Kasaysayan ng Simbahan
Emma Hale Smith


“Emma Hale Smith,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan

“Emma Hale Smith”

Emma Hale Smith

Si Emma Smith, na asawa ni Joseph Smith, ay gumanap ng mahalagang tungkulin sa pagpapanumbalik ng Simbahan. Pinuri ng kanyang biyenan, si Lucy Mack Smith, ang pagkatao ni Emma: “Wala pa akong nakitang babae sa buhay ko, na titiisin ang bawat uri ng pagod at hirap, buwan-buwan, at taun-taon, na may taglay na tapang at walang inuurungan, kasigasigan, at pagtitiyaga, na lagi niyang ginagawa. … Inihagis siya sa karagatan ng walang katiyakan; … Binagtas niya ang unos ng pang-uusig, at hinarap ang galit ng mga tao at mga demonyo, … na nagpatumba sa halos iba pang mga babae.”1

larawan ni Emma Hale Smith

Larawan ni Emma Hale Smith.

Ipinanganak noong Hulyo 10, 1804, sa Willingsborough (kalaunan ay Harmony), Pennsylvania, si Emma Hale ang ikapito sa siyam na anak nina Isaac at Elizabeth Lewis Hale. Ang mayamang pamilya ay tumira sa isang 90-acre na bukirin sa Susquehanna River Valley, kung saan nagpapadala si Isaac ng karne at iba pang kalakal pababa sa Philadelphia at Baltimore.

Noong bata pa siya, si Emma ay nagkaroon ng isang malalim na paniniwala sa relihiyon at katapatan sa Diyos. Ang Methodism ay naging popular sa Susquehanna sa mga unang taon ng 1800s, at si Emma ay nagsimulang dumalo kasama ang kanyang ina sa edad na pito. Isang tradisyon ng pamilya ang nagpapahiwatig na narinig ni Isaac Hale ang kanyang batang anak na si Emma na ipinagdarasal siya sa kakahuyan malapit sa kanilang tahanan at ito ay nakatulong sa kanyang espirituwal na pagbabagong-loob. Malamang na nag-aral si Emma sa seminaryong pambabae sa Great Bend Township, at kalaunan ay nagturo siya sa paaralan.2

Si Emma ay 21 taong gulang nang makilala niya ang 19 taong gulang na si Joseph Smith sa pagtatapos ng Oktubre 1825. Si Joseph ay nagmula sa timog-kanluran mula sa New York at naghahanap ng trabaho sa Susquehanna Valley. Ang kanyang kawalan ng edukasyon at kabuhayan ay kaiba sa maringal na kalagayan ni Emma, ngunit agad humanga si Emma sa kanyang karakter at moralidad. Nagligawan sila ng ilang buwan habang nagtatrabaho si Joseph para umunlad ang kanyang pinansiyal na sitwasyon. Sina Isaac at Elizabeth Hale ay tutol sa relasyon nila, hindi sang-ayon sa mga hangarin ni Joseph ukol sa relihiyon at sa kanyang trabaho para kay Josiah Stowell, na nagbayad ng upa kay Joseph upang tulungan siyang maghukay ng nabalitang nawawalang pilak ng mga Espanyol sa lugar. Nagtanan sina Emma at Joseph noong Enero 18, 1827, sa South Bainbridge, New York, at pagkatapos ay nanirahang kasama ng pamilya Smith. Bumalik sila sa Pennsylvania noong Disyembre 1827 upang tumira malapit sa pamilya ni Emma at gawin ang pagsasalin ng Aklat ni Mormon.

Nanganak si Emma ng isang sanggol na lalake na namatay kaagad matapos isilang noong Hunyo 15, 1828, kung kailan siya mismo ay muntik na ring mamatay. Noong Setyembre 1830, lumipat siya at si Joseph sa Fayette, New York, upang manirahang kasama ang pamilya Whitmer. Nilisan ni Emma ang Susquehanna Valley at ang pamilya Hale sa huling pagkakataon, at hindi na muling nakita pa ang kanyang mga magulang at iba pang mga kamag-anak. Kalaunan siya ay magsisilang ng siyam na mga anak at mag-aampon ng dalawa pa, kung saan ang apat ay namatay nang ipanganak o di katagalan pagkatapos niyon, at ang dalawa ay namatay noong maliliit na bata pa lamang sila.

Paglilingkod sa Simbahan

Si Emma ay bininyagan sa Simbahan ni Cristo ni Oliver Cowdery sa Colesville, New York, noong Hunyo 28, 1830, di nagtagal matapos maorganisa ang Simbahan. Nagtipon ang isang grupong nanggugulo, na nakaantala sa kumpirmasyon ni Emma, at si Joseph ay dinakip at ibinilanggo dahil sa paratang na panggugulo. Pagbalik ni Joseph sa Harmony, tumanggap siya ng paghahayag para kay Emma, na kilala ngayon bilang Doktrina at mga Tipan 25, kung saan tinawag siyang “hinirang na babae” at naghikayat sa kanya na panatagin at tulungan si Joseph sa kanyang mga paghihirap. Inutusan din siyang magsilbing tagasulat ni Joseph, magpaliwanag ng mga banal na kasulatan, manghikayat sa Simbahan, at makipag-ugnayan sa paglalathala ng sagradong musika sa himnaryo.

