“Joseph Smith Jr.,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan
“Joseph Smith Jr.”
Joseph Smith Jr.
Si Joseph Smith Jr. ang propetang nagtatag at unang Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Sa pagitan ng kanyang pagsilang sa isang maralitang pamilya sa Vermont noong 1805 at kanyang kamatayan sa mga kamay ng mga mandurumog sa Illinois noong 1844, naglathala si Joseph ng maraming sagradong teksto, nagtatag at nag-organisa ng mga lunsod, tumanggap ng mga paghahayag na nagpanumbalik ng mga mahahalagang katotohanan tungkol sa Diyos at sa sangkatauhan, at nagtatag ng ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo sa pamamagitan ng patnubay ng Panginoon at ayon sa awtoridad na natanggap niya mula sa mga sugong anghel.
Kabataan
Ang mga Smith ay nagkakaisang pamilya ng mga nangungupahang magsasaka kung saan ang kanilang mga pinansiyal na paghihirap ay naging dahilan ng kanilang madalas na paglipat. Nanirahan si Joseph sa limang magkakaibang bayan sa New England bago ang 1816, ang “taon na walang tag-init,” noong nagkakaroon ng hamog na nagyeyelo sa gabi. Pinaalis ng gutom ang kanyang pamilya mula sa rehiyon patungo sa isang bahagi ng hilagang New York na kilala, dahil sa taimtim na religious revivalism nito, bilang “burned over district.”
Bagama’t ang mga Smith ay matatapat at masisipag na mga tao, ang mga tala mula sa ilan sa kanilang mga kapitbahay ay nagmungkahi na hindi lubusang tinanggap ang pamilya sa kanilang bagong komunidad. Sa kanyang mga unang taon sa New York, ang tinedyer na si Joseph Smith ay napanatag ng pagkakaisa na nasaksihan niya sa kalikasan subalit nabahala sa mga hidwaan na nasaksihan niya sa mga tao, namangha sa kabutihan ng Diyos ngunit bigo sa kanyang sariling pagkukulang.
Humanga ang batang si Joseph sa Kristiyanismo ng Bagong Tipan, ngunit nalilito siya tungkol sa mga nagtutunggaliang simbahan sa kanyang panahon. Humingi ng tawad at hinangad na malaman kung aling simbahan ang sasapian, nagtungo si Joseph sa kakahuyan upang manalangin isang umaga noong tagsibol ng 1820. Sa isang kakahuyan malapit sa sakahan ng kanyang pamilya, nagkaroon siya ng isang mahimalang pangitain kung saan ang Diyos Ama at si Jesucristo ay nagpakita sa kanya sa isang haligi ng liwanag. Ang karanasang ito ay kalaunang nakilala bilang kanyang Unang Pangitain.
Pagtatatag ng Isang Simbahan
Itinuturing ng mga Banal sa mga Huling Araw ang Unang Pangitain bilang simula ng paghirang kay Joseph bilang propeta kahit na wala siyang ginawang pagtatangkang mangaral o magtipon ng mga bininyagan noong panahong iyon. Ang kanyang paghahanda na magtatag ng isang simbahan ay masigasig na nagsimula pagkaraan ng tatlong taon, nang nagpakita sa kanya isang gabi ang isang anghel na tinawag na Moroni at sinabi ang tungkol sa isang nakatagong talaan na naglalaman ng sagradong kasaysayan ng isang sinaunang sibilisasyon sa Amerika. Hindi nagtagal matapos maikasal si Joseph kay Emma Hale noong 1827, ang sugong anghel ay ipinagkatiwala kay Joseph ang mga talaang ito, na kanyang isinalin sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos. Nang matapos ang pagsasalin, inilathala ni Joseph ang Aklat ni Mormon, isang koleksyon ng sinaunang kasulatan na kahalintulad ng Biblia.
