Kasaysayan ng Simbahan
Pagsasaayos ng mga Ari-arian ni Joseph Smith


“Pagsasaayos ng mga Ari-arian ni Joseph Smith,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan

“Pagsasaayos ng mga Ari-arian ni Joseph Smith”

Pagsasaayos ng mga Ari-arian ni Joseph Smith

Ang mga naunang paghahayag na ibinigay kay Joseph Smith ay nag-atas sa mga Banal sa mga Huling Araw na magtipon at magtayo ng mga komunidad, mga lunsod, at mga templo. Nangailangan ang mga adhikaing ito ng malalaking halaga ng pera, lalo na para sa pagbili ng lupain. Bilang Pangulo ng Simbahan, pinangunahan ni Joseph Smith ang mga pagsisikap na tuparin ang mga ipinahayag na obligasyong ito, pinipili na humiram ng pera mula sa mga nagpapautang dahil ang Simbahan ay may kakaunti at iilan lamang na mapagkukunan. Ang pambansang pagbagsak ng ekonomiya noong huling bahagi ng dekada ng 1830 at simula ng dekada ng 1840 ay nagpahirap sa kanyang magbayad sa kanyang mga pinagkakautangan sa Ohio. Matapos niyang lumipat sa Missouri noong 1838, binigyan niya ang iba ng awtoridad na ipagpatuloy ang proseso ng pagbabayad ng kanyang mga utang sa Ohio.

Hindi nagtagal ang mga Banal ay pinalayas mula sa Missouri at nanirahan sa paligid ng Nauvoo, Illinois. Ang mga kawalang-katarungan ng sapilitang pagpapaalis na ito ay kinabilangan ng problema sa pananalapi nang nawala kina Joseph at sa mga Banal ang malaking bahagi ng mga lupain sa Missouri na binayaran nila nang buo. Nagpetisyon sila sa pamahalaan ng Estados Unidos para sa bayad-pinsala ngunit ipinagkait ito sa kanila. Kasabay nito, libu-libong bagong miyembro ang dumating mula sa mga mission ng Simbahan, at nais ni Joseph na matulungan ang mga nawalan ng tirahan at mga nandayuhang ito na magkaroon ng lupa at pagkakataong umunlad. Para sa layuning ito, sa pagitan ng 1839 at 1841, inasikaso niya ang pagbili ng dose-dosenang lote sa Illinois, na may kabuuang sukat na halos 200 ektarya.

Kasama ng mga pagbili ng mga lupaing ito ang maraming teknikalidad sa pinansiyal at legal na aspeto. Sa ilalim ng batas ng Illinois, ang isang simbahan ay maaari lamang magmay-ari ng ari-arian sa pamamagitan ng paghahalal ng isang trustee na mangangalaga sa ari-arian sa ngalan ng simbahan. Sa isang espesyal na kumperensya noong Enero 1841, itinalaga si Joseph bilang trustee-in-trust ng Simbahan, kung saan ay pinangasiwaan niya ang ari-arian ng Simbahan. Alinsunod nito, sinimulan niyang ilipat sa kanyang sarili bilang trustee para sa Simbahan ang maraming ari-arian na dating nakapangalan sa kanya. Si Joseph, ang iba pang mga lider ng Simbahan, o kanilang mga legal na tagapayo ay lumalabas na hindi nauunawaan na ayon din sa batas, ang mga simbahan sa Illinois ay hindi maaaring magkaroon ng pag-aari na mahigit dalawang ektarya ng lupa.

Ang mga personal na pagkakautang ni Joseph ay nanatiling isang malaking pasanin. Noong 1841 isang bagong batas ang umiral na nagtulot sa mga nagkakautang (hindi tulad ng dati, na tanging pinagkakautangan lamang) na magdeklara ng pagkalugi. Hindi nagtagal ay tumanggap ang mga korte ng napakaraming kahilingan ng pagpapatawad sa utang. Sa payo ng kanyang mga abugado, sinamantala ni Joseph ang pagkakataon na maghain ng deklarasyon ng pagkalugi upang mapawalang-bisa ang kanyang mga utang, kabilang na ang mga natitirang obligasyon mula sa Ohio, malaking pagbili ng lupa sa Illinois, at ang balanse sa bapor na binili ng ilang negosyante sa Nauvoo, na binigyang-garantiya ni Joseph na babayaran ang pagkakautang.

