Mga Single Adult
Maraming Banal sa mga Huling Araw noong Progresibong Panahon ng unang bahagi ng ika-20 siglo ang naghangad na paunlarin ang lipunan sa pamamagitan ng mga organisasyon at programa. Ang mga kalahok sa iba’t ibang organisasyon ng Simbahan ay bumuo ng mga programa upang makipagkapatiran at magbigay ng suporta sa mga single adult na miyembro na kalaunang naging mga single adult ward at stake. Noong 1913, ang Relief Society ay nagtaguyod ng tahanan para sa mga young single woman na nagtungo sa Lunsod ng Salt Lake upang maghanap ng trabaho o matitirhan. Ang pagsisikap na maglaan ng tahanan para sa mga babaeng maaaring nasa alanganin ay lumawak noong 1920 sa muling pag-iral ng Beehive House, na siyang orihinal na tahanan ni Brigham Young at ng kanyang malaking pamilya, bilang dormitoryo para sa mga young single woman. Noong mga panahon ding iyon, maraming fraternity at sorority para sa mga Banal sa mga Huling Araw ang naghatid sa mga mag-aaral sa kolehiyo at mga returned missionary sa mga panlipunang pangkat na kahalintulad ng bagong “collegiate seminaries,” na naging Institutes of Religion, na inorganisa ng mga lider ng Simbahan sa ilang kampus ng mga unibersidad. Dumami ang mga programa ng aktibidad kasabay ng pagdami ng mga young adult na dumadalo sa kolehiyo.
Pagsapit ng dekada ng 1950, pinagnilayan ng mga lider ng Simbahan ang mga paraan upang maisama ang istrukturang eklesyastiko ng mga ward at stake sa buhay sa kampus. Noong 1956, ang BYU stake ay partikular na inorganisa para sa mga walang asawang young adult na dumadalo sa Brigham Young University. Hindi nagtagal ay tinanggap ng labindalawang ward nito ang mga mag-aaral na may mga bata pang pamilya at pinanatili ang karamihan sa parehong organisasyong nakikita sa mga tradisyonal na ward, gaya ng Sunday School at Primary. Malayo sa mga kampus sa kolehiyo, itinaguyod ng ibang mga stake ang mga ward na pangunahing inorganisa para sa mga single adult.
Sa pagyabong ng mga organisasyong kaanib ng kampus na nagtataguyod ng kapatiran, kinilala ng mga lider ng Simbahan noong dekada ng 1970 ang mga paraan kung paanong ang mga single adult ng lahat ng edad ay maaaring makinabang sa ministeryong nakatuon sa kanilang mga pangangailangan, interes, at alalahanin. Maraming adult na walang asawa ang nagpahayag ng damdamin na sila ay ibinubukod mula sa pakikilahok sa isang komunidad na madalas tukuyin ang katayuan sa pag-aasawa ng isang tao. Ang isang babaeng nabalo noong panahong ito ay nagnilay kalaunan kung paanong ang pagdalo sa Simbahan ay “hindi talaga katulad” para sa mga miyembrong walang asawa. Ang Mutual Improvement Association (MIA) ay binuo ang mga grupong “M Men” at “Gleaner Girls” para sa young adult na lalaki at babae. Noong 1972, ang mga pagsisikap na maiugnay ang MIA sa mga korum ng priesthood ay naglunsad sa bagong programa para sa mga single adult. Sa pagpapakilala ng programang ito, ginunita ni Elder James E. Faust ang pagkarinig sa mga single na Banal sa mga Huling Araw na nag-ulat na nakadaramang sila ay isinasantabi at pinanghihinaan ng loob. “Dapat tayong magsimula sa pagtatangkang abutin ang isa,” sabi niya. “Nais nating madama ng lahat na kabilang sila sa Simbahan.” Ang mga miyembrong walang asawa mula edad 18 hanggang 25 taong gulang ay pinagsama-sama bilang mga “Young Single Adult” at ang mga nasa edad 26 taong gulang naman ay pinangkat bilang mga “Special Interest.” Bumuo ang mga lokal na bishop ng mga pangkat ng family home evening para sa mga single na miyembrong hindi nakatira kasama ang kanilang mga pinagmulang pamilya. Sa mga lugar na may sapat na bilang ng mga young single adult, ang mga pangulo ng stake at bishop kung minsan ay nag-oorganisa ng mga grupo ng Sunday School at Relief Society. Sa pagdami ng mga ward ng young single adult (YSA) kaysa sa mga student ward noong unang bahagi ng ika-21 siglo, inihinto na ang mga student ward. Pagsapit ng 2016, ang mga young single adult, nag-aaral man o hindi, ay nakilahok sa higit 1,300 YSA unit sa buong mundo.
Pagsapit ng 2021, ang prediksiyon sa demograpiko ng mga adult na miyembro ng Simbahan ay kumiling sa karamihan sa kanila bilang single. Kasing-aga pa lamang ng dekada ng 1980, inasahan na ng mga lider ang pagpapalawak sa mga organisasyong YSA at Special Interest upang makibagay ang gayong mga pagbabago. Isinagawa nila ang kanilang mga pagsisikap noong mga sumunod na dekada upang linangin ang mga programa sa kapatiran at aktibidad upang mas maisama at masuportahan ang mga single adult. Sa isang brodkast na Face to Face noong 2021 para sa mga single na miyembrong higit 30 taon ang edad, tinalakay ng mga lider mula sa Korum ng Labindalawa at Pangkalahatang Panguluhan ng Relief Society ang nagbabagong kalagayan ng kabuuan ng mga miyembro ng Simbahan sa buong mundo. “Ang bawat miyembro, anuman ang kanilang sitwasyon,” sabi ni Sharon Eubank sa okasyon, “ay napakaraming maaaring iambag at umaasa kami na mas makilala natin ito sa mga miyembro ng Simbahan.”
Mga Kaugnay na Paksa: Mga Seminary at Institute