Mula sa simula, ang Aklat ni Mormon ay kapwa umakit ng mga bagong miyembro at nagbunsod ng matinding oposisyon. Hindi nagtagal ay humarap si Joseph sa mga kritiko ng relihiyon, na naniniwalang hindi katanggap-tanggap ang karagdagang banal na kasulatan, at ang mga rationalist na kritiko o mga taong ibinabase ang kanilang mga argumento sa katwiran at karunungan sa halip na sa relihiyosong pananampalataya, na nakikita ang mahimalang pagsasalin ng aklat bilang isang mapanganib na pamahiin. Ngunit marami pang iba ang lubos na naantig ng kanilang espirituwal na karanasan sa aklat at naging tapat sa mga turo nito.
Nang ang pagsasalin sa Aklat ni Mormon ay malapit nang matapos, inutusan ng Panginoon si Joseph Smith na pormal na magtatag ng simbahan. Ang simbahang ito, na itinatag noong Abril 6, 1830, ay batay sa Biblia, Aklat ni Mormon, patuloy na paghahayag, mga espirituwal na kaloob mula sa Diyos, at ang panunumbalik ng awtoridad ng sinaunang priesthood. Sa mga miyembro ng simbahan, mas marami ang nangyayari bukod sa simpleng pagtatatag ng isa pang simbahan: muling tinitipon ng Diyos ang ikinalat na Israel, tinutupad ang mga tipang ginawa mahabang panahon na ang nakalipas. Binigyang-inspirasyon ng mga propesiya ng Aklat ni Mormon tungkol sa mga katutubo ng Amerika, kaagad na nagpadala si Joseph ng apat na missionary sa isang 1,500 milyang paglalakbay upang mangaral sa mga nayon ng mga Indian sa kanluran ng Ilog Mississippi. Ang mga pagbibinyag habang naglalakbay ay humantong sa pagtatatag ng mga branch ng simbahan sa New York, Ohio, at Missouri.
Paghahayag
Si Joseph Smith, na 24 na taong gulang nang nabuo ang Simbahan at lubos na batid ang kanyang sariling mga limitasyon, ay madalas humingi ng banal na patnubay para sa bagong tatag na Simbahan at mga miyembro nito. Ang patnubay na natanggap niya ay itinala at kalaunang inilathala sa isang aklat ng mga paghahayag, na nakilala bilang Doktrina at mga Tipan. Itinuro ng mga paghahayag sa mga miyembro ng Simbahan na magtipon sa Kirtland, Ohio, at maghanda para sa pagtatayo ng isang lunsod na tinatawag na Sion sa kanlurang Missouri kung saan ang may “dalisay na puso” ay makakamtan ang kanlungan at kapayapaan. Ang Sion ay magiging mabuti: mawawala ang kahirapan at ang kabutihan ay magwawagi. Ang Sion ay magiging maganda rin: ang sining, edukasyon at relihiyon ay magkakasamang yayabong. Lumipat si Joseph sa Ohio, nagpakilala ng sistemang pangkabuhayan na nakabatay sa mga paghahayag na kanyang natanggap, at pagkatapos ay naglakbay patungong Missouri upang ilagak ang batong-panulok para sa unang naiplanong templo ng Simbahan.
Noong unang bahagi ng dekada ng 1830, ang mga paghahayag ng Panginoon kay Joseph Smith ay nagturo ng isang malawak na pananaw sa kaharian ng Diyos sa kabilang-buhay na taliwas sa tradisyonal na Kristiyanong paghahati ng langit at impiyerno; nagtatag ng isang Paaralan ng mga Propeta, para sa parehong espirituwal at sekular na edukasyon; at nagpasimula ng pangkalusugang gabay na tinatawag na “Word of Wisdom” na nangako rin ng espirituwal na pagpapala sa mga taong susunod rito. Sina Joseph at kanyang mga tagapayo ay bumuo rin ng isang plano para sa lunsod ng Sion, na nagkaroon ng malaking impluwensya sa mga kalaunang lunsod sa Kanlurang Amerika.
