Kasaysayan ng Simbahan
Utah


“Utah,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan

“Utah”

Utah

Noong simula ng dekada ng 1840 habang naghahanda ang mga Banal sa mga Huling Araw na lisanin ang Nauvoo, Illinois, isinasaalang-alang nila ang ilang potensyal na destinasyon. Isang lugar sa Great Basin na nakapaligid sa Great Salt Lake mahigit 1,000 milya (1,700 kilometro) pakanluran ang tila pinakamainam para kina Brigham Young at iba pang mga lider ng Simbahan.1 Noong Enero 1846, nagpahayag si Brigham Young na ang mga salita ng mga sinaunang propeta “ay hindi mapatutunayan maliban kung ang Bahay ng Panginoon ay matatatag sa mga Taluktok ng mga Bundok,” nagtatapos sa, “Alam ko kung saan ang lugar.”2 Pagdating nila sa Lambak ng Salt Lake, pinagtibay ni Wilford Woodruff na ito ang “lupang pangako na inilaan at inihanda ng Diyos para sa isang himlayan ng mga Banal na kung saan ay isang bahagi ng Sion ng Diyos ay itatayo.”3 Hindi nagtagal ay nagtayo ang mga Banal ng central stake sa Lambak ng Salt Lake, na may maraming maliliit na mga pamayanan sa karatig na rehiyon. Ang lugar ang naging huling patutunguhan para sa libu-libong miyembro na nilisan ang kanilang sariling bayan upang magtipon sa Sion.4

Bago ang pagdating ng mga Europeo, ang rehiyon ng gitnang Utah ay tinitirhan ng iba’t ibang komunidad ng mga taong Uintah, Timpanogots, Sanpits, Pahvant, at Moanunts. Ang mga grupong ito sa kabuuan ay nagpakilala ng kanilang sarili bilang Nuche (“ang mga Tao”), at sa loob ng ilang siglo ay tumira sa mga kumpol ng pamilya at maliliit na pangkat at pinanatili ang isang malawakang kultura ng pangangaso, pagtitipon, at pangingisda.5 Kasing-aga pa ng ika-17 siglo, kinilala na ng mga missionary na Kastila ang mga grupong Nuche bilang “Yutas,” bagama’t ang batayan ng pangalan ay nananatiling hindi malinaw. Sa unang bahagi ng ika-19 na siglo, ang mga nagsasalita ng Ingles ay magkakaibang ginamit ang katagang Espanyol bilang “Utaws,” “Yutas,” “Eutaw,” “Eutahs,” “Utes”, at “Utahn.”6 Tulad ng iba pang mga pangalan ng lugar na itinuring na may pinagmulang Native American, hiniram ng mga opisyal ng pamahalaan ng Estados Unidos ang “Utah” sa pagpapangalan ng teritoryo noong 1850.7

Kasunod ng kasunduan noong 1848 na nagtapos sa Digmaang Mehikano-Amerikano, nagsimula ang Kongreso ng Estados Unidos ng isang sistema ng pamamahala ng pederal sa bagong teritoryo na isinuko ng Mexico sa Estados Unidos. Ang proseso ng pagbubuo ng mga pansamantalang republika o pansamantalang pamahalaan, ay nagbigay-pahintulot sa mga lokal na populasyon na nagsasalita ng Ingles (sa pahintulot ng Kongreso) na sumulat ng saligang-batas; bumuo ng mga hangganan ng mga komunidad para sa teritoryo, county at lunsod; at magmungkahi ng mga gobernador, mambabatas, hukom, at iba pang mga opisyal.8

Nagpasa ang mga Banal sa mga Huling Araw ng konstitusyon noong 1849 na kumuha sa isang malawak na lugar sa pansamantalang Estado ng Deseret. Pinangalanan mula sa isang salita sa Aklat ni Mormon na nangangahulugang bubuyog, umabot ang Deseret sa hilaga hanggang sa bahagi ng Teritoryo ng Oregon, sa timog sa may San Diego, California, at sa silangan hanggang sa may Colorado.9 Ang pamahalaang Deseret ay pinatatakbo na may lehislatura, mga komisyon ng county, at mga hukuman nang higit sa isang taon hanggang sa nilikha ng Kongreso ang Teritoryo ng Utah bilang bahagi ng Kompromiso ng 1850. Pinalitan ng bagong teritoryo ang pansamantalang Estado ng Deseret, bagama’t sa pagitan ng 1850 at 1868, binawasan ng pamahalaang pederal ang mga hangganan ng Teritoryo ng Utah nang anim na beses, na nagdulot sa kasalukuyang sukat ng Utah. Madalas na tinutukoy ng mga Banal sa mga Huling Araw ang kanilang teritoryo bilang “Deseret,” isang pangalan na tinanggihang kilalanin ng mga lider ng kogreso bilang opisyal na pangalan.10

Bilang isang pederal na teritoryo, ang Utah ay pinamamahalaan ng mga opisyal na itinalaga ng pamahalaan ng Estados Unidos. Hahayaan ng pagiging estado ang mga lokal na halalan upang matukoy ang mga mayhawak ng katungkulan at magbibigay sa mga Banal sa mga Huling Araw sa Utah ng mga kinatawan at senador sa Kongreso ng Estados Unidos.

