ilang buwan. Noong 1875 idinagdag ni Brigham Young na ang seniority ay ayon sa haba ng patuloy na paglilingkod bilang Apostol, na naglagay kina John Taylor at Wilford Woodruff sa unahan nina Orson Hyde at Orson Pratt, na kapwa inalis mula sa korum at ibinalik kalaunan. Sa ilalim ng pamumuno ni Lorenzo Snow noong 1900, karagdagang tinukoy ng Labindalawa na ang seniority ay dapat ibatay sa patuloy na panahon ng paglilingkod sa Korum ng Labindalawang Apostol. Mahalaga ito dahil inordenan ni Brigham Young ang kanyang anak na si Brigham Young Jr. bilang “Apostol” ilang taon bago sumapi si Brigham Jr. sa Korum ng Labindalawa. Ang pagbabago ay nagbigay ng seniority sa korum kay Joseph F. Smith, na siyang hahalili kay Snow bilang Pangulo ng Simbahan.20

Ang korum sa ilalim nina Pangulong Young, Taylor, at Woodruff ay kapwa naghintay ng mga tatlong taon matapos ang pagpanaw ng kanilang pinalitan bago muling inorganisa ang Unang Panguluhan. Si Wilford Woodruff, ang ikaapat na Pangulo ng Simbahan, ay hinikayat ang Labindalawa na huwag ipagpaliban ang pagsang-ayon sa bagong Unang Panguluhan matapos ang kanyang sariling kamatayan. Halos agad na inorganisa ni Lorenzo Snow ang Unang Panguluhan, at gayon din ang ginawa ng bawat isa sa kanyang mga kahalili.21

Bagama’t tinatanggap at sinisimulan ng lahat ng Pangulo ng Simbahan ang kanilang tungkulin matapos ang isang pormal na boto ng pagsang-ayon, ang pagsasagawa ng pagtatalaga o pag-oorden sa bagong Pangulo sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay ay nagsimula noong 1898. Sa isang pulong ng Korum ng Labindalawa hindi nagtagal pagkamatay ni Wilford Woodruff, bumoto ang mga Apostol na sang-ayunan si Lorenzo Snow bilang Pangulo ng Simbahan at para kanyang piliin ang mga tagapayo at mag-organisa ng bagong Unang Panguluhan. Hiniling ni Pangulong Snow sa kanyang bagong Unang Tagapayo, si George Q. Cannon, na italaga siya, at, kasama ang 13 iba pang nagtipon na mga Apostol, ibinigay ni Pangulong Cannon ang basbas.22 Noong 1901 ay hiniling ni Joseph F. Smith na ang kanyang kapatid at Patriarch ng Simbahan na si John Smith ang magsasambit ng mga salita sa pagtatalaga sa kanya bilang Pangulo ng Simbahan.23 Lahat ng sumunod na bagong Pangulo ng Simbahan ay tumanggap ng kanilang basbas ng pagtatalaga mula sa mga miyembro ng Korum ng Labindalawa, kasama ang bagong sinang-ayunan na Pangulo ng Labindalawa na siyang nagbibigay ng basbas.24

Sa mga panguluhan nina Lorenzo Snow at Joseph F. Smith, isinaalang-alang ng mga lider ng Simbahan ang iba’t ibang paraan kung paano “itatalaga,” “ordenan,” o “basbasan” ang bagong sinang-ayunan na Pangulo ng Simbahan. Naunawaan ni Joseph F. Smith ang turo ni Brigham Young na ang “mga responsibilidad at awtoridad ng pagka-apostol” ay kinapapalooban ng lahat ng susi ng kaharian, at samakatwid, ang Apostol na magiging Pangulo ng Simbahan ay hindi nangangailangan ng pagkakaloob ng karagdagang priesthood o mga susi.25 Hiniling ni Pangulong Smith na siya ay “italaga,” hindi “ordenan,” sa kanyang katungkulan. Kalaunan ay tinagubilinan ni David O. McKay ang Korum ng Labindalawa na ang pagbabasbas sa bagong Pangulo ng Simbahan ay dapat gamitan ng mga salitang “pagtatalaga” at “pag-oorden.” Ang paggamit ng mga salitang ito ay nagpatuloy sa mga kahalili ni Pangulong McKay.26

