“Pandarayuhan,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan
“Pandarayuhan”
Pandarayuhan
Tumugon ang mga naunang Banal sa mga Huling Araw sa panawagan ng Panginoon na magtipon sa Sion sa pamamagitan ng paglipat mula sa kanilang sariling bayan patungo sa mga lugar na sentro ng pagtitipon—una sa Ohio, sa Missouri, at pagkatapos ay sa Illinois, at kalaunan ay sa Hilagang Kanlurang Amerika.1 Yaong mga nagsagawa ng paglalakbay ay dumaan sa maraming ruta patungo sa Sion.2 Ang pandarayuhan ay isang mahalagang katangian ng mga talambuhay ng mga naunang Banal sa mga Huling Araw—halos lahat ng sumapi sa Simbahan ay nadama ang epekto ng pandarayuhan, sa pag-iwan man sa kanilang sariling tahanan o sa paghihiwalay nila ng ibang gumawa nito. Nag-organisa ang Simbahan ng isang malawakang pagsisikap na tulungan ang mga pamilya sa paglipat na kinabilangan ng pag-oorganisa ng mga pangkat ng paglalakbay, pagpopondo ng mga paglalakbay, at pagtulong sa mga nandayuhan na maging bahagi ng kanilang bagong komunidad kasama ng mga Banal.
Mula 1840 hanggang 1890, higit 85,000 mga Banal ang nandayuhan sa Nauvoo, Illinois, at sa Kanluran. Nilisan ng karamihan (mga 55,000) ang British Isles, 25,000 pa ang nilisan ang Scandinavia, at halos 6,000 ang nilisan ang kontinente ng Europa. Ang iba ay dumating mula sa mga pulo ng Pasipiko, India, Imperyong Ottoman, at South Africa. Ang kahandaan ng mga Banal na magsakripisyo at magbahagi ng kanilang yaman ang naging dahilan ng gayon kalawak na pandarayuhan—karaniwan nilang tinatanggihang talikuran ang mga kasamang mas maralita.3
Noong una ay binayaran ng mga Banal sa mga Huling Araw ang kanilang sariling gastos upang magtipon sa Sion, ngunit matapos marating ng mga unang missionary ang Great Britain noong 1837, ang mga lider ng Simbahan ay mas aktibong tumulong sa pag-aasikaso ng mga paglalakbay at iba pang mga detalye nito. Maraming mas mayayamang binyagang British ang nangakong magpopondo ng paglalakbay ng mga mas maralitang Banal patungo sa Nauvoo. Sa pagitan ng 1840 at 1846, ang itinataguyod ng Simbahan na malalaking inorganisang grupo ng pandarayuhan na may mga 4,000 bininyagang miyembro ay naglayag mula sa England papuntang Estados Unidos.4 Matapos nilang lisanin ang Nauvoo, ginawa ng mga Banal ang teritoryo ng Utah bilang pangunahing destinasyon sa pagtitipon ng mga bininyagang miyembro.5
Sa mga sumunod na 40 taon, halos kalahati ng lahat ng mga nandayuhang bininyagang miyembro ay binayaran ang gastos sa paglalakbay gamit ang mga pautang na ibinigay ng Perpetual Emigrating Fund (PEF), isang kooperatibang organisasyon na binuo sa Lambak ng Salt Lake noong 1849 upang “dalhin ang mga maralita sa lugar na ito.”6 Dinala ni Bishop Edward Hunter sa Iowa ang unang $5,000 na donasyon, kung saan ginamit niya ang pondo para sa mga gamit sa paglalakbay ng mga nandarayuhan. Pagdating sa Lambak ng Salt Lake, inaasahan ang mga manlalakbay na bayaran ang kanilang mga utang upang masimulan ng mga susunod pang mandarayuhan ang kanilang paglalakbay.7
Ang mga tagapangasiwa ng PEF ay bumuo ng isang kumpanya upang mangolekta at mamahagi ng pondo, bumili ng mga suplay, umupa ng mga barko, at pangasiwaan ang mga kinatawan ng pandarayuhan na nakatalaga sa mga tanggapan ng mga mission at mga himpilan sa daan. Nagsilbi ang Liverpool, England bilang sentro ng mga barko kung saan tinitipon ng mga kinatawan ng Simbahan ang mga mandarayuhan, isinasaayos ang kanilang paglalakbay, at kinokolekta ang deposito. Dalawa o tatlong buwan bago ang paglalakbay, naglalathala ang tanggapan ng pandarayuhan ng mga abiso sa Millennial Star na siyang nagbabalita ng mga reserbasyon sa barko at naglilista ng mga tagubilin sa pag-iimpake.8 Oras na makasakay, ang mga nandarayuhan sa mga grupo na umaabot minsan ng daan-daan ay nag-oorganisa ng kanilang sarili sa mga ward, bawa’t isa ay may isang pangulo at mga tagapayo, para sa paglalayag.9
Binago ng bagong teknolohiya ng steam engine (makinang pinaandar ng singaw) ang karanasan sa pandarayuhan: pinalitan ng mga steamship ang mga barkong gumagamit ng layag, at pinalitan ng riles ng tren ang mga grupo ng bagon.10 Ang pandarayuhan na pinopondohan ng Simbahan ay nagpatuloy hanggang 1887, nang pinagkaitan ng karapatan ng pamahalaang Estados Unidos ang mga negosyo ng Simbahan sa ilalim ng batas laban sa poligamya.11 Ang mga indibidwal na pamilya ay patuloy na nandayuhan sa mga sumunod pang dekada, subalit sa pagpayo ng mga lider ng Simbahan na palakasin ang mga branch at stake sa ibayong dagat, ang tuon ay bumaling sa pagpapalawak ng mga komunidad ng Simbahan sa buong mundo, at dumalang ang pandarayuhan bilang pangunahing bahagi ng pagiging pioneer ng mga Banal sa mga Huling Araw.12