“Family Home Evening,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan (2022)
“Family Home Evening,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan
Family Home Evening
Sa kumperensya ng mga elder noong Nobyembre 1831, tumanggap si Joseph Smith ng pahayag na nagsasaad ng “batas sa mga naninirahan sa Sion” na “[turuan] din nila ang kanilang mga anak na manalangin, at magsilakad nang matwid sa harapan ng Panginoon.” at nagbabala na ang mga bata ay “lumalaki rin sa kasamaan” at kasakiman.1 Sa kabuuan ng natitirang bahagi ng ika-19 na siglo, maraming mga Banal sa mga Huling Araw ang hinikayat ang mga pamilya na magturo at magsabuhay ng mga alituntunin ng ebanghelyo sa kanilang mga tahanan. Bago ang kanyang pagpanaw noong 1877, sinabi ni Brigham Young, “Kung hindi tayo magsisikap na turuan ang ating mga anak, turuan sila tungkol dito sa inihayag na katotohanan, kahit paano, ang pagkakasala ay mapapasa atin, bilang mga magulang.”2 Binuo ng mga Banal sa Huling Araw ang iba-ibang samahan upang suportahan ang mga pamilya sa pagtuturo at pagpapalaki ng mga anak, kabilang na ang Primary, Sunday School, at mga Mutual Improvement Association para sa mga dalagita at binatilyo.3
Sa simula ng ika-20 siglo, si Frank Y. Taylor, ang pangulo ng Granite Stake sa Lunsod ng Salt Lake, ay nagsaad ng mga alalahanin na maraming mga magulang ang inaasa na lamang sa mga organisasyon ng Simbahan ang pagtuturo ng mga alituntunin ng ebanghelyo at hinimok niya ang mga lider ng priesthood na tulungan ang mga pamilya na ituro sa mga anak ang ebanghelyo at “gawing pinakakaaya-ayang lugar sa buong mundo ang tahanan para sa mga bata.”4 Noong 1909, nagtalaga siya ng komite upang bumuo ng plano para sa isang regular na aktibidad sa stake—isang “home evening sa mga pamilya ng mga Banal.”5 Inilahad ng komite ang kanilang mga mungkahi sa isang espesyal na pulong para sa mga magulang na dinaluhan at inendorso ng Pangulo ng Simbahan na si Joseph F. Smith. Iminungkahi ng plano na tandaan ng mga magulang ang kautusan sa Doktrina at mga Tipan 68 sa pamamagitan ng paglalaan ng isang gabi bawat linggo upang tipunin ang kanilang mga pamilya sa tahanan at sama-samang magdasal, umawit, magbasa ng mga banal na kasulatan, magkaroon ng maiikling aralin sa ebanghelyo, gumawa ng mga aktibidad na nakatuon sa mga bata, at magmiryenda. Hinikayat ng komite ang mga magulang na iwasan “ang labis na pormalidad” at iwasang gumawa ng iba pang lakad sa mga gabing yaon.6
Nang napansin ang tagumpay ng mga home evening, inatasan ni Pangulong Smith at ng kanyang mga tagapayo sa Unang Panguluhan ang lahat ng mga pangulo ng stake at mga bishop noong 1915 na ilaan ang isang gabi ng bawat buwan para sa mga pamilya at iminungkahi sa mga magulang ang gayunding mga aktibidad bilang programa ng Granite Stake.7 Pangunahing ipinapaalam ng mga pamilya at lider ng mga organisasyon ang mga ideya para sa home evening sa mga magasin ng Simbahan at mga manwal nito hanggang 1946, noong pasimulan ng Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol ang “muling pagbalik … sa proyektong ito na sinimulan sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Joseph F. Smith.”8 Inatasan ang Relief Society na pangisawaan ang bagong programang pinangalanan na “oras ng pamilya” sa mga ward at branch at ihanda ang mga materyal na susuporta sa mga magulang.9 Kitang-kitang itinaguyod ni Elder Ezra Taft Benson ang programa bilang “dakilang responsibilidad” at “espirituwal na saligan.” Naglilingkod bilang Apostol at kalihim sa gabinete ng pederal na pamahalaan ng Estados Unidos noong 1954, nagdaos siya ng isang live home evening kasama ang kanyang pamilya sa palabas sa telebisyon na “Person to Person” na mapapanood sa buong bansa.10
