Kasaysayan ng Simbahan
Panunumbalik ng Melchizedek Priesthood


“Panunumbalik ng Melchizedek Priesthood,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan

“Panunumbalik ng Melchizedek Priesthood”

Panunumbalik ng Melchizedek Priesthood

Nagpatotoo sina Joseph Smith at Oliver Cowdery na noong Mayo 15, 1829, si Juan Bautista ay nagpakita sa kanila at binigyan sila ng awtoridad na magbinyag. Ayon sa kasaysayan ni Joseph Smith noong 1838, sinabi sa kanila ni Juan na wala pa sa kanila noong panahong iyon “ang kapangyarihan ng pagpapatong ng mga kamay, para sa kaloob na Espiritu Santo, subalit ito’y igagawad sa atin pagkaraan nito.”1 Ang paliwanag na ito ay inulit ang pahayag ni Juan Bautista sa Bagong Tipan, na kahit bininyagan niya ang kanyang mga tagasunod “sa pamamagitan ng tubig tungo sa pagsisisi,” isang “lalong makapangyarihan kay sa akin” ang “sa inyo’y magbabautismo sa Espiritu Santo at apoy.”2 Matapos i-orden sina Joseph at Oliver, ipinaliwanag ni Juan Bautista na “siya ay kumilos sa ilalim ng pamamahala ni Pedro, Santiago, at Juan,” na siyang mga katiwala ng mas dakilang awtoridad na ito at na ang kapangyarihang ibigay ang kaloob na Espiritu Santo “ay sa takdang panahon ay igagawad sa amin.”3

Ang pagpapakita nina Pedro, Santiago, at Juan kina Joseph Smith at Oliver Cowdery ay pinatotohanan sa maraming pinagkukunan. Isang paghahayag kay Joseph Smith ang nagsalita tungkol sa pagdalaw nina Pedro, Santiago, at Juan, “na isinugo ko sa inyo, kung kanino ko kayong inihalal at pinagtibay upang maging mga apostol at natatanging saksi sa aking pangalan, at nagtataglay ng mga susi ng inyong gawain.”4 Sa isang basbas na ibinigay ni Joseph Smith kay Oliver Cowdery na itinala noong Oktubre 1835, nagsalita siya tungkol sa pagtanggap ni Oliver ng “banal na pagkasaserdote [o priesthood] sa mga kamay nila na inilaan ng mahabang panahon, maging ang mga yaong tinanggap ang mga ito sa ilalim ng kamay ng Mesiyas.”5 Sa ilang liham sa kanyang katandaan, nagsalita si Oliver Cowdery tungkol sa sagradong okasyong ito. Sa isang liham ay isinalaysay niya ang kanyang pagkamangha nang siya ay tumayo “sa harapan ni Pedro, na tumanggap ng mas Dakilang” priesthood.6

Nagpakita sina Pedro, Santiago, at Juan kina Joseph Smith at Oliver Cowdery

Nagpakita sina Apostol Pedro, Santiago, at Juan kina Joseph Smith at Oliver Cowdery.

Imposibleng matukoy ang mismong petsa ng pagpapamalas ng langit na ito mula sa mga nananatiling mapagkukunan. Ang tanging tala na mula mismo kay Joseph na nagbibigay ng mga detalye tungkol sa mga pangyayari sa pangitain ay isang liham noong 1842 (ngayon ay nakatala bilang Doktrina at mga Tipan 128) kung saan kanyang pinatotohanan na narinig niya “ang tinig ni Pedro, Santiago, at Juan sa mga ilang sa pagitan ng Harmony, Susquehanna County, at Colesville, Broome County; sa ilog Susquehanna, ipinahahayag ang kanilang sarili na mga nagtataglay ng mga susi ng kaharian.”7 Ang mga mambabasa ngayon ay nagkaroon ng iba’t ibang konklusyon mula sa mga iba’t ibang salaysay ukol sa mismong panahon noong nagpakita sina Pedro, Santiago, at Juan. Ang kanilang pagtantiya ay sumasaklaw mula sa ilang linggo matapos ang pagpapakita ni Juan Bautista noong Mayo 15, 1829, hanggang sa pagkalipas ng maraming buwan.8 Bagama’t marami sa mga ulat ng banal na paghahayag na ito ay muling binuo matapos ang ilang taon, sila ay pinatunayan ng mas nauna, ngunit hindi gaanong detalyado, na mga sanggunian ukol sa mga nagministeryong anghel na nagbigay kina Joseph at Oliver ng banal na tungkulin.9

