“Mga Patriarchal Blessing,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan
“Mga Patriarchal Blessing”
Mga Patriarchal Blessing
Inilalarawan ng Biblia at Aklat ni Mormon ang sinaunang mga patriarch na nagkaloob ng pamana sa kanilang mga inapo sa pamamagitan ng pagbabasbas sa kanila. Halimbawa, binasbasan ni Jacob ang kanyang mga apo na sina Ephraim at Manases ng espesyal na mana, at sa kanyang huling sandali, tinipon ni Lehi ang kanyang pamilya upang bigkasin ang mga pagpapala at nagpropesiya tungkol sa kanilang hinaharap.1 Tulad ng nakasaad sa paghahayag na ibinigay kay Joseph Smith, ang naunang mga Banal sa mga Huling Araw ay muling ginawa ang kaugalian sa Biblia ng pagbasbas sa kanilang mga anak, na kung minsan ay tinatawag ang mga ito na “mga patriarchal blessing.”2
Ibinigay ni Joseph Smith ang pagsasagawa ng sinaunang kaugalian na ito sa inordena na mga patriarch, na minsan ay tinatawag niyang “mga evangelical minister” at naatasan na magbigay ng mga basbas sa mga indibiduwal na wala nang ama o na ang ama ay hindi miyembro ng Simbahan. Itinuro niya na “ang pinakamatanda na nagtataglay ng Dugo ni Joseph o na inapo ni Abraham … ay dapat na maging isang patriarch para sa kapakinabangan ng inapo ng mga Banal tulad nang ibinigay ni Jacob ang kanyang patriarchal blessing sa kanyang mga Anak.”3 Ang pribilehiyong ito ay unang napunta kay Joseph Smith Sr., na inorden ni Joseph Smith bilang isang Patriarch sa Simbahan sa Kirtland, Ohio, noong Disyembre 1834.4 Sama-samang tinipon ni Joseph Sr. ang mga miyembro ng kanyang pamilya, binigkas ang mga basbas na nagpapahayag ng kanilang angkan na may tipan sa Sambahayan ng Israel, at nag-iwan ng espirituwal na mga mana na batay sa mga pangako ng tipan. Hindi nagtagal, nagsimula siyang magbigay ng mga basbas sa mga Banal sa mga Huling Araw na hindi niya kapamilya.5
Sa mga buwan bago inilaan ang Kirtland Temple, maraming Banal sa mga Huling Araw ang tumanggap ng mga patriarchal blessing. Nagdaos sila ng malalaking pulong kung saan ang mga tao ay tumanggap ng pagpapala mula kay Joseph Sr., at kanilang ipinagdiwang ang mga ganitong okasyon sa pamamagitan ng mga piging, musika, at pagbabahagi ng patotoo.6 Bagamat nabawasan ang pagdaraos ng mga pulong ng patriarchal blessing matapos ilaan ang templo, maraming mga Banal ang patuloy na nag-anyaya kay Joseph Sr. (at kalaunan, ang iba pang mga patriarch) sa kanilang tahanan para tumanggap ng espesyal na mga pagpapala.
Simula noong 1837, nagsimulang maordenan ang iba pang mga patriarch, at nagkaroon ng pagkakaiba sa pagitan ng Patriarch ng buong Simbahan at mga patriarch na itinalaga sa mga branch o stake.7 Pagkamatay ni Joseph Smith Sr., isang paghahayag ang nagtalaga kay Hyrum Smith na maging kasunod na Patriarch ng Simbahan “sa basbas at sa karapatan din,” na nagpatuloy ng namamanang pagkakasunud-sunod, na ang mga anak ni Joseph Sr. at kanilang mga inapo (na may napakakaunting eksepsiyon) ay naglingkod bilang mga Patriarch ng Simbahan hanggang si Elder Eldred G. Smith ay itinalagang emeritus na walang kahalili noong 1979.8 Ang pagtawag sa mga lokal na mga patriarch ay kasalukuyan pa ring ginagawa.
Noong 1835, nagsimula si Oliver Cowdery na magtala ng mga patriarchal blessing bilang tagasulat sa isang libro ng mga liham. Simula noon ay kinolekta at nagtabi na ang Simbahan ng mga patriarchal blessing.9 Isang pamamaraan na nabuo sa unang bahagi ng ika-20 siglo kung saan ang mga lokal na lider, kadalasan ay mga bishop, ay nagrerekomenda ng mga tao sa mga patriarch upang tumanggap ng pagpapala, at isinusumite ng mga patriarch ang mga basbas sa Simbahan. Patuloy ang pagsisikap na ito sa kabila ng malaking pag-unlad ng Simbahan at milyun-milyong ipinoproseso na mga patriarchal blessing. Noong 2015, ang Church History Library ay naglunsad ng isang website na nagbibigay-daan sa mga miyembro na makahiling ng mga kopya ng kanilang patriarchal blessing at kopya ng basbas ng yumao nilang mga direktang ninuno.