“Iba Pang Latter Day Saint Movements,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan
“Iba Pang Latter Day Saint Movements”
Iba Pang Latter Day Saint Movements
Matapos ang pagbagsak ng Kirtland Safety Society noong 1837, isang grupo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa Kirtland, Ohio, ang nagsimulang magduda sa pamumuno ni Joseph Smith.1 Nadama nila na hindi na nila kayang tanggapin si Joseph bilang lider, kahit na naniniwala pa rin sila na ipinanumbalik ni Jesucristo ang Kanyang sinaunang ebanghelyo sa pamamagitan ng Propeta. Sa pagsunod sa tradisyon ng mga Protestante ng pagbuo ng mga bagong simbahan bilang protesta sa isang karaingan, itinatag nila ang kanilang sariling hiwalay na simbahan.2
Noong panahon ni Joseph Smith, may ilang maliliit na grupo na tumalikod sa Simbahan at nagsimula ng sarili nilang mga kilusan, na nakasalig sa paniniwala sa Aklat ni Mormon ngunit tinatanggihan ang patuloy na pamumuno ni Joseph. Pagkamatay ni Joseph Smith noong 1844, sinang-ayunan ng karamihan sa mga Banal sa mga Huling Araw ang pamumuno ng Labindalawang Apostol, ngunit may ilang kilusan na itinayo batay sa iba’t ibang ideya tungkol sa paghalili sa pamumuno.3 Patuloy na nabuo paminsan-minsan ang mga bagong simbahan, karaniwan dahil sa partikular na mga hindi pagkakasundo ukol sa doktrina o patakaran. Halimbawa, itinayo ang mga kilusan na sumasalungat sa mga pagsisikap ni Brigham Young na itaguyod ang paglalaan, sa paghahayag ni Wilford Woodruff na itigil ang maramihang pag-aasawa, at sa pamumuno sa mission sa Mexico noong dekada ng 1930.4
Sandali lamang ang itinagal ng ilan sa mga kilusang ito, ngunit marami ang nanatili sa loob ng maraming henerasyon, bagamat ang karamihan ay nananatiling maliliit na organisasyon. Bukod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, ang dalawang pinakamalaking grupo na nabuo sa dakong huli ay isang simbahan na itinatag ni James J. Strang (na minsan ay tinatawag na Strangite Church) at ang Reorganized Church of Jesus Christ of Latter Day Saints (na ngayon ay tinatawag na Community of Christ), na itinatag noong 1860 at unang pinamunuan ng anak ni Joseph Smith na si Joseph III.
Ayon sa kasaysayan, nagkaroon ng problema ang mga ugnayan sa pagitan ng Simbahan at ng iba pang mga grupo. Napakalakas ng tensiyon bago nahati-hati ang mga grupo, at pagkatapos ay binigyang-diin ng iba’t ibang simbahan ang kanilang mga punto ng pagtatalo. Sa ilang pagkakataon, tulad ng True Church of Jesus Christ of Latter Day Saints ni William Law noong 1844 at ng Church of Zion ni William Godbe noong dekada ng 1870, ang mga bagong kilusan ay nasangkot sa mga grupo ng mga anti-Mormon. Sa kaso ng kilusan ng Third Convention sa Mexico, ang malalalim at unang mga pagkakahati ay unti-unting nagbigay-daan sa higit na respeto at kooperasyon, at sa huli ang kilusan ay nakipagkasundo sa Simbahan.5
Sa ika-19 at sa unang bahagi ng ika-20 siglo, ang Simbahan at ang Reorganized Church ay naglalabanan sa media, sa larangan ng misyon, at sa mga korte, at natabunan ng mga pagtatalong ito ang anumang pagsisikap tungo sa mas mabuting ugnayan.6 Sa huling bahagi ng ika-20 at unang bahagi ng ika-21 siglo, gayunman, malaki ang iginanda ng relasyon sa pagitan ng dalawang simbahan. Bagamat napanatili ng bawat isa ang sariling pagkakakilanlan at pagkakaiba ng doktrina, ang dalawang simbahan at mga kasapi ng mga ito ay nakipagtulungan sa pangangalaga sa mga makasaysayang lugar, pagtataguyod ng mga scholarship, at paglilingkod sa iba.7
Mga Kaugnay na Paksa: Hindi Pagsang-ayon sa Simbahan, Pangalan ng Simbahan