Hindi isinalaysay ng nakalathalang kasaysayan ni Joseph Smith ang panunumbalik ng mas dakilang awtoridad nang detalyado, ngunit ginugunita nito na ilang panahon matapos ang kanyang paglipat sa Fayette, New York, noong tag-init ng 1829, si Joseph at iba pa “ay nanabik na tinupad sa atin ang mga pangakong iyon”—na matatanggap nila ang “kapangyarihan ng pagpapatong ng mga kamay para sa kaloob na Espiritu Santo.”10 Ipinaliwanag ng kasaysayan na sa tahanan ni Peter Whitmer Sr. sa Fayette, New York, matapos manalangin at humiling sa Diyos ng patnubay, ang tinig ng Panginoon ay nag-utos sa kanila na i-orden ang isa’t isa. Tinagubilinan sila, gayunman, na ipagpaliban ang ordinasyong ito hanggang sa ang mga taong nabinyagan ay makapagtitipon at tatanggapin sila bilang mga espirituwal na guro.

Nang maorganisa ang Simbahan noong Abril 6, 1830, kumilos sina Joseph at Oliver nang may banal na awtoridad na magbinyag at maggawad ng kaloob na Espiritu Santo. Ang mga naroon sa pulong ng pagtatatag ng simbahan ay tinanggap ang pamumuno nina Joseph at Oliver, at inorden nina Joseph at Oliver ang isa’t isa bilang mga elder ayon sa itinuro ng Panginoon sa kanila. Sa kasabay na panahon noong naganap ang pulong na ito, tinapos ni Joseph Smith ang “Articles and Covenants of the Church of Christ [Mga Artikulo at mga Tipan ng Simbahan ni Cristo]” (ngayon ay Doktrina at mga Tipan 20), na ipinahayag na kasama sa kanilang mga responsibilidad bilang mga elder ang “pagtibayin ang simbahan sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay at ang pagbibigay ng Espiritu Santo.”11

Paglinang ng Pang-unawa

Noong mga unang taon matapos maorganisa ang Simbahan, hindi ginamit nina Joseph Smith at iba pang naunang mga miyembro ng Simbahan ang mga salitang Aaronic Priesthood o Melchizedek Priesthood upang ilarawan ang awtoridad na kanilang natanggap. Ang kanilang pang-unawa ng priesthood ay nalinang sa paglipas ng panahon at sa tulong ng patuloy na paghahayag.

Naglalaman ang Bagong Tipan ng mga talata tungkol sa mga priest at high priest at iniugnay ang priesthood kina Aaron at Melchizedek.12 Itinuro rin sa Aklat ni Mormon na ang propeta ng Lumang Tipan na si Melchizedek ay “tumanggap ng tungkulin ng mataas na pagkasaserdote [priesthood] alinsunod sa banal na orden ng Diyos.”13 Ang mga paghahayag kay Joseph Smith sa pagitan ng 1831 at 1835 ay nagdagdag sa mga banal na kasulatang ito at nagtatag ng iba’t ibang katungkulan sa priesthood at nilinaw ang mga terminolohiya. Noong Hunyo 1831, si Joseph Smith at Lyman Wight ay inordenan ang ilang mga tao (kabilang ang isa’t isa) “sa Mataas na Priesthood,” marahil ay nangangahulugan sa katungkulan ng high priest.14 Pinapakita ang kanilang pagkaunawa sa Biblia, ilan sa mga naunang miyembro ng Simbahan ay kinilala ang mataas na pagkasaserdoteng ito bilang “sa orden ni Melchizedek.”15 Noong Setyembre 1832, sinabi ng isang paghahayag na ang mas mababang priesthood ay pangunahing nakatuon sa katungkulan ng priest, na kasama ang mga teacher at deacon bilang karagdagan. Ang mas mataas o “mataas na priesthood” ay nakasentro sa katungkulan ng high priest, kasama ang mga katungkulan ng bishop at elder bilang karagdagan. Habang isinasagawa ng nakabababang priesthood ang “panimulang ebanghelyo,” kabilang ang ordenansa ng binyag, ang nakatataas na priesthood ang siyang “humahawak ng susi ng mga hiwaga ng kaharian, maging ang susi ng kaalaman tungkol sa Diyos.”16

