“Pagkamatay nina Joseph at Hyrum Smith,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan
“Pagkamatay nina Joseph at Hyrum Smith”
Pagkamatay nina Joseph at Hyrum Smith
Sa ilang pagkakataon sa kanyang panahon sa Nauvoo, sinabi ni Joseph Smith sa mga Banal na nangangamba siya para sa kanyang buhay, at nagsikap siya na ihanda ang Simbahan na magpatuloy matapos ang kanyang kamatayan.1 Noong tagsibol ng 1844, naharap siya sa tumitinding oposisyon kapwa mula sa ibang mga Banal sa mga Huling Araw at sa mga katunggali ng Simbahan sa rehiyon. Sa unang bahagi ng Hunyo 1844, naglathala ang mga hindi sumasang-ayon sa Simbahan ng isang pahayagang tinawag na Nauvoo Expositor, na inaatake ang pagkatao ni Joseph Smith at pinupuna ang ilang doktrina at gawain ng Simbahan. Kumikilos ayon sa kanilang pag-unawa sa batas at natatakot na makagagawa ang pahayagan ng karagdagang pag-uusig sa Simbahan, itinuring nina Joseph Smith (bilang alkalde ng Nauvoo) at ng konsehong panlunsod ang pahayagan bilang panganib sa publiko at iniutos ang paglipol sa palimbagan.2 Halos agad-agad, inilathala ng mga katunggali ng Simbahan ang pananawagan na dakpin si Joseph at maglunsad ng karagdagang karahasan laban sa mga Banal. Pinag-isipan nina Joseph at ng kapatid niyang si Hyrum na tumakas at maging tumawid sa Ilog Mississippi, ngunit nagpasiya silang sumunod sa pagdakip sa mga paratang na kaugnay ng pagkawasak ng palimbagan.3
Nagtungo sina Joseph at Hyrum sa Carthage, Illinois, kung saan sila ay kinasuhan pa ng pagtataksil at isinailalim sa kustodiya habang hinihintay ang paglilitis. Ipinangako ni Gobernador Thomas Ford sa kanila ang proteksyon, ngunit atubili silang makulong sa isang bayang napopoot sa kanila. Habang naghihintay sa silid sa itaas ng kulungan, sina Joseph, Hyrum, Willard Richards, at John Taylor ay pinag-aralan ang Aklat ni Mormon, umawit ng mga himno, at nagwika ng mga salita ng pagbasbas sa mga bisita. Noong Hunyo 27, nagdikta si Joseph ng liham para sa kanyang asawang si Emma na kung saan ipinahayag niya ang kanyang pagmamahal sa kanyang pamilya at kanyang mga saloobin sa darating na paglilitis. “Natanggap ko nang lubos ang aking kapalaran,” isinulat niya, “nalalamang ako ay Nabigyang-katwiran, at nagawa ang lahat ng dapat kong gawin. Ipaabot mo ang aking pagmamahal sa mga anak natin at sa lahat ng aking mga Kaibigan.”4
Noong hapong iyon, sumugod ang mga armadong mandurumog sa bilangguan, mabilis na umakyat sa hagdan, at nagpaputok ng baril sa silid kung saan sina Joseph at kanyang mga kasama ay nakapiit. Tinamaan si Hyrum at kaagad pumanaw. Tumakbo si Joseph papunta sa bintana, nabaril sa dibdib at likuran, at bumagsak sa lupa sa ibaba, kung saan ay marahil muli siyang nabaril. Apat na ulit na binaril si John Taylor ngunit nakaligtas ito.5 Tanging si Willard Richards lamang ang hindi nasaktan.