Ang mga pamamaraan sa pagsang-ayon sa bagong Pangulo ng Simbahan, sa pag-organisa ng bagong Pangulo ng isang bagong Unang Panguluhan, at sa pagtatalaga sa bagong Pangulo sa kanyang katungkulan ay naging isang huwaran sa kalagitnaan ng ika-20 siglo na patuloy na sinusunod ng Simbahan ngayon.

Mga Kaugnay na Paksa: Korum ng Labindalawa, Unang Panguluhan, Pagkamatay nina Joseph at Hyrum Smith, Sidney Rigdon, Brigham Young

Mga Tala

  1. Vilate M. Kimball letter to Heber C. Kimball, June 30, 1844, typescript, Church History Library, Salt Lake City; iniayon ang pagbabaybay sa pamantayan.

  2. The Murder of Joe Smith, the Mormon Prophet,” New York Herald, Hulyo 8, 1844, 2.

  3. Brigham Young, sa History of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, 7 tomo (Salt Lake City: Deseret News, 1966), 7:185; Journal History of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, July 9 and 14, 1844, Church History Library, Salt Lake City.

  4. John Hardy, “Mormonism,” Boston Weekly Messenger, Ago. 7, 1844, 1.

  5. James Blakeslee letter to Jacob Scott, Aug. 16, 1844, sa Heman C. Smith, “Succession in the Presidency,” Journal of History, tomo 2, blg. 1 (Ene. 1909), 3–4. Isinulat ni Blakeslee bago niya nalaman ang tungkol sa mga pulong noong ika-8 ng Agosto.

  6. James B. Allen, No Toil nor Labor Fear: The Story of William Clayton (Provo, Utah: Brigham Young University Press, 2002), 156–57.

  7. Sidney Rigdon, sa History of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, 7:226.

  8. Instruction on Priesthood, between circa 1 March and circa 4 May 1835 [D&C 107],” 84–85, josephsmithpapers.org; tingnan din sa “Revelation, 23 July 1837 [D&C 112],” 73, josephsmithpapers.org.

  9. Wilford Woodruff book of revelations, entry on Jan. 30, 1842, Church History Library, Salt Lake City.

  10. Ronald W. Walker, “Six Days in August: Brigham Young and the Succession Crisis of 1844,” sa David J. Whittaker at Arnold K. Garr, mga pat., A Firm Foundation: Church Organization and Administration (Provo, Utah: Religious Studies Center, Brigham Young University, 2011), 161–96.

  11. Orson Hyde, Statement about Quorum of the Twelve, circa Late March 1845,” josephsmithpapers.org. Para sa karagdang impormasyon sa kontekstong ito, tingnan sa Matthew J. Grow, Ronald K. Esplin, Mark Ashurst-McGee, Gerrit J. Dirkmaat, at Jeffrey D. Mahas, mga pat., Administrative Records: Council of Fifty, Minutes, March 1844–January 1846. Tomo 1 sa serye ng Administrative Records ng The Joseph Smith Papers, pinamatnugutan nina Ronald K. Esplin, Matthew J. Grow, at Matthew C. Godfrey (Salt Lake City: Church Historian’s Press, 2016), 65–66, 378–80.

  12. Historian’s Office general Church minutes, 1839–1877, Feb. 12, 1849, Church History Library, Salt Lake City.

  13. Minutes, Nauvoo, Illinois, stand, Aug. 8, 1844, Historian’s Office general Church minutes, 1839–1877, Church History Library, Salt Lake City; iniayon ang pagbabaybay sa pamantayan.