Ngunit ang kagalakan ni Joseph sa pagsisikap na matamo ang Sion ay sinamahan ng mga trahedya sa kanyang sariling buhay at sa komunidad. Apat sa unang limang anak nina Joseph at Emma ay namatay habang sanggol pa ang mga ito. At kapwa sa Ohio at Missouri, naging marahas ang mga masidhing oposisyon sa Simbahan. Sa Ohio, binuhusan ng mga kritiko ng alkitran at balahibo si Joseph. Sa Missouri, ang pagkamuhi sa paglago ng Simbahan, pati na rin ang takot sa simpatiya ng mga Mormon sa mga alipin at American Indian, ay humikayat sa mga mandurumog upang palayasin ang mga miyembro ng Simbahan mula sa Jackson County. Ang pagkawala ng nakaplanong lugar ng Sion ay masakit kay Joseph, na gumawa ng maraming pagtatangka upang ibalik ang mga Banal sa Missouri sa kanilang mga tahanan. Ang pulitikal na kaisipan ni Joseph ay hinubog ng pangako ng Saligang-batas ng Estados Unidos na poprotektahan ang mga minoryang relihiyon at sa kabiguan ng pamahalaan ng Amerika na ipatupad ang pangakong iyon.
Bagama’t ang mga miyembro ng Simbahan sa Missouri ay nanirahan sa mga pansamantalang lupa noong kalagitnaan ng dekada ng 1830, nagtuon si Joseph sa pagtatayo ng Simbahan sa Kirtland. Nag-ordena siya ng labindalawang apostol, naglathala ng isang koleksyon ng mga paghahayag ng Panginoon na ibinigay sa kanya, at tinapos at inilaan ang unang templo, o Bahay ng Panginoon. Ang kasaganaan ng espirituwal na paghahayag sa paglalaan ng templo ay kinabilangan ng isang pangitain kay Jesucristo at sa pagbabalik ng propetang si Elijah bilang katuparan ng propesiya sa Biblia.
Mga Krisis at Mga Kaguluhan
Ang mga gastusin sa pagtatayo ng templo, mga pagkalugi ng lupain at kabuhayan sa Missouri, at ang paglipat sa Kirtland ay nagdulot ng pinansyal na kahirapan sa Simbahan. Noong 1837, sina Joseph at ang iba pa ay nagtangkang isulong ang paglago ng ekonomiya sa pamamagitan ng paglulunsad ng isang institusyon sa pananalapi na may malawak na pangkat ng maliliit na kasosyo sa halip na ilang mayayamang mamumuhunan na karaniwang inaasahan ng karamihan ng mga bangko. Ang sigasig para sa proyekto ay mataas, ngunit ang institusyon ay kalaunang nabigo noong huling bahagi ng taong iyon habang nagaganap ang pambansang kaguluhan sa pananalapi, na nagpalugi kina Joseph at sa maraming tao sa komunidad.
Sa mahirap na panahong ito, ipinadala ni Joseph ang mga unang missionary na Banal sa mga Huling Araw sa Europa at inilipat ang punong-tanggapan ng Simbahan sa Missouri. Ngunit habang dumarami ang mga Banal na lumilipat doon, pinasidhi nila ang lokal na takot ukol sa impluwensya ng mga Mormon. Noong Araw ng Halalan noong 1838, ang mga mamamayan ng isang county sa Missouri ay gumamit ng dahas upang pigilan silang bumoto, at ang mga mamamayan ng isa pang county ay nagpasa ng resolusyon na paalisin ang mga naninirahan na Mormon. Ang malawakang karahasan laban sa mga Banal ay sumunod, at ang kanilang pagsisikap na ipagtanggol ang kanilang mga sarili ay ginamit upang pangatwiranan ang isang “utos na pagpuksa” ng gobernador ng Missouri.
