“Fanny Alger,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan
“Fanny Alger”
Fanny Alger
Isinilang noong 1816 kina Samuel at Clarissa Alger, sumapi si Fanny Alger sa Simbahan kasama ang kanyang pamilya sa unang bahagi ng dekada ng 1830 at nagtrabaho sa tahanan ni Joseph Smith sa Kirtland, Ohio.1 Iniulat kalaunan ng ilang mga Banal sa mga Huling Araw na nakatira sa Kirtland noong dekada ng 1830 na si Fanny Alger ay ikinasal kay Joseph Smith, at siya ang una sa kanyang maraming asawa.2 Ang kasal ay malinaw na tumagal lamang ng maikling panahon. Nilisan ni Fanny ang Ohio kasama ang kanyang mga magulang noong 1836 para magpunta sa Missouri, at lumagi sa isang bahay-tuluyan na pag-aari ng pamilya ni Solomon Custer sa Dublin, Indiana.3 Sa loob ng ilang buwan, nagpakasal si Fanny kay Solomon.4 Nanatili siya sa Dublin matapos magpunta ang kanyang mga magulang sa Far West, Missouri. Sinundan ng pamilya ni Fanny ang pinakamalaking pangkat ng mga Banal mula sa Missouri papunta sa Illinois at sa huli ay sa katimugang Utah. Nang pumanaw ang ama ni Fanny, na isang patriarch, noong dekada ng 1870, binanggit sa kanyang obitwaryo ang katapatan ng kanyang pamilya.5
Sina Fanny at Solomon ay nagkaroon ng siyam na anak, dalawa lamang sa kanila ang nabuhay nang mas matagal kaysa kay si Fanny. Ang pamilya Custer ay may isang grocery store sa Dublin at namuhunan sa isang sawmill o lagarian sa kalapit na Lewisville.6 Lumipat ang pamilya sa Lewisville sa panahon ng pinansiyal na paghihirap, at tinangka ni Solomon na ibenta ang sawmill o lagarian ngunit sa huli ay idineklarang nalugi.7 Sina Fanny at Solomon ay nagbalik sa Dublin, kung saan sila lumagi hanggang sa kanilang kamatayan noong 1885.8
Sina Fanny at Solomon ay nagsisimba noon sa lokal na Universalist Church na tinulungan itatag ng ama ni Solomon. Sa kanyang huling taon, si Fanny ay naging interesado rin sa espirituwalismo.9 Pagkamatay ni Solomon, lumipat si Fanny sa Indianapolis para makapiling ang kanyang anak sa Lafayette. Siya ay namatay noong 1889 at inilibing sa Dublin na katabi ni Solomon sa kapirasong lupa na hinawan niya noong bata pa siya.10
Kaugnayan kay Joseph Smith
Lubhang kakaunti ang nalalaman tungkol sa kasal sa pagitan nina Joseph Smith at Fanny Alger. Ang pinakaunang source o pinagkunan ay lumitaw pagkatapos bumagsak ang Kirtland Safety Society noong 1837. Ang galit na mga namumuhunan sa lipunan at lokal na mga kalaban ay nagpakalat ng maraming tsismis na tumutuligsa kay Joseph, kabilang na ang mga paratang na siya ay nagkasala ng pakikiapid. Ang ilan sa mga tsismis ay sinasabing nagmula kay Oliver Cowdery, na ang dating malapit na kaugnayan kay Joseph ay nabahiran dahil sa maraming bagay. Sinasabi ng ilan na narinig ni Oliver na umamin si Joseph na nagkaroon siya ng relasyon kay Fanny Alger.11 Noong taglagas ng 1837, hinarap ni Joseph Smith si Cowdery tungkol sa tsismis o usap-usapan sa isang pulong na dinaluhan ng tatlong iba pa. Sa pulong na iyon, pinabulaanan ni Cowdery ang tsismis o usap-usapan na nagtapat sa kanya si Joseph.12 Nang sumunod na Abril, noong nilitis si Cowdery sa Missouri hinggil sa kanyang katayuan bilang miyembro ng Simbahan dahil sa maraming paratang, tinalakay sa mataas na kapulungan ang mga tsismis na ipinakalat ni Cowdery. Nagbigay si Joseph ng paliwanag tungkol sa kanyang kaugnayan kay Fanny na tila ikinasiya ng mataas na kapulungan.13 Si Cowdery ay itiniwalag sa miting na ito.
Bukod sa katibayan ng isang pagbisita sa kanyang pamilya na kabilang sa branch ng Simbahan sa Lima, Illinois, noong simula ng dekada ng 1840, ang pangalan ni Fanny ay wala pa rin sa talaan ng mga Banal sa mga Huling Araw sa loob ng halos 30 taon.14 Sa huling bahagi ng ika-19 na siglo, isinasaad ng ilang pahayag ng mga Banal sa mga Huling Araw at ng dating mga miyembro ng Simbahan na ang ugnayan nina Joseph Smith at Fanny Alger ay isang maagang pagsasagawa ng maramihang pag-aasawa.15 Isinama lang ni Eliza R. Snow, isa sa mga naging asawa ni Joseph Smith, si Fanny sa listahan ng kanyang mga asawa.16 Inilarawan din ni Mosiah Hancock noong 1896 at ni Benjamin F. Johnson noong 1903 ang kaugnayan ni Fanny kay Joseph bilang maramihang pag-aasawa na pinanatiling kumpidensyal. Ikinuwento ni Hancock ang tungkol sa pribadong pagbubuklod ng kasal na isinagawa ng ama ni Hancock sa Kirtland. Ayon kay Johnson, tinanong si Fanny noon tungkol sa kanyang kaugnayan kay Joseph pero tumanggi itong idetalye ang tungkol dito.17
Bagamat kaunti lang ang alam natin tungkol sa panimula at maagang pagsasagawa ng pag-aasawa nang marami, iginagalang ng mga Banal sa mga Huling Araw ang pananampalataya ng mga naunang miyembro ng Simbahan na nagsakripisyo upang sundin ang mahirap na utos na ito.