Kasaysayan ng Simbahan
Mga Propesiya ni Joseph Smith


“Mga Propesiya ni Joseph Smith,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan

“Mga Propesiya ni Joseph Smith”

Mga Propesiya ni Joseph Smith

Bagamat karamihan sa mga paghahayag na natanggap ni Joseph Smith ay nagbigay ng mga tagubilin, payo, at aral ng doktrina o nabawing sagradong kuwento mula noong unang panahon, ang ilan ay naglalaman ng propesiyang may kinalaman sa kasaysayan tungkol sa mga nalalapit na pangyayari.1 Ang mga ito ay karaniwang nakatuon sa pandaigdigang mga kaganapang hahantong sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo o sa partikular na mga gawain kung saan ang mga Banal ay inutusang makibahagi.

Isa sa mga pinakakilalang propesiya ni Joseph Smith sa milenyo ay may kaugnayan sa Digmaang Sibil ng Amerika. Noong Disyembre 25, 1832, tumanggap si Joseph Smith ng paghahayag na nagpopropesiya na isang digmaan sa pagitan ng mga hilaga at timog na estado ng Estados Unidos ang magsisimula sa South Carolina at ang mga digmaan at pag-aalsa sa buong mundo ay hahantong sa “katapusan ng lahat ng Bansa” sa panahon ng Ikalawang Pagparito ni Jesucristo. Noong panahong natanggap ang paghahayag, ang South Carolina at pamahalaang pederal ng Estados Unidos ay sangkot sa isang pagtatalo, ngunit payapang nalutas ito noong sumunod na Marso. Makalipas ang ilang taon, inulit ni Joseph ang kanyang propesiya na puputok ang digmaan sa South Carolina dahil sa mga debate ukol sa pang-aalipin, tulad ng nangyari halos 20 taon makalipas ang pagkamatay ni Joseph Smith.2

Madalas ring magpropesiya si Joseph Smith hinggil sa magiging tadhana ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw at sa papel na gagampanan nito sa mga huling araw. Marahil ang pinaka-nagustuhan sa mga propesiyang ito ay nakapaloob sa isang liham noong 1842 sa patnugot ng pahayagan sa Chicago na si John Wentworth. “Walang kamay na di pinaging banal ang makapipigil sa pagsulong ng gawain,” pagpapatibay ni Joseph, sa kabila ng mga paghihirap na dinanas ng bago pang Simbahan. “Ang mga pag-uusig ay maaaring magngitngit, ang mga mandurumog ay maaaring magkaisa, ang mga hukbo ay maaaring magkatipon, ang kasinungalingan ay maaaring manira, subalit ang katotohanan ng Diyos ay magpapatuloy nang may kagitingan, may pagkamaharlika, at may kalayaan, hanggang sa makapasok ito sa lahat ng lupalop, makadalaw sa bawat klima, makaraan sa bawat bansa, at mapakinggan ng bawat tainga, hanggang sa ang mga layunin ng Diyos ay matupad, at ang Dakilang Jehova ay magsabing ang gawain ay naganap na.”3

Marami sa mga propesiya ni Joseph Smith ay mapangitaing pahayag tungkol sa kalooban ng Panginoon para sa Simbahan, na naunawaan ng mga Banal na nakadepende sa kanilang pananampalataya at sa kalayaan ng tao.4 Marami sa mga propesiyang ito ay natupad habang ang mga Banal ay sumusulong nang may pananampalataya para isagawa ang mga ito. Sa ibang mga pagkakataon, nahirapan ang mga Banal na bigyan ng kahulugan ang mga paghihirap na dinanas nila habang ipinagpapatuloy nila ang mga inspiradong mithiin.

Halimbawa, ang mga pinakaunang pang-unawa ng mga Banal sa mga Huling Araw sa mga propesiya hinggil sa magiging Sion ay nakatuon sa pagbuo ng isang lunsod sa Jackson County, Missouri. Matapos silang itaboy mula sa lupain, ang karagdagang paghahayag ay nakatulong sa kanila na maunawaan ang kanilang karanasan at makahanap ng mga bagong paraan upang ituon ang kanilang lakas sa pagkumpleto ng gawain ng Panginoon. Tiniyak din nitong muli sa kanila na kapag ang “kanilang mga kaaway ay [sa]salakayin sila at tuluyan silang hahadlangan at hindi na [makakatrabaho],” ang Panginoon ay “hindi na kakailanganin pa ang gawain” at “tatanggapin ang kanilang hain.”5 Bagamat ang pagkawala ng lupain ng Sion ay sumubok sa kanilang pananampalataya, patuloy ang mga miyembro ng Simbahan na gumawa upang itayo ang Sion sa ibang lugar at paraan.6

Dumanas ang mga Banal sa Kirtland ng pagsubok sa pananampalataya na may kaugnayan sa isa pang pahayag ni Joseph Smith bilang propeta. Noong huling bahagi ng 1836 hanggang tagsibol ng 1837, sinabi ni Joseph Smith sa mga Banal na uunlad ang kabuhayan sa Kirtland kung sila ay susunod sa mga kautusan at susuportahan ang isang bagong lokal na institusyong pampinansyal na tinawag na Kirtland Safety Society.7 Nang malugi ang bangko, itinuring ng ilang mga Banal na bigong propesiya ang mga salita ni Joseph Smith. Ang iba ay humanap ng mga pagpapala ng Diyos sa kabila ng kanilang mga pagsubok sa pananalapi.8 Si Oliver Granger, na tumanggap ng tungkuling asikasuhin ang mga utang na may kaugnayan sa Simbahan na dulot ng mas malaking pagbagsak ng ekonomiya, ay kalaunang sinabihan nang may katiyakan ng Panginoon na ang “kanyang hain ay mas banal sa akin, kaysa sa kanyang yaman.”9