  14. Wilford Woodruff, “To the Officers and Members of the Church of Jesus Christ of Latter-day Saints in the British Islands,” Latter-day Saints’ Millennial Star, tomo 5, blg. 9 (Peb. 1845), 138.

  15. Jesse C. Little letter to Brigham Young, Dec. 8, 1844, Brigham Young Office Files. Ginunita rin ni William Burton noong 1845 na “ang diwa ni Joseph ay tila makikitang nanahan kay Brigham” (Lynne Watkins Jorgensen, “The Mantle of the Prophet Joseph Passes to Brother Brigham: One Hundred Twenty-one Testimonies of a Collective Spiritual Witness,” sa John W. Welch, pat., Opening the Heavens: Accounts of Divine Manifestations, 1820–1844 [Provo, Utah: Brigham Young University Press, 2005], 412).

  16. Upang mabasa ang mga talang ito, tingnan sa Jorgensen, “Mantle of the Prophet Joseph,” 408–77.

  17. Para sa isang talakayan tungkol sa iba pang mga samahan na nabuo matapos ang kamatayan ni Joseph Smith, tingnan sa Paksa: Iba Pang Latter Day Saint Movements.

  18. Reed C. Durham Jr. at Steven H. Heath, Succession in the Church (Salt Lake City: Bookcraft, 1970), 91–92.

  19. Ronald W. Walker, “Grant’s Watershed: Succession in the Presidency, 1887–1889,” BYU Studies, tomo 43, blg. 1 (2004), 195–229.

  20. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa seniority sa Korum ng Labindalawang Apostol, tingnan sa Durham at Heath, Succession in the Church, 62–67, 73–77, 111–16; tingnan din sa Edward Leo Lyman, “Succession by Seniority: The Development of Procedural Precedents in the LDS Church,” Journal of Mormon History, tomo 40, blg. 2 (Tagsibol 2014), 92–158.

  21. Tingnan sa Mga Paksa: Korum ng Labindalawa, Unang Panguluhan.

  22. Franklin D. Richards, Journal, Oct. 10, 1898, Selected Collections from the Archives of the Church of Jesus Christ of Latter-day Saints (Salt Lake City: Intellectual Reserve, 2002), disc 35, tomo 48.

  23. Sa pagitan ng 1837 at 1979, isang Patriarch ng buong Simbahan ang regular na tinawag ng Unang Panguluhan at itinalaga upang magsagawa ng mga patriarchal blessing at maglingkod kasama ng Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol bilang “propeta, tagakita, at tagapaghayag.” Tingnan sa Paksa: Mga Patriarchal Blessing.

  24. Patrick A. Bishop, “The Apostolic Succession of Joseph F. Smith,” kabanata 14 sa Craig K. Manscill, Brian D. Reeves, Guy L. Dorius, at J. B. Haws, mga pat., Joseph F. Smith: Reflections on the Man and His Times (Provo, Utah: Religious Studies Center, 2013), 256–58.

  25. Bishop, “Apostolic Succession,” 257–58; Brigham Young, sa Journal of Discourses, 12:70.

  26. Bishop, “Apostolic Succession,” 257–58; N. Eldon Tanner, “The Administration of the Church,” general conference, Oct. 1979; David B. Haight, “A Prophet Chosen of the Lord,” pangkalahatang kumperensya, Abr. 1986; First Presidency, Announcement (press conference, Mar. 13, 1995), Church History Library, Salt Lake City; Public Affairs Department, News Release, Mar. 13, 1995; “Succession in the Presidency of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints,” News Release, Ene. 27, 2008; First Presidency, Announcement (press conference, Peb. 4, 2008); Thomas S. Monson, “Principles from Prophets” (Brigham Young University devotional, Set. 15, 2009), speeches.byu.edu; Gary E. Stevenson, “A Legacy of Succession” (Brigham Young University–Idaho devotional, Jan. 12, 2018), byui.edu.