Kasaysayan ng Simbahan
Unang Panguluhan


“Unang Panguluhan,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan

“Unang Panguluhan”

Unang Panguluhan

Nang inorganisa ni Joseph Smith ang Simbahan noong Abril 1830, siya ay itinalaga ng isang paghahayag na “isang tagakita, at Tagasalin, at Propeta, isang Apostol ni Jesucristo, isang Elder ng Simbahan.”1 Alinsunod dito, sinang-ayunan ng mga miyembro ng Simbahan si Joseph bilang unang elder at si Oliver Cowdery bilang pangalawang elder, na mga pinakaunang titulo para sa mga lider ng Simbahan. Noong Nobyembre 1831, itinatag ng isa pang paghahayag kay Joseph Smith ang opisina ng “pangulo ng mataas na pagkasaserdote.” Ang pangulong ito ay “magiging tulad ni Moises” at magiging “isang Tagakita, isang tagapaghayag, isang tagasalin, at isang propeta, nagkaroon ng lahat ng kaloob ng Diyos na kanyang ipinagkakaloob sa ulo ng simbahan.”2 Sa kumperensya noong Enero 25, 1832, si Joseph Smith ay hinirang bilang Pangulo ng mataas na pagkasaserdote.3

Mga anim na linggo matapos ang paghirang kay Joseph Smith, pumili siya ng dalawang lalaki—sina Jesse Gause at Sidney Rigdon—bilang kanyang mga tagapayo sa “ministeryo ng panguluhan ng mataas na Pagkasaserdote.”4 Nagpatuloy si Gause bilang tagapayo hanggang Disyembre 1832, nang siya ay itiniwalag sa Simbahan dahil sa di-tinukoy na mga dahilan.5 Noong Enero 1833, pinalitan ni Frederick G. Williams si Gause sa panguluhan.

Dalawang buwan matapos ang paghirang kay Williams, si Joseph Smith ay nakatanggap ng paghahayag na nagsasabing sina Rigdon at Williams ay “pantay” sa kanya “sa paghawak ng mga susi nitong Huling Kaharian.”6 Alinsunod dito, sa isang pagpupulong ng kapulungan ng mga mataas na saserdote sa Kirtland, Ohio, noong Marso 18, 1833, inorden ni Joseph sina Rigdon at Williams “na kapantay niya sa paghawak ng mga Susi ng Kaharian at gayon din sa Panguluhan ng mataas na Pagkasaserdote.”7 Ang tatlong lalaki ay tinukoy bilang panguluhan ng mataas na pagkasaserdote at kumilos sa ilalim ng pamamahala ni Joseph Smith. Itinuro ng isa pang paghahayag na, bilang panguluhan, sila ay may “awtoridad na mamuno … sa lahat ng Problema ng simbahan.”8

Nang itinatag ni Joseph Smith ang mga mataas na kapulungan sa Kirtland, Ohio, at Clay County, Missouri, noong 1834, ang bawat mataas na kapulungan ay may panguluhan. Ang panguluhan sa Kirtland ay binuo nina Joseph Smith, Sidney Rigdon at Frederick G. Williams, na mga miyembro ng panguluhan ng mataas na pagkasaserdote. Ang mga panguluhan sa Missouri ay binuo nina David Whitmer, William W. Phelps, at John Whitmer. Upang malaman ang pagkakaiba sa pagitan ng dalawang panguluhan ng mataas na pagkasaserdote, ang mga lider at miyembro ay nagsimulang tukuyin ang panguluhan ng mataas na pagkasaserdote bilang “Unang Panguluhan.” Ang unang nasusulat na pagbanggit sa katawan na kinikilala bilang Unang Panguluhan ay dumating sa isang paghahayag na inilathala noong 1835 sa Doktrina at mga Tipan.9

Bagamat ang isang tagubilin sa priesthood na ibinigay ni Joseph Smith noong 1835 ay nagsasaad na “tatlong namumunong mataas na saserdote” ang bumubuo ng “isang korum ng panguluhan ng simbahan,” may mga pagkakataon na higit sa tatlong tao ang nasa Unang Panguluhan.10 Noong Disyembre 1834, halimbawa, si Oliver Cowdery ay naordenan “sa tanggapan ng assistant President sa Mataas at Banal na Pagkasaserdote,” at kinabukasan, sina Hyrum Smith at Joseph Smith Sr. ay naorden “sa tanggapan ng Panguluhan ng mataas na pagkasaserdote.”11 Sina Brigham Young, David O. McKay, at Spencer W. Kimball ay nagkaroon din ng mahigit sa dalawang tagapayo sa panahon ng kanilang mga panguluhan.

Pagkatapos ng pagkamatay bilang martir ni Joseph Smith noong Hunyo 1844, ang Unang Panguluhan ay binuwag at ang pamunuan ng Simbahan ay napunta sa Korum ng Labindalawang Apostol, si Brigham Young bilang Pangulo.12 Noong Disyembre 27, 1847, mahigit dalawang taon pagkamatay ni Joseph Smith, inorganisa muli ni Brigham Young ang Unang Panguluhan, kasama sina Heber C. Kimball at Willard Richards bilang kanyang mga tagapayo. Gayundin, sina Pangulong John Taylor at Wilford Woodruff ay kapwa naghintay ng mahigit dalawang taon pagkatapos ng pagkamatay ng naunang pangulo sa kanila bago nila muling inorganisa ang Unang Panguluhan at pinamunuan ang Simbahan sa mga panahong ito bilang Pangulo ng Korum ng Labindalawa. Simula kay Lorenzo Snow noong 1898, karaniwang mabilis nang inoorganisang muli ng mga bagong Pangulo ng Simbahan ang Unang Panguluhan pagkamatay ng naunang propeta.