Matapos ang mga pagpaslang, ang mga labi nina Joseph at Hyrum Smith ay dinala sa Nauvoo sa dalawang bukas na bagon. Nilinis at sinuri ang mga katawan, at gumawa ng mga death mask upang pangalagaan ang kanilang mga pagmumukha. Isang pampublikong burol, na dinaluhan ng mga 10,000 tao, ang ginanap sa Mansion House. Sa takot na baka lapastanganin ng mga kaaway ang mga labi, pinuno ng mga nagluluksa ang mga kabaong ng mga sako ng buhangin para sa isang pampublikong libing. Unang inilibing ang mga labi sa isang hindi natapos na Nauvoo House, at pagkalipas ng ilang buwan ay hinukay at muling inilibing sa ilalim ng isang kamalig sa lupain ng mga Smith.6
Nagbigay sina John Taylor at Willard Richards ng pangunahing salaysay ng mga pagpaslang, kabilang na ang mga tala na ginawa ni Richards sa kanyang talaarawan habang nasa Piitan ng Carthage.7 Ang Nauvoo Neighbor at Times and Seasons ay naglathala ng patalastas ukol sa pagkamatay at isang parangal para kina Joseph at Hyrum, na kalaunan ay napabilang sa Doktrina at mga Tipan.8 Itinala rin ni William Daniels, isang miyembro ng mga mandurumog na nagmasid sa mga kaganapan mula sa labas ng piitan at kalaunan ay sumapi sa Simbahan, ang kanyang pananaw.9 Ang isang detalyadong salaysay na ginawa ni John Taylor noong 1856 ay ginamit ng mga mananalaysay ng Simbahan sa pagtitipon ng mga opisyal na kasaysayan ni Joseph Smith.10 Sa mga talang ito, sina Joseph at Hyrum ay itinuring na mga martir para sa layunin ng ipinanumbalik na Simbahan.
Marami pang iba ang nagbigay ng mga tala tungkol sa pagkakabatid sa balita ng mga pagkamatay, sinasaksihan ang pighati ng mga balo na sina Emma Smith at Mary Fielding Smith, at nagdadalamhati sa pagyao ng Propeta at Patriyarka. “Nakita ko ang walang buhay na labi ng ating minamahal na mga kapatid nang sila ay dinala sa kanilang mga pamilya na halos nagugulo,” isinulat ni Vilate Kimball sa isang liham sa kanyang asawang si Heber. “Nasaksihan ko ang kanilang mga luha at hinagpis, na sapat upang basagin ang puso ng taong may pusong bato. Bawat lalaki at babae na sumaksi sa tagpo ay lubos na naawa sa kanila. Oo, bawat puso ay napuspos ng kalungkutan, at mismong mga kalye ng Nauvoo ay tila nagdadalamhati.”11
Limang lalaki ang isinakdal sa mga pagpaslang at nilitis sa Carthage noong Mayo 1845. Hinikayat ang mga miyembro ng Simbahan na huwag magbigay-saksi o dumalo sa mga paglilitis sa pag-aalala na ang sistema ng katarungan ay laban sa kanila at sa takot na mag-udyok pa ito ng karagdagang karahasan. Kung walang mga saksing Mormon, kakaunti lamang ang mailalatag na kapani-paniwalang testimonya ng abogadong naghahanda ng kaso, at pinawalang-bisa niya ang lahat ng mahahalagang katibayan, na nagdulot sa lupong tagahatol na ipawalang-sala ang lahat ng limang lalaki. Ito ay humantong sa pagturing dito ng ilang mga iskolar bilang pakunwaring paglilitis.12 Kumalat ang mga kuwento sa mga Banal sa mga Huling Araw tungkol sa inaakalang sinapit ng mga sangkot sa pagpatay. Sinaliksik ng mga iskolar ang kanilang mga buhay at natanto na ang mga kuwentong ito ng banal na paghihiganti ay kuwentong-bayan at hindi kasaysayan.13
Iniwan ng kamatayan ni Joseph Smith ang Simbahan na walang pinuno sa unang pagkakataon mula nang maitatag ito noong 1830, at ang kamatayan ni Hyrum ay inalis ang isang potensyal na paraan sa paghalili. Sa mga buwang kasunod ng pagpaslang sa Propeta at Patriyarka, sinang-ayunan ng karamihan sa mga miyembro ng Simbahan ang pamumuno ng Korum ng Labindalawa.14
Mga Kaugnay na Paksa: Nauvoo Expositor, Hindi Pagsang-ayon sa Simbahan