Natulungan na ni Emma si Joseph bilang tagasulat sa mga unang yugto ng pagsasalin ng Aklat ni Mormon. Hindi nagtagal nagsimula siyang pumili ng mga himno na maaaring kantahin sa mga miting ng Simbahan, nakipagtulungan kay W. W. Phelps para mailathala ang ilan sa mga ito noong 1832 sa mga pahayagan ng Simbahan sa panahon na mga lalaking ministro ang karaniwang responsable sa pagpili ng mga himno. Inilimbag ang unang himnaryo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa Kirtland noong 1835 sa ilalim ng pangalan ni Emma Smith.

Naglingkod si Emma sa mga nangangailangan: sa Kirtland, naghanda siya at si Elizabeth Ann Whitney ng mga piging para sa mga maralita, at sa Nauvoo, binuksan niya ang kanyang tahanan para sa mga maysakit, naulila, at walang tirahan. Bilang “hinirang na babae,” siya ang namuno sa Female Relief Society of Nauvoo mula sa pagkakatatag nito noong 1842 hanggang 1844, na nagbibigay ng kaginhawaan sa mga bagong dayuhan at naghihirap na mga pamilya. Ang kanyang paglilingkod sa Relief Society, gayunpaman, ay higit pa sa mapagkawanggawang gawain ang nagawa. Bilang pangulo, nagturo si Emma ng doktrina sa mga babae, pinamahalaan ang pagiging kasapi at hayagang ipinagtanggol ang alituntunin ng kadalisayang moral. Si Emma ang unang babae na tumanggap ng mga ordenansa sa templo; pagkatapos ay tinulungan niya ang iba pang kababaihan sa mga sagradong rituwal na ito. Bilang unang ginang ng Nauvoo, pinangasiwaan niya ang pag-aasikaso sa mga diplomat sa kanyang tahanan, nakasama ni Joseph sa mga kaganapan sa lipunan at komunidad, at naglahad ng mga petisyon ukol sa pulitika para suportahan ang Simbahan at ang kanyang asawa.

Kaugnayan kay Joseph

Sa kabila ng mga suliranin ng kahirapan, paglipat-lipat, at pang-uusig, napanatili nina Emma at Joseph ang matinding pagmamahal at bigkis sa isa’t isa. Ang kanilang pagsasama ay naharap sa mga kakaibang hamon dahil sa paghihirap na dulot ng pagtatatag at pamumuno sa Simbahan. Magkasama nilang nalampasan ang pinansiyal na pagbagsak at ang mga banta laban sa buhay ni Joseph sa Kirtland, Ohio; ang pang-uusig ng mga miyembro ng Simbahan sa Missouri; at ang paghihiwalay na dulot ng pagkabilanggo ni Joseph sa Liberty Jail. Ipinakita ng kanilang pakikipag-ugnayan sa isa’t isa hindi lamang ang kanilang mahirap na kalagayan kundi ang kanilang katapatan sa isa’t isa. “Ang puso ko ay nakabigkis sa iyo magpakailanman at magpasawalang-hanggan,” isinulat ni Joseph kay Emma noong 1838.3 Si Emma ay sumulat sa kanya sa Liberty Jail noong 1839: “Nabubuhay pa ako at handang tiisin ang higit pa kung ito ang kalooban ng mabait na Langit, na dapat kong gawin para sa iyong kapakanan.”4

Nahirapan nang husto si Emma sa alituntunin ng pag-aasawa nang higit sa isa. Inilahad ni Joseph ang gawaing ito nang buong ingat at dahan-dahan, nagpakasal sa maraming babae, na bawat isa sa kanila ay sumumpa na pananatilihing kumpidensyal ang kanilang partisipasyon. Wala tayong gaanong alam tungkol sa kaalaman at damdamin ni Emma tungkol sa mga pag-aasawang ito, na ang ilan ay naghatid ng pangako sa buhay na ito samantalang ang iba ay para sa kabilang-buhay lamang. Gayon pa man, malinaw na itinago ni Joseph kay Emma ang kaalaman tungkol sa ilan sa mga relasyon o ugnayang ito. Kapag siya ay nagbabahagi ng limitadong impormasyon kay Emma, nahihirapan si Emma, at nagbabagu-bago ang kanyang pananaw at suporta sa paglipas ng panahon. Noong unang bahagi ng 1843, mukhang natanggap na ni Emma ang pag-aasawa nang higit sa isa at personal na pumayag at sinaksihan ang kasal ni Joseph sa apat na babae. Ngunit pagsapit ng Hulyo, ang kanyang saloobin ay muling nagbago, at sinunog niya ang isang kopya ng manuskrito ng paghahayag tungkol sa pag-aasawa nang higit sa isa na matatagpuan ngayon sa Doktrina at mga Tipan 132. Wala nang tala kung pumasok pa si Joseph sa anumang karagdagang kasal matapos ang taglagas ng 1843.5

