“Louisa Barnes Pratt,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan
“Louisa Barnes Pratt”
Louisa Barnes Pratt
Isinilang noong 1802 sa Massachusetts, pinakasalan ni Louisa Barnes si Addison Pratt noong siya ay 28 taong gulang. Ipakilala sila sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ng kapatid at ng bayaw ni Louisa, sina Caroline at Jonathan Crosby. Nabinyagan ang mga Pratt noong 1838 sa Massachusetts. Habang patungong Missouri upang makipagtipon sa mga Banal, nabatid nila ang tungkol sa karahasan laban sa mga Banal sa mga Huling Araw sa Missouri at nagpasiyang manatili sa Indiana hanggang 1841, nang sila ay lumipat sa Nauvoo. Sumapi si Louisa sa Nauvoo Relief Society noong Mayo 12, 1842, inalagaan ang kanyang mga anak noong may tigdas ang mga ito, at nag-ambag sa women’s penny fund para sa Nauvoo Temple.
Simula noong 1843, sinimulan ni Louisa ang halos isang dekada ng pagsuporta sa missionary nang hinirang si Addison na magmisyon sa mga isla ng Pasipiko. Matapos umalis si Addison upang magmisyon, itinaguyod ni Louisa ang kanyang pamilya at lumipat sila mula sa Nauvoo patungong Winter Quarters at kalaunan ay lumipat sila sa Lunsod ng Salt Lake. Habang naglalakbay patungo sa Winter Quarters, nakipagtipon siya sa iba pang kababaihan upang manalangin at magbigay ng suporta sa isa’t isa. Sa kanyang pagdating, naranasan niya ang ilang mga pagsubok, kabilang na ang pagtira sa isang mapanglaw na lungga, ang pagkapilay ng kanyang tuhod, pagkakasakit ng scurvy, at pagkawala ng kanyang mga ngipin sa harap.
Bumalik si Addison mula sa kanyang misyon noong 1848 at nakatagpo si Louisa sa Lunsod ng Salt Lake. Nang sumunod na taon, tinawag siya sa ikalawang misyon sa Tahiti. Noong Mayo 1850 ay naglakbay sina Louisa at kanilang apat na anak na babae upang sumama sa kanya nang dalawang taon sa Tubuai, kung saan natutuhan nila ang wika roon, nagsalita sa mga pulong, at ipinangaral ang ebanghelyo. Sina Jonathan at Caroline Crosby at ang kanilang anak na lalaki ay sumama rin sa kanila. Habang namumuhay sa kalipunan ng kababaihan ng Tubuai sa Timog Pasipiko, tinuruan sila ni Louisa ng Ingles at mga kasanayan sa bahay. Itinuro rin niya sa kanila ang ebanghelyo at binasbasan sila kapag sila ay may karamdaman.
Bumalik sina Louisa at Addison mula sa kanilang misyon noong 1852 at nanirahan nang maikling panahon sa San Bernardino, California. Ngunit nadama niya na siya ay “nakatali sa matibay na bigkis ng pag-ibig sa simbahan” at determinado siyang makasama ang mga Banal sa Utah. Noong 1858 ay iniwan niya ang kanyang magandang tahanan sa California at nakipaghiwalay kay Addison, na nagsisimulang lumayo ang loob sa Simbahan. Nanirahan siya sa Beaver, Utah, at nanirahan doon sa natitirang bahagi ng buhay niya, naglilingkod bilang tagapayo at sekretarya sa lokal na Relief Society. Nanatili siyang malapit sa kanyang kapatid na si Caroline, at ang dalawa ay nanirahang magkatabi sa isa’t isa sa Beaver. Pumanaw si Louisa noong Setyembre 8, 1880, dahil sa pulmonya.
Ang mga karanasan sa buhay ni Louisa ay nakatulong sa kanyang bumuo ng isang matinding “diwa ng pag-asa sa sarili,” habang namuhay siyang malayo sa kanyang asawa sa kalahati ng kanilang pagsasama. Nagturo siya sa paaralan at nagtrabaho bilang mananahi para sa pinansyal na suporta. Ang kanyang journal at mga memoir ay madalas mag-ulat ng mga panahon ng takot at panghihina ng loob na kalaunan ay mapapalitan ng kapayapaan at pag-asa. “Naantig ang puso kong mahina sa simula, pero nagpasiya akong magtiwala sa Panginoon at matapang na humarap sa mga suliranin ng buhay,” isinulat niya habang naninirahan sa Nauvoo. Sa Tubuai ay isinulat niya, “Hindi natin alam kung ano ang magagawa natin hanggang sa gawin natin ang isang masusing paglilitis.”