“Nauvoo Expositor,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan
“Nauvoo Expositor”
Nauvoo Expositor
Pagsapit ng Biyernes, Hunyo 7, 1844, ang mga hindi sumasang-ayon sa Simbahan ay inilathala ang kaisa-isang isyu ng pahayagan ng oposisyon na tinawag nilang Nauvoo Expositor. Ang mga tagapaglathala ay ang dating Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan na si William Law; ang kapatid ni Law na si Wilson; si Charles Ivins; sina Charles at Robert Foster; at sina Francis at Chauncey Higbee.1 Ang mga hindi sumasang-ayon na yaon, kung saan ilan sa kanila ay kamakailan lamang itiniwalag, ay inilathala ang Expositor upang lumikha ng kontrobersya ukol sa mga kaugalian at aral na kanilang lubos na tinututulan. Gamit ang nakakagalit na wika, ipinahiwatig nila ang kanilang kayamutan sa pagsasabuhay ng maramihang pag-aasawa, sa mga turo ni Joseph Smith tungkol sa katangian ng Diyos sa kanyang King Follett sermon kamakailan, at sa kanyang paghahalo ng panrelihiyon at panlipunang awtoridad sa Nauvoo.2
Noong Sabado, Hunyo 8, at noong sumunod na Lunes, Hunyo 10, ang Konseho ng Lunsod ng Nauvoo ay nagtipon upang makapagpasiya kung ano ang gagawin. Maraming mga kadahilanan kung kaya’t nadama na ng konseho na kailangan nitong kumilos. Ang pinakamahalaga, naranasan ng mga Banal ang karahasan sa Missouri at sa Ohio at, sa umiigting na tensyon sa Illinois, nag-alala ang mga miyembro ng konseho tungkol sa maaaring gawin ng Expositor upang udyukan ang karagdagang karahasan laban sa mga Banal at sa mga may-ari ng palimbagan.3 Bukod pa rito, sa kultura ng karangalan ng Amerika noong ika-19 na siglo, inaasahan ang mga kalalakihang tumugon sa mga pampublikong pag-atake sa kanilang pagkatao, isang panlipunang pamantayan na nagpahirap sa pagpapalagpas sa mga pang-iinsulto.4
Sa pahintulot ng konseho ng lunsod, inutusan ni Joseph Smith ang isang marshal, sa tulong ng Nauvoo Legion, na wasakin ang palimbagan. Noong Lunes ng gabi, Hunyo 10, ang marshal at ang kanyang pangkat ng humigit-kumulang 100 tao ay binaklas ang mga makinang panlimbag, ikinalat ang type, at sinunog ang mga natitirang kopya ng pahayagan.
May dahilan ang Konseho ng Lunsod ng Nauvoo upang maniwala na ang kanilang mga kilos ay legal. Ang Unang Pagsususog sa Konstitusyon ng Estados Unidos, na nagbabawal sa panghihimasok ng pamahalaan sa mga mamamahayag, ay nagagamit lamang ng pederal na pamahalaan, at hindi ng mga estado at lokal na pamahalaan, hanggang sa pagkakapasa ng Panglabing-apat na Pagsususog noong 1868. Sa mga pulong ng konseho, binanggit ni Joseph Smith kapwa ang legal na alinsunuran ng Amerika at ang komentaryo ni William Blackstone (isang maimpluwensyang pag-aaral sa karaniwang batas), na binigyang-kahulugan ang mga sources na ito na nagpapahintulot sa pagkawasak ng Expositor gamit ang kadahilang ito ay panganib sa publiko—isang bagay na nagdadala ng panganib sa kaligtasan at kapakanan ng lipunan. Habang ang pagkawasak ng palimbagan ay masasabing hindi pangkaraniwan sa Amerika noong ika-19 na siglo, maraming mga pagkakataon, kapwa bago at matapos ang panahong ito, ng mga panggigipit ng mga estado at lokal na pamahalaan sa hindi popular na mga pahayagan. Hanggang noong 1929, isang korte suprema ng estado ang inaprubahan ang pagsasara ng isang pahayagan na itinuturing na “panganib sa publiko” (subalit ito ay kalaunang pinawalang-bisa ng Korte Suprema ng Estados Unidos). Napagtanto ng mga mananaliksik na legal na kumilos ang Konseho ng Lunsod ng Nauvoo upang lipulin ang mga kopya ng pahayagan subalit maaaring lumampas sa karapatang ito sa pagsira mismo ng mga makinang panlimbag.5
Ang pagkawasak ng Expositor ang naging mitsa ng apoy ng pagtatalo. Sa kalapit na Warsaw, Illinois, isang nangungunang anti-Mormon na patungot ng pahayagan na nagngangalang Thomas Sharp ay sinamantala ang pagkakataong ito upang pakilusin ang mga mamamayan ng Hancock County laban sa mga Banal.6 Sa pagsisikap na hadlangan ang isang digmaang-sibil, ang gobernador ng Illinois na si Thomas Ford ay nirepaso ang mga legal na pangangatwiran ng Konseho ng Lunsod ng Nauvoo sa panunupil ng pahayagan at napagpasiyahan na si Joseph Smith ay kinakailangang sumailalim sa paglilitis sa Carthage, ang sentro ng pamahalaan ng county, sa paratang na “kaguluhan.”
Bagamat tinanggap niya ang pangako ni Ford ng proteksyon at sumang-ayon sa pagdakip, hindi nalitis si Joseph Smith upang ipagtanggol ang kanyang mga ginawa bilang alkalde. Nilusob ng mga mandurumog ang Piitan ng Carthage at pinaslang siya at ang kanyang kapatid na si Hyrum.
Mga Kaugnay na Paksa: Pagkamatay nina Joseph at Hyrum Smith, Mga Legal at Politikal na Institusyon sa Amerika, Hindi Pagsang-ayon sa Simbahan, King Follett Discourse, Si Joseph Smith at Ang Maramihang Pag-aasawa