“Canada,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan
“Canada”
Canada
Bago pa man nakumpleto ang mga unang nakalathalang kopya ng Aklat ni Mormon, si Solomon Chamberlin, isang naglalakbay na mangangaral, ay binisita ang pamilya Smith malapit sa Palmyra, New York, matapos niyang marinig ang balita tungkol sa Aklat ni Mormon. Dinala ni Hyrum Smith si Chamberlin sa opisina kung saan ang aklat ay inililimbag, at hindi nagtagal ay naglakbay si Chamberlin patungong Hilagang Canada (kasalukuyang Ontario) dala ang 64 na nakalimbag na mga pahina ng Aklat ni Mormon at ipinangaral sa “lahat ng kilala [niya] ang tungkol sa Mormonismo.”1 Ang pangangaral ni Chamberlin sa Canada ang pinakaunang kilalang halimbawa ng pangangaral mula sa Aklat ni Mormon. Noong sumunod na dekada, maraming Banal sa mga Huling Araw—kabilang na sina Joseph Smith; ang kanyang ina, si Lucy; Oliver Cowdery; at anim sa mga orihinal na Labindalawang Apostol—ang naglakbay patungong Canada upang mangaral at isagawa ang gawain ng Simbahan.2
Nangangaral malapit sa Toronto noong 1836, natagpuan ni Parley P. Pratt ang isang maliit na grupo ng mga Kristiyano na naghahanap ng simbahan na may “sinaunang kasimplehan” na matatagpuan sa mga banal na kasulatan.3 Maraming miyembro ng grupo, pati na sina John at Leonora Taylor at Joseph, Mary, at Mercy Fielding, ay dagling nabinyagan, at si Pratt ay bumuo ng ilang maliliit na branch sa lugar.4 Pagkalipas ng isang taon, nang sina Apostol Heber C. Kimball at Orson Hyde ay nagsimulang mangaral sa England, sinamahan sila nina Joseph Fielding, John Goodson, Isaac Russell at John Snyder—lahat ay mga nabinyagan mula sa misyon ni Pratt sa Canada.5
Simula noong 1847, marami sa mahigit 2,000 mga Canadian na sumapi sa Simbahan ay nandayuhan sa kanlurang Estados Unidos kasama ang pinakamalaking pangkat ng mga Banal.6 Noong 1887, si Charles Ora Card, isang stake president sa Cache Valley, Utah, ay pinangunahan ang isang maliit na grupo ng mga Banal sa Lee Creek (kalaunan ay Cardston), Alberta, kung saan sila nanirahan.7 Marami sa mga unang nanirahan sa katimugang Alberta, kabilang si Card at ang kanyang asawang si Zina Young Card, ay mga miyembro ng mga pamilya na may higit sa isang asawa. Matapos ipasa ng Kongreso ng Estados Unidos ang Edmunds Act noong 1882, ang mga Banal sa mga Huling Araw ay nakipagsapalarang mamultahan at mabilanggo upang maipagpatuloy ang pamumuhay nang may higit sa isang asawa. Bunsod nito, pinili ng ilan sa mga ito na mandayuhan sa Mexico at Canada. Nag-alok ang Alberta ng kapwa oportunidad sa pangkabuhayan at isang ligtas na kanlungan mula sa mga batas ng Estados Unidos laban sa pag-aasawa nang higit sa isa, bagamat ang mga lalaking gumagawa nito ay maaari lamang magsama ng isa sa kanilang mga asawa sa Canada.8
Noong mga sumunod na tatlong dekada, nandayuhan ang mga Banal sa mga Huling Araw sa katimugang Alberta nang maramihan. Noong 1895, ang unang stake na inorganisa sa labas ng Estados Unidos ay ang Cardston Alberta Stake, at noong 1923, itinayo ang unang templo sa labas ng Estados Unidos sa Cardston. Noong panahong iyon, mahigit sa 9,500 Banal sa mga Huling Araw ang nakatira sa tinatayang 20 komunidad ng mga Mormon sa Alberta.9 Sa pagtatapos ng dekada ng 1970, maraming mga stake at mission na ang naitatag sa bawat teritoryo at probinsya ng Canada.10 Ilang mamamayan na ng Canada ang nakapaglingkod bilang mga General Authority at General Officer ng Simbahan, kabilang ang mga miyembro ng Unang Panguluhan na sina Hugh B. Brown at N. Eldon Tanner at Relief Society General President Elaine L. Jack. Noong 2018, mahigit sa 195,000 miyembro ng Simbahan ang nakatira sa bansa, na may karagdagang templo na itinayo na o pinaplano para sa Toronto, Halifax, Regina, Edmonton, Montreal, Vancouver, Calgary at Winnipeg.11