Sa isang pagtatangkang makipag-ayos sa milisya ng estado, ikinulong si Joseph at mabilisang hinatulan ng kamatayan. Tanging ang prangkang pagtutol ng isang opisyal ng milisya laban sa pagpapatupad ng pagbitay ang nagligtas sa kanyang buhay. Bagama’t hindi binitay, si Joseph ay nanatiling nakakulong noong taglamig ng 1838–39 habang ang kanyang asawa, apat na maliliit pang mga anak, at mga miyembro ng Simbahan ay sapilitang pinaalis mula Missouri patawid sa nagyeyelong Ilog Mississippi. Ang kanyang tumatangis na liham noong Marso 1839 mula sa Piitan ng Liberty ay nananatiling maimpluwensya sa mga Banal sa mga Huling Araw dahil sa mga inspiradong turo nito tungkol sa paghihirap, kawalan ng katarungan, at ang katangian ng tunay na awtoridad.
Mga Bagong Turo sa Nauvoo
Noong 1839, maraming mambabatas sa Missouri ang nagsimulang magreklamo tungkol sa halaga ng aksyong militar laban sa komunidad ng mga Mormon at tinanong kung tama nga ba ang maramihang pag-aresto. Bagama’t nanatili ang ilang pampublikong pagdidiin upang isakdal si Joseph Smith, siya at ang karamihan sa iba pang mga bilanggong Mormon ay pinakawalan o pinahintulutang tumakas pagsapit ng Hulyo. Sumama si Joseph sa ilang mga miyembro ng Simbahan sa Illinois, naglingkod sa mga maysakit noong may epidemya ng malarya, at pagkatapos ay itinatag ang lunsod ng Nauvoo, na mabilis na lumaki nang ang mga nabinyagan mula sa kabilang dako ng Atlantiko ay nandayuhan upang makasama ang mga Banal mula sa Estados Unidos at Canada.
Sa Nauvoo, si Joseph ay nakibahagi sa mga libangan na tulad ng pakikipagbuno, pagsasayaw, at teatro—mga aktibidad na itinuturing na hindi angkop para sa isang ministro ng maraming kasalukuyang sekta ngunit patuloy na hinihikayat sa komunidad ng mga Banal sa mga Huling Araw bilang bahagi ng isang buhay na sagana at naka-sentro sa Diyos.
Ang mga katotohanan mula sa mga naunang paghahayag ni Joseph ay humantong sa mga turo at kaugalian na hindi palaging nakaayon sa mga inaasahan ng marami sa mga kapwa pinuno ng relihiyon ni Joseph Smith noong panahong iyon. Isang paghahayag noong 1833 ang nagturo na ang “tao rin sa simula ay kasama ng Diyos”; sa Nauvoo, itinuro ni Joseph na ang tao sa huli ay maaaring maging katulad ng Diyos. Tiniyak ng isang paghahayag noong 1836 kay Joseph na ang kanyang yumaong kapatid na si Alvin, na namatay nang hindi nabinyagan, ay makatatanggap pa rin ng lahat ng pagpapala ng binyag; sa Nauvoo, ipinanumbalik ni Joseph ang sinaunang kaugalian ng pagbibinyag para sa mga patay. Noong unang bahagi ng dekada ng 1830, ang paggawa ni Joseph ng inspiradong rebisyon sa aklat ng Genesis ay nagbunsod ng mga tanong tungkol sa maramihang pag-aasawa; sa Nauvoo, tumanggap siya ng paghahayag na nagpanumbalik sa pagsasabuhay ng maramihang pag-aasawa—isang makabuluhang impluwensiya sa buhay ng mga Mormon noong ika-19 na siglo—sa isang grupo ng mga 80 kalalakihan at kababaihan, kabilang ang Labindalawang Apostol.