Noong 1842 isang dating Banal sa mga Huling Araw at pampublikong kritiko ng Simbahan, si John C. Bennett, ay nagparatang sa mga artikulo sa pahayagan na mapanlinlang na inilipat ni Joseph ang mga ari-arian sa kanyang pamilya at sa Simbahan upang makaiwas sa pagsusubasta ang lupain upang mabayaran ang mga pinagkakautangan habang dinidinig sa korte ang pagkalugi. Isang abugado ng distrito, si Justin Butterfield, ang nagtalakay ng mga paratang sa abogado ng Kabang-yaman ng Estados Unidos, na nag-apruba sa pagbubukas ng imbestigasyon sa mga transaksyon ni Joseph. Nagsampa si Butterfield na tanggihan ang aplikasyon ni Joseph sa pagkalugi, at ipinagpaliban ng korte ng distrito ang panghuling pagdinig sa pagkalugi ng 11 linggo. Pansamantala, nakipagtagpo si Butterfield kay Joseph Smith at pumayag na maglingkod bilang kanyang tagapagtanggol sa pagdinig tungkol sa extradition. Makalipas ang ilang buwan, sumulat si Butterfield sa abogado, ipinapaalam na hindi niya layong salungatin ang pagkalugi ni Joseph batay sa mga paratang ng pandaraya kundi payagan ang aplikasyon na magpapatuloy sa oras na makapagbayad si Joseph ng pagkakautang sa bapor.

Ang wala sa oras na pagkamatay ni Joseph Smith noong 1844 ay nag-antala sa mga pagdinig sa pagkalugi. Ang balo ni Joseph, si Emma Smith, ay agad nakadama ng pamimilit mula sa mga nagpapautang na bayaran ang mga pagkakautang ni Joseph at hinimok ang Simbahan na mag-atas ng isang trustee-in-trust nang walang pagpapaliban. Ang tanong tungkol sa mga pananalapi ni Joseph ay detalyadong tinalakay sa mga naunang pulong ng konseho kasunod ng pagkamatay ni Joseph. Simula sa kanyang pagkakatalaga bilang trustee noong 1841, sinimulan ni Joseph Smith ang mas maingat na pagtukoy ng kanyang personal na pera at ng sa Simbahan, subalit ang dalawa ay nanatiling kumplikadong magkaugnay noong panahon ng kanyang kamatayan. Nagtalo ang mga lider ng Simbahan at mga miyembro ng pamilya Smith sa ilang aspeto ng mga ari-arian ni Joseph, kabilang na kung sino ang responsable sa ilan sa kanyang hindi nabayarang utang. Sa huli, sumang-ayon silang lahat sa paglilitis ng testamento upang mabayaran ang mga pinagkakautangan.

Noong Agosto 1844 ay sinang-ayunan sina Bishop Newell K. Whitney at George Miller bilang mga trustee-in-trust para sa Simbahan, at kaagad silang nagsimulang magbenta ng lupa na pinangangalagaan noon ni Joseph para sa Simbahan. Nagsagawa rin si Emma ng mga pagsisikap upang masiguro ang mga ari-arian para protektahan siya at ang kanyang mga anak mula sa pagkakailit. Ang pagharap sa maraming teknikalidad at mga pag-angkin sa mga ari-arian ni Joseph Smith ay naging mahirap kapwa para sa mga miyembro ng pamilya Smith at mga lider ng Simbahan.

Noong 1850 ay isang abugado ng Estados Unidos ang nagsampa ng reklamo upang mangolekta ng bayad sa pagkakautang sa bapor sa pamamagitan ng pagbebenta ng lupa na bahagi ng mga ari-arian ni Joseph Smith. Ayon sa reklamo ng abogado, tulad ng kay Bennett maraming taon na ang nakararaan, si Joseph ay mapanlinlang na nagbigay ng lupain sa Simbahan. Ang hukom, gayunman, ay walang nakitang pandaraya. Binanggit niya sa halip ang batas ng Illinois na naglilimita sa laki ng lupa na maaaring ariin ng isang simbahan, tinutukoy na karamihan sa mga lupain na hawak noon ni Joseph bilang indibiduwal at bilang tagapangasiwa ng Simbahan ay maaaring ipagbili upang matugunan ang utang sa bapor. Inutos ng korte ang pagbebenta ng lupain at itinalaga ang isang espesyal na eksperto upang suriin ang mga ari-arian at mga titulo. Pumayag si Emma na isuko ang kanyang karapatan bilang balo ni Joseph sa isang panghabambuhay na ari-arian sa ikatlong bahagi ng kanyang lupain (nangangahulugan na maaari niyang tirhan o paupahan ang lupain ngunit hindi maaaring ibenta o ipamana ito sa kanyang mga anak) bilang kapalit ng ikaanim ng bahagi ng kikitain ng pagbebenta ng lupain. Isang komisyonado na itinalaga ng hukom ang nagsagawa ng tatlong subasta at pinangasiwaan ang pagbabayad ng mga utang noong 1851 at 1852, na epektibong nagwakas sa pagsasaayos ng ari-arian ni Joseph sa Illinois. Sa Ohio at Iowa, ang mga bagay ukol sa mga ari-arian ay nagpatuloy hanggang dekada ng 1860.