Nagdaos ng mga pagtitipon ang teritoryal na lehislatura noong 1856, 1862, 1867, 1872, at 1882 upang ipetisyon sa Kongreso na tanggapin ang Deseret (Utah noong 1882) bilang isang estado ng Union. Tinanggihan ng Kongreso ang bawat kahilingan, partikular na binabanggit ang pagsasagawa ng maramihang pag-aasawa bilang isang dahilan para sa pagtanggi. Apat na taon matapos ang Pahayag ni Wilford Woodruff noong 1890, na kalaunan ay humantong sa pagtatapos ng maramihang pag-aasawa sa Simbahan, ipinasa ng Kongreso ang Utah Enabling Act, na nagpapahintulot sa mga mamamayan ng Utah na magpatupad ng pamahalaang pang-estado at saligang batas.11 Pinagtibay ng mga botante ang saligang-batas ng estado makalipas ang isang taon, at noong Enero 1896, ang pangulo ng Estados Unidos na si Grover Cleveland ay idineklara ang Utah bilang isang pantay na estado sa Union.

Samantala, patuloy na nagtipon ang mga Banal sa mga Huling Araw sa Utah at sa karatig na rehiyon. Ang pagtitipong ito ay nagpakilala ng mga bagong tao at kultura sa rehiyon, at ang bagong kapaligiran ay nagbago sa paraan ng pamumuhay ng mga taong nandayuhan.12 Sa pagdami ng mga nandayuhan, mabilis na lumago ang populasyon ng kanlurang Estados Unidos, at ang punong-tanggapan ng Simbahan ay matatagpuan sa isang mahahalagang daanan ng komersyo, industriya, at pandarayuhan.13

Mga Tala

  1. Tingnan sa Matthew J. Grow, Ronald K. Esplin, Mark Ashurst-McGee, Gerrit J. Dirkmaat, at Jeffrey D. Mahas, mga pat., Council of Fifty, Minutes, March 1844–January 1846, unang tomo ng seryeng Administrative Records ng The Joseph Smith Papers, pinamatnugutan nina Ronald K. Esplin, Matthew J. Grow, at Matthew C. Godfrey (Salt Lake City: Church Historian’s Press, 2016), 464–65.

  2. Tingnan sa Grow at iba pa, mga pat., Council of Fifty, Minutes, March 1844–January 1846, 521–22.

  3. Wilford Woodruff journal, July 24, 1847, Church History Library, Salt Lake City.

  4. Tingnan sa mga Paksa: Mga Pamayanan ng mga Pioneer; Pagtitipon ng Israel; Pandarayuhan.

  5. Tingnan sa Donald Callaway, Joel Janetski, Omer C. Stewart, “Ute,” sa Warren L. d’Azevedo, pat., Great Basin, tomo 11 ng Handbook of North American Indians, ed. William C. Sturtevant (Washington, D.C.: Smithsonian Institution, 1986), 336–67.

  6. Ives Goddard, “Synonymy,” sa Callaway and others, “Ute,” Great Basin, 364–65. Tingnan din sa Paksa: Mga American Indian.

  7. Tingnan sa William Bright, Native American Placenames of the United States (Norman: University of Oklahoma Press, 2004).

  8. Tingnan sa Brent M. Rogers, Unpopular Sovereignty: Mormons and the Federal Management of Early Utah Territory (Lincoln: University of Nebraska Press, 2017), 20–21.

  9. H. S. Tanner, A Map of the United States of Mexico (New York: H. S. Tanner, 1850); Brandon S. Plewe, “Deseret and Utah Territory,” sa Brandon S. Plewe, pat., Mapping Mormonism: An Atlas of Latter-day Saint History, 2nd ed. (Provo, Utah: Brigham Young University Press, 2012), 92–93.

  10. Isang magiging kinatawan sa kongreso, si Edward Everett, ay sumulat sa Speaker of the House, si Robert C. Winthrop, upang humingi ng “maraming salitang Indian na maganda sa pandinig” upang ipangalan sa teritoryo “sa halip na kilalanin ang kahabag-habag na panlilinlang” ng Deseret (Edward Everett letter to Robert C. Winthrop, Dec. 1, 1849, Edward Everett Letters, Za Letter File, Beinecke Rare Book and Manuscript Library, Yale University; Robert C. Winthrop letter to Edward Everett, Dec. 11, 1849, Edward Everett Papers, 1675–1910, Microfilm Edition, Massachusetts Historical Society). Noong una, ginagamit ng mga kongresista ang Utah at Deseret nang salitan, subalit sa loob ng ilang buwan ay tahimik nilang inihinto ang paggamit ng salitang Deseret (The Congressional Globe, 31st Congress, 1st session, 94, 99–100, 166–68, 211–13; 32nd Congress, 1st session, 1413–16).

  11. Tingnan sa Paksa: Pahayag.

  12. Tingnan sa mga Paksa: Pandarayuhan; Pagtitipon ng Israel.

  13. Tingnan sa mga Paksa: Riles ng Tren; Cooperative Movement.