Bihirang nagsalita si Emma tungkol sa gawaing ito matapos ang pagkamatay ni Joseph. Pagkatapos ng kanyang kamatayan noong 1879, inilathala ng kanyang mga anak na lalaki ang transcript ng isang interbyu kung saan itinatwa niya na pinagtibay ni Joseph ang pag-aasawa nang higit sa isa.6 Sa kabila ng mga kaguluhan sa relihiyon at damdamin ukol sa gawaing ito, nanatili ang matinding pagmamahal ni Emma kay Joseph. Noong Hunyo 1844, pagkamatay na pagkamatay ng kanyang asawa, si Emma ay sumulat, “Buong-puso kong nais igalang at bigyang-pitagan ang asawa ko bilang aking ulo, na mabuhay sa tiwala niya at sa pamamagitan ng pagkilos na kasama niya ay mapanatili ang lugar na ibinigay sa akin ng Diyos sa kanyang tabi.”7

Mga Sumunod na Taon

Ang kamatayan ni Joseph Smith noong Hunyo 27, 1844, ay lumikha ng malaking kaguluhan para kay Emma. Bukod sa pagluluksa sa pagkawala ng kanyang asawa, buntis siya sa kanilang huling anak. Ang kawalan ng isang legal na papeles ukol sa pamana ay naglagay sa Simbahan at sa pamilya ni Emma sa walang katiyakang kondisyon sa pananalapi. Nagkaroon ng mga hindi pagkakaunawaan sa pagitan nina Emma at Brigham Young, na Pangulo ng Korum ng Labindalawa, hinggil sa lawak ng karapatan ng pamilya Smith at ng Simbahan sa mga ari-arian na nakapangalan kay Joseph at sa kanyang mga utang. Nang umalis ang karamihan sa mga Banal papunta sa Great Basin noong 1846, si Emma ay nanatili sa Nauvoo, inangkin ang Mansion House at anumang makakaya niyang kunin para maitaguyod ang kanyang mga anak.

larawan ng mas matandang Emma Hale Smith

Si Emma Smith sa kanyang pagtanda.

Noong Disyembre 23, 1847, si Emma ay ikinasal kay Lewis C. Bidamon, isang di-Mormon na residente ng Nauvoo. Noong 1860, umanib si Emma sa Reorganized Church of Jesus Christ of Latter Day Saints (kalaunan ay tinaguriang Community of Christ). Ang kanyang anak na si Joseph Smith III ang naging Pangulo ng Reorganized Church nang itatag ito noong 1860, kasama ang kanyang kapatid na si Alexander Hale Smith bilang kanyang tagapayo.

Kahit na si Emma ay nanatiling nalilihis ng landas mula kay Brigham Young at sa mga Banal sa mga Huling Araw sa Utah, nanatili ang kanyang paniniwala sa papel ni Joseph Smith bilang propeta at sa banal na katotohanan ng Aklat ni Mormon. “Ang paniniwala ko ay ang Aklat ni Mormon ay banal na katotohanan—wala akong ni katiting na pagdududa dito,” pagpapatotoo niya sa isang panayam na ibinigay niya sa dakong huli ng buhay niya.8 Namatay si Emma Hale Smith Bidamon sa Nauvoo noong Abril 30, 1879, at inilibing sa tabi ni Joseph. Ang pangalan at pagkatao niya ay parehong iginagalang at hindi naiintindihan sa alaala ng mga Banal sa mga Huling Araw, ngunit ang mga kilos at impluwensya niya ay hindi mabubura.

Kaugnay na mga Paksa: Joseph and Emma Hale Smith Family, Hymns, Female Relief Society of Nauvoo

Mga Tala

  1. Lucy Mack Smith, “Lucy Mack Smith, History, 1845,” 190, josephsmithpapers.org.

  2. Mark L. Staker, “‘A Comfort unto My Servant, Joseph’: Emma Hale Smith (1804–1879),” sa Richard E. Turley Jr. at Brittany A. Chapman, eds., Women of Faith in the Latter Days, Unang Tomo, 1775–1820 (Salt Lake City: Deseret Book, 2011), 345, 349.

  3. Liham ni Joseph Smith kay Emma Smith, Nob. 12, 1838, Archives ng Community of Christ, Independence, Missouri.

  4. Emma Smith letter to Joseph Smith, Mar. 7, 1839, sa Joseph Smith Letterbook 2, 37, josephsmithpapers.org.

  5. Brian C. Hales, Joseph Smith’s Polygamy, 3  tomo. (Salt Lake City: Greg Kofford Books, 2013), 2:33–138; Laurel Thatcher Ulrich, A House Full of Females: Plural Marriage and Women’s Rights in Early Mormonism, 1835–1870 (New York: Alfred A. Knopf, 2017), 86–96.

  6. Joseph Smith III, “Last Testimony of Sister Emma,” Saints’ Herald, tomo 26, blg. 19 (Okt. 1, 1879), 289.

  7. Emma Hale Smith, Blessing, June 1844, typescript, Church History Library, Salt Lake City.

  8. Joseph Smith III, “Last Testimony of Sister Emma,” 290.