Mga Kaugnay na Paksa: Pagkamatay nina Joseph at Hyrum Smith; Nauvoo (Commerce), Illinois; Paghalili sa Pamunuan ng Simbahan; Pag-alis sa Nauvoo

Mga Tala

  1. “Volume 8 Introduction: Joseph Smith Documents from February through November 1841,” sa Brent M. Rogers, Mason K. Allred, Gerrit J. Dirkmaat, at Brett D. Dowdle, mga pat., Documents, Volume 8: February–November 1841. Tomo 8 ng Documents series ng The Joseph Smith Papers, pinamatnugutan nina Ronald K. Esplin, Matthew J. Grow, Matthew C. Godfrey, at R. Eric Smith (Salt Lake City: Church Historian’s Press, 2019), xxv.

  2. Rogers at iba pang mga pat., “Appointment as Trustee, 2 February 1841: Historical Introduction,” Documents, Volume 8, 4.

  3. An Act Concerning Religious Societies [1 Mar. 1835], The Public and General Statute Laws of the State of Illinois (Chicago: Stephen F. Gale, 1839), 559, sec. 1; Joseph I. Bentley, “Suffering Shipwreck and Bankruptcy in 1842 and Beyond,” sa Gordon A. Madsen, Jeffrey N. Walker, at John W. Welch, mga pat., Sustaining the Law: Joseph Smith’s Legal Encounters (Provo, Utah: BYU Studies, 2014), 326.

  4. Joseph Smith, “Deed to Emma Hale Smith, 13 June 1842,” josephsmithpapers.org; Bentley, “Suffering Shipwreck and Bankruptcy,” 315–20.

  5. Ang lupaing hawak sa pamamagitan ng trust ay karaniwang hindi maaaring magagamit sa pagbabayad ng mga utang sa kaso ng pagkalugi.

  6. Bentley, “Suffering Shipwreck and Bankruptcy,” 321–24.

  7. Tingnan sa Paksa: Mga Tangkang Pagpapabalik sa Missouri.

  8. Justin Butterfield, Letter to Charles B. Penrose, 13 Oct. 1842, Records of the Solicitor of the Treasury, Church History Library. Hindi malinaw kung tinanggap ng mga opisyal ng pamahalaan ang panukala ni Butterfield. Tingnan sa Bentley, “Suffering Shipwreck and Bankruptcy,” 323–24.

  9. Matthew J. Grow, Ronald K. Esplin, Mark Ashurst-McGee, Gerrit J. Dirkmaat, at Jeffrey D. Mahas, mga pat. Council of Fifty, Minutes, Marso 1844–Enero 1846. Tomo 1 ng Administrative Records series ng The Joseph Smith Papers, pinamatnugutan nina Ronald K. Esplin, Matthew J. Grow, at Matthew C. Godfrey (Salt Lake City: Church Historian’s Press, 2016), 482, tala 90.

  10. Tingnan sa mga Paksa: Paghalili sa Pamunuan ng Simbahan., Pag-alis mula sa Nauvoo. Tingnan mula sa Glen M. Leonard, Nauvoo: A Place of Peace, A People of Promise (Salt Lake City: Deseret Book, 2002), 558–62.

  11. Kinilala si Joseph Smith bilang tagapangalaga sa isa pang ari-arian, na nagdagdag ng kasalimuotan sa pagsasaayos ng sarili niyang mga ari-arian. (Gordon A. Madsen, “Joseph Smith as Guardian: The Lawrence Estate Case,” Journal of Mormon History, tomo 36, blg. 3 [Tag-init 2010], 172–211.)

  12. Para sa isang detalyadong pagsusuri sa kasong ito, tingnan sa Dallin H. Oaks at Joseph I. Bentley, “Joseph Smith and Legal Process: In the Wake of the Steamboat Nauvoo,Brigham Young University Studies, tomo 19, blg. 2 (Taglamig 1979), 192–99.

  13. Bentley, “Suffering Shipwreck and Bankruptcy,” 325–28.