Ilan sa mga pinaka-nakaaantig na kuwento mula sa kasaysayan ng Simbahan ay nagsasalaysay ng mga pagsisikap ng mga Banal na nanampalataya sa mga pahayag ni Joseph Smith at nagsikap na isakatuparan ang mga ito. Noong Abril 26, 1838, tumanggap si Joseph Smith ng paghahayag na nag-atas sa Labindalawang Apostol na lumisan sa Far West para magmisyon sa England sa loob ng isang taon. Nang itinaboy ang mga Banal mula sa Missouri noong taglagas na iyon, tinawag ito ng ilan na huwad na propesiya. Sa kabila ng pagharap sa potensyal na karahasan o pagkabilanggo sa pagbalik sa Missouri, determinado si Brigham Young na kumilos ayon sa propesiya. Pinamunuan niya ang Labindalawa sa isang lihim na biyahe pabalik sa Far West, Missouri, at sa gitna ng kalaliman ng gabi noong Abril 26, 1839, simboliko silang umalis para sa kanilang misyon bilang pagtupad sa kautusan.10

Iginiit ni Joseph Smith ang kalayaang ipahayag ang sarili niyang mga opinyon. Noong may nagsabi sa kanya na akala nila na ang propeta ay palaging nagsasalita bilang isang propeta, sinalungat ito ni Joseph at sinabing “ang propeta ay isang propeta lamang kapag kumikilos siya bilang gayon.”11 Kasabay nito, hindi siya umiiwas sa pangungusap nang buong tapang kapag may inihayag na tagubilin sa kanya ang Panginoon, at pinanindigan niya ang kanyang mga pahayag bilang propeta. Ang kaloob ng propesiya ay isang mahalagang aspeto ng tungkulin at pamana ni Joseph Smith.

Mga Kaugnay na Paksa: Joseph Smith Jr., Mga Paghahayag ni Joseph Smith

Mga Tala

  1. Ilan sa mga kapanabay ni Joseph Smith ay kalaunang lumisan, may mga talang nakapagpapaalala na sinasabing naglalaman ng mga propesiya ni Joseph Smith, ngunit mahirap mapatunayan kung ang mga pahayag na ito ay totoo.

  2. Revelation, 25 December 1832 [DC 87],” sa Revelation Book 2, 32–33, josephsmithpapers.org; “Instruction, 2 April 1843, as Reported by Willard Richards,” sa Joseph Smith, Journal, 1842–1844, aklat 2, 39, josephsmithpapers.org; tingnan din sa Doctrine and Covenants 130:12–13; Jed Woodworth, “Peace and War: DC 87,” sa Matthew McBride at James Goldberg, mga pat., Revelations in Context: The Stories behind the Sections of the Doctrine and Covenants (Salt Lake City: The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, 2016), 158–64.

  3. Times and Seasons, 1 March 1842,” 709, josephsmithpapers.org. Para sa iba pang makabagong pahayag tungkol sa hinaharap ng Simbahan, tingnan sa “Revelation, 30 October 1831,” 112, josephsmithpapers.org.

  4. Tingnan sa James B. Allen, Trials of Discipleship: The Story of William Clayton, a Mormon (Urbana: University of Illinois Press, 1987), 77.

  5. Revelation, 19 January 1841 [DC 124],” sa Book of the Law of the Lord, 7, josephsmithpapers.org; iniayon sa pamantayan ang pagbaybay.

  6. Tingnan sa Paksa: Sion/Bagong Jerusalem.

  7. Tingnan sa, halimbawa, Joseph Smith discourse, Abr. 6, 1837, sa Brent M. Rogers, Elizabeth A. Kuehn, Christian K. Heimburger, Max H Parkin, Alexander L. Baugh, at Steven C. Harper, mga pat., Documents, Volume 5: October 1835–January 1838. Tomo 5 ng Documents series ng The Joseph Smith Papers, pinamatnugutan nina Ronald K. Esplin, Matthew J. Grow, at Matthew J. Godfrey (Salt Lake City: Church Historian’s Press, 2017), 357.

  8. Tingnan sa Paksa: Kirtland Safety Society.

  9. Revelation, 8 July 1838–E [DC 117],” sa Joseph Smith, Journal, March–September 1838, 58, josephsmithpapers.org; iniayon sa pamantayan ang pagbabaybay.

  10. Historical Introduction to Joseph Smith, Journal, 1839, josephsmithpapers.org. Bumalik sila sa Nauvoo ng ilang buwan bago sa wakas ay sinimulan nila ang kanilang misyon.

  11. Joseph Smith, “History, 1838–1856, volume D-1 [1 August 1842–1 July 1843],” 1464, josephsmithpapers.org; iniayon sa pamantayan ang pagbabantas. Sa ilang pagkakataon, ginamit ni Joseph Smith ang wikang gamit ng propeta sa mga di-pormal na sitwasyon. Tingnan, halimbawa sa, “History of Joseph Smith,” Latter-Day Saints’ Millennial Star, tomo 22, blg. 29 (Hulyo 1, 1860), 455.