“Thomas L. at Elizabeth Kane,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan
“Thomas L. at Elizabeth Kane”
Thomas L. at Elizabeth Kane
Noong tag-init ng 1846, si Thomas L. Kane, ang 24-anyos na anak ng isang kilalang pederal na hukom mula sa Philadelphia, ay dumalaw sa ilan sa mga pansamantalang kampo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa Teritoryo ng Iowa. Napilitan ang mga Banal na lisanin ang kanilang lunsod ng Nauvoo, Illinois, at naniniwala si Kane na inusig sila nang wala sa katwiran dahil sa kanilang relihiyon sa isang lupain na di umano ay nagbibigay-proteksyon sa kalayaan sa relihiyon. Nakumbinsi siya sa katapatan ng mga Banal sa mga Huling Araw at nakisimpatiya sa kanilang kalagayan. Bagama’t hindi siya kabahagi ng kanilang paniniwala sa relihiyon, nagpasiya si Kane na manindigan para sa mga Banal sa mga Huling Araw. Noong sumunod na tatlong dekada, naglingkod siya bilang pinaka-maimpluwensyang tagapamagitan at tagapayo ng mga Banal sa mga Huling Araw, nagtatrabaho kasama ng mga opisyal sa pamahalaan ng Estados Unidos na makuha ang mga karapatang panrelihiyon at pampulitikal para sa mga Banal. Nagtrabaho rin siya para sa mga reporma sa lipunan, kabilang na ang mga pinalawak na oportunidad at karapatan para sa kababaihan at ang pagwawakas ng pang-aalipin.1
Naging pamilyar si Kane sa mga Banal sa pamamagitan ng mga ulat sa pahayagan at pagdalo sa isang pulong sa Philadelphia, at ginamit niya ang kanyang koneksyon sa pulitika upang kumbinsihin ang pangulo ng Estados Unidos na si James K. Polk na magpadala ng isang batalyon ng mga sundalong Banal sa mga Huling Araw para sa Digmaang Mehikano-Amerikano. Inialok ni Brigham Young ang serbisyo ng mga kalalakihang Banal sa mga Huling Araw sa pag-asang makatutulong ang kanilang suweldo bilang panustos sa pandarayuhan sa Kanluran.2 Habang nananatili kasama ang mga Banal sa kanilang mga kampo, nagkasakit nang malubha si Kane, at inalagaan siya ng mga Banal sa mga Huling Araw hanggang sa lubusan siyang gumaling. Bago umalis, tumanggap si Kane ng patriarchal blessing na nangangako sa kanya na ang kanyang pangalan ay “igagalang at maaalala” ng mga Banal “sa lahat ng henerasyon.”3 Matapos bumalik sa Philadelphia, sinimulan ni Kane ang malawakang kampanya sa publiko para sa mga Banal sa mga Huling Araw.
Nakatulong ang pamamagitan ni Kane sa mga Banal sa ilang mahahalagang sandali. Noong 1850 ang kanyang impluwensya sa pangulo ng Estados Unidos na si Millard Fillmore ay nauwi sa pagkakatalaga ni Brigham Young bilang unang gobernador ng teritoryo ng Utah. Pagkaraan ng pitong taon, nang sumidhi ang tensyon sa pagitan ng pamahalaang pederal at ng mga tao sa Utah, natamo ni Kane ang isang opisyal na utos mula sa pangulo ng Estados Unidos na si James L. Buchanan na maglakbay patungong Utah at makipag-ayos para sa kapayapaan. Naglakbay siya gamit ang sarili niyang pera at sa lubos na panganib upang makapunta sa Utah at pagkatapos ay diplomatikong nakipag-ugnayan kina Young at sa mga opisyal ng U.S. Army upang maiwasan ang armadong labanan.4
Makalipas ang ilang taon, naudyukan ng kanyang mga paniniwalang laban sa pang-aalipin, lumaban si Kane sa Digmaang Sibil ng Amerika. Pagkatapos, nagpatuloy siyang magbigay-payo kina Brigham Young at iba pang mga lider ng Simbahan. Noong taglamig ng 1872–73, naglakbay si Kane patungong Utah kasama ang kanyang asawa, si Elizabeth Dennistoun Wood Kane, at dalawa sa kanilang mga anak na lalaki. Umasa sila na ang kalusugan ni Kane, na dati-rati pang hindi maganda at lalong naging kumplikado dulot ng mga pinsala at karamdaman noong panahon ng Digmaang Sibil, ay matutulungan ng katamtamang klima ng katimugang Utah. Si Elizabeth, na nagkimkim ng suspetsa sa mga Banal sa mga Huling Araw dahil sa kanilang pagsasagawa ng maramihang pag-aasawa, ay napahanga sa mga kababaihan ng katimugang Utah.5 Isinulat niya ang Twelve Mormon Houses, isang aklat na nagbigay ng kakaibang sulyap at pagtatanggol sa buhay-pamilya ng mga Banal sa mga Huling Araw sa isang hindi miyembro. Noong sumunod na dekada, patuloy na ipinagtanggol ni Thomas ang mga Banal sa mga Huling Araw mula sa mga pag-atake sa pulitika, isinulat ang huling habilin ni Brigham Young, at itinaguyod ang mga pamayanan ng mga Banal sa mga Huling Araw sa Mexico, at naglakbay pa sa bansang iyon noong may digmaang sibil upang maghanap ng mga posibleng lokasyon. Nang mamatay siya noong 1883, isa sa kanyang huling kahilingan ay magpadala si Elizabeth ng mga masasayang pamamaalam sa kanyang “mga mahal na kaibigang Mormon.”6
Mga Kaugnay na Paksa: Digmaang Mehikano-Amerikano, Batalyong Mormon, Digmaan sa Utah