Noong 1964, pinagnilayan ng Pangulo ng Simbahan na si David O. McKay at ni Elder Harold B. Lee ang karagdagang pagpapabuti sa mga pagtuturo ng ebanghelyo na nakatuon sa tahanan. Sa pangkalahatang kumperensya, ipinahayag ni Elder Lee na ang kasalukuyang pinagsisikapan ng priesthood correlation ay ang pangangasiwa ng bagong programa ng family home evening sa pamamagitan ng pamunuan priesthood sa stake.11 Inilathala ng Simbahan ang Home Evening Manual na naglalaman ng mga alituntunin, mungkahi, at mga lesson na maaring iangkop sa lahat ng edad. Sa loob lang ng ilang taon, naisalin ang manwal sa 17 wika.12
Ang kasabikan sa regular na gabi ng pamilya ay nadama hindi lamang sa mga tahanan ng mga Banal sa Huling Araw. Noong 1973, isang artikulo sa New York Times ang nagbigay-diin sa programa ng family home evening bilang tagapagbuo ng mas malawak na pagkakaisa ng mga pamilya at naghikayat sa iba-ibang simbahan at organisasyon na magtanong tungkol sa binagong Family Home Evening Manual.13 Noong taong iyon, ginamit ng mga missionary ang isang bagong kurikulm, ang Uniform System for Teaching Families, na isinasama ang mga family home evening bilang karagdagang pamamaraan ng pagtuturo ng ebanghelyo. Isinulong ng mga missionary sa buong mundo ang programa sa pamamagitan ng mga gawaing pansibiko, mga artikulo sa pahayagan, mga pagtatanghal sa lansangan, at mga lesson sa tahanan.14 Noong taon ding iyon, tinalakay ng mga Banal sa mga Huling Araw sa gobernador ng Virginia ang tungkol sa programa ng family home evening, na kalaunang idineklara ang Mayo 1974 bilang “Family Unity Month.” Sumunod ang ibang mga lunsod at estado, kung saan ang mga alkalde at gobernador sa kabuuan ng Estados Unidos ay nagdaos ng mga aktibidad ng pagkakaisa ng pamilya at inirekomenda ang mga family home evening sa kanilang mga mamamayan.15
Karaniwang naglalaan ang mga stake council ng isang araw bawat linggo para sa mga family home evening hanggang 1970, kung saan hinikayat ng Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol ang mga stake, mission, ward, at branch na ilaan ang Lunes ng gabi para sa mga pamilya.16 Kasama sa kanyang mga unang hakbang bilang Pangulo ng Simbahan noong 1994, inatasan ni Howard W. Hunter na ang lahat ng mga gusali at pasilidad ng Simbahan ay isasara kapag Lunes ng gabi at ang mga stake at ward council ay titiyaking maiiwasan ang mga abala sa mga family home evening.17 Makalipas ang limang taon, muling binigyang-diin nina Pangulong Gordon B. Hinckley at ng kanyang mga tagapayo sa Unang Panguluhan ang polisiya ni Pangulong Hunter at hinikayat ang mga miyembro ng Simbahan na hikayatin ang kanilang mga komunidad at paaralan na iwasan ang pagkakaroon ng mga aktibidad na maaring magpalabas sa mga bata o magulang mula sa kanilang tahanan tuwing Lunes ng gabi.18 Ang binagong iskedyul ng mga pulong sa araw ng Linggo na inanunsyo noong 2018 ay naglaan ng isang oras para sa pag-aaral ng ebanghelyo sa tahanan. Bilang pagsisikap na isama at suportahan ang mga adult na walang asawa, pinalitan ng Simbahan ang pangalan nito at ginawang “home evening” sa Pangkalahatang Hanbuk at iba pang mga materyal. Hinikayat ng Unang Panguluhan ang mga “indibidwal at pamilya na magdaos ng home evening at pag-aralan ang ebanghelyo sa tahanan kapag Linggo,” bagamat ang Lunes ng gabi ay mananatiling libre mula sa mga pulong o paggamit ng gusali.19 Ang malawakang pagtanggap na ito sa mga tradisyon ng home evening ay patuloy na ginawang bukod-tangi ang mga Banal sa mga Huling Araw, partikular na sa pagtuturo ng mga pamanang panrelihiyon. Ang mga palagiang pagtitipon sa mga tahanan na hinikayat sa loob ng higit sa isang siglo ay nagbigay sa mga Banal sa mga Huling Araw ng isa sa mga pinakamatibay na masusukat na ugnayan ng mga henerasyon ng anumang makabagong grupong panrelihiyon.20
Mga Kaugnay na Paksa: Primary, Mga Organisasyon ng Young Women, Mga Organisasyon ng Young Men, Sunday School