Isang tagubilin tungkol sa priesthood na inilathala noong 1835 sa Doktrina at mga Tipan ang nagbigay ng terminolohiya na ginagamit pa rin sa ngayon upang ilarawan ang Melchizedek Priesthood. Binabanggit ang inihayag na kaalaman, tinawag ng tagubilin ang mas mataas at mas mababang priesthood bilang “Melchizedek, at Aaronic.” Bago ang panahon ni Melchizedek, ang mas mataas na priesthood ay “tinatawag na Banal na Pagkasaserdote, alinsunod sa Orden ng Anak ng Diyos” at kalaunan ay tinukoy bilang “Melchizedek Priesthood.” Ipinaliwanag ng tagubilin na “lahat ng ibang mga maykapangyarihan o tungkulin sa simbahan ay nakaakibat sa pagkasaserdoteng ito,” na ito ay “may kapangyarihan at karapatan sa lahat ng katungkulan sa simbahan,” at “ang panguluhan ng Mataas na Pagkasaserdote, alinsunod sa orden ni Melquisedec,” ay kalaunang tinawag bilang Unang Panguluhan, na may karapatang mamuno sa Simbahan.17

Pagpapanumbalik ng Kabuuan

Noong 1836 sa Kirtland Temple, nagpakita si Elijah kina Joseph Smith at Oliver Cowdery at ibinigay sa kanila ang mga susi, o awtoridad, na magpapahintulot sa kanila na “ibaling ang mga puso ng mga ama sa mga anak, at ang mga anak sa kanilang mga ama, at baka ang buong mundo ay bagabagin ng isang sumpa.”18 Sa Nauvoo ipinaliwanag ni Joseph Smith na ang “kapangyarihan at tungkulin ni Elijah ay upang magkaroon kayo ng kapangyarihang hawakan ang mga susi ng mga paghahayag, ordenansa, orakulo, kapangyarihan at pagkakaloob ng kabuuan ng Melchizedek Priesthood.” Ang awtoridad na ito ang nagtulot sa mga lider ng Simbahan na ilagay “ang mga pagbubuklod ng Melchizedek priesthood sa sambahayan ni Israel” bilang paghahanda para sa pagparito ng Mesiyas sa kanyang templo.19 Sa ilalim ng ipinanumbalik na awtoridad na ito, ipinakilala ni Joseph Smith ang endowment sa templo at ang ordenansa ng pagbubuklod sa Nauvoo, Illinois, noong dekada ng 1840 bilang paghahanda para sa pagtatapos ng templo roon.20

Malapit sa pagtatapos ng kanyang buhay, nagsalita si Joseph Smith nang may kagalakan tungkol sa mga pagpapala ng Panginoon sa pagpapanumbalik ng kaganapan ng priesthood. Inilarawan niya ang panunumbalik na ito hindi bilang isang pangyayari, ngunit sa halip bilang isang serye ng mga yugto sa kabuuan ng kanyang paglilingkod bilang isang propeta. Binanggit ng Propeta na ang priesthood ay ipinanumbalik nang “taludtod sa taludtod; tuntunin sa tuntunin; kaunti rito at kaunti roon. ” Isinalaysay niya ang mahimalang pagpapakita ng “iba’t ibang Anghel,” bawat isa upang ipanumbalik ang “kanilang dispensasyon, [ang] kanilang mga karapatan, [ang] kanilang mga susi, [ang] kanilang karangalan, ang kanilang kamaharlikaan at kaluwalhatian, at ang kapangyarihan ng kanilang pagkasaserdote.”21

Mga Kaugnay na Paksa: Panunumbalik ng Aaronic Priesthood