Ang mga mahahalagang hakbang sa pag-organisa ng Simbahan ay naganap din sa Nauvoo. Nabigyang-inspirasyon si Joseph na magtatag ng isang samahan ng kababaihan na tinawag na Relief Society, itinuturo na ang organisasyon ay mahalaga sa gawain ng Panginoon. Ang kanyang asawang si Emma ang naglingkod bilang unang pangulo ng Relief Society. Matapos bumalik ang Labindalawang Apostol mula sa isang misyon sa Great Britain, binigyan sila ni Joseph ng mga mahahalagang responsibilidad na naghanda sa kanila sa hinaharap bilang mga lider sa Simbahan. Sa Nauvoo, itinuro ni Joseph na ang mga pamilya na ibinuklod sa lupa ay maaaring pagbubuklurin sa kawalang-hanggan sa langit sa pamamagitan ng mga tipan sa templo, inilalagay ang pamilya at ang templo sa sentro ng ipinanumbalik na Simbahan.
Ang kumbinasyon ng mga bagong turo ni Joseph at ng mga alalahanin ng ilan na siya ay masyadong maraming kapangyarihan sa pulitika sa lumalagong lunsod ay humantong sa ilang pagtiwalag ng ilang taong matataas ang katungkulan sa loob ng Simbahan pati na rin ang oposisyon mula sa mga maimpluwensiyang tao sa kalapit na mga bayan at panibagong pagtatangka ng mga awtoridad sa Missouri na siya ay hulihin o pabalikin sa Missouri. Sa mga huling taon ng kanyang buhay, paminsan-minsang nagtago si Joseph at kung minsan ay pinag-isipan ang paglipat sa mas malayong kanluran, patungo sa mas liblib na bahagi ng hangganan ng Amerika (o noon ay teritoryo ng Mexico sa Kanlurang Estados Unidos). Tatlong buwan bago ang kanyang kamatayan, bumuo si Joseph ng isang samahan na tinawag na Konseho ng Limampu, na naglalayong protektahan ang kalayaan sa relihiyon ng mga Banal sa mga Huling Araw at naglatag ng pundasyon para sa literal na kaharian ng Diyos sa lupa. Nagtrabaho si Joseph kasama ang mga miyembro ng konsehong ito para hanapin ang mga posibleng lugar na kanilang lilipatan.
Kamatayan
Noong tag-init ng 1844, ipinag-utos ng Konseho ng Lunsod ng Nauvoo ang pagwasak sa palimbagan ng Nauvoo Expositor, isang di-sumasangayon na pahayagan na kanilang pinaratangan ng libelo. Inaprubahan ng konseho ang desisyon, ngunit bilang alkalde ng Nauvoo, si Joseph Smith ang itinurong responsable rito. Ang pagkawasak ng palimbagan ay nagpagalit sa mga kaaway ni Joseph Smith, na kalaunan ay nagtulak sa kanila sa karahasan. Lumala ang pagdidiin ng mga kaaway kay Joseph kung kaya’t pinaharap siya sa paglilitis sa labas ng Nauvoo, at isang pahayagan ng lugar ang nagbanta ng digmaan ng pagpuksa kung tututol siyang iwan ang lunsod na karamihang binubuo ng mga Mormon. Kahit nag-aalala para sa kanyang sariling kaligtasan, sumang-ayon si Joseph na litisin sa kalapit na Carthage, Illinois.
Noong Hunyo 25, nagpaalam si Joseph sa kanyang pamilya. Ang kanyang panganay na anak na babae ay labintatlong gulang noong panahong iyon, at ang kanyang asawang si Emma ay limang buwang buntis sa kanilang bunso. Dalawang araw ang makalipas, sinugod ng mga mandurumog ang Piitan ng Carthage. Nakita sila ni Joseph Smith na pinatay ang kanyang kapatid na si Hyrum at siya mismo ay namatay matapos na binaril ng hindi bababa sa tatlong beses sa dibdib at likod. Siya ay 38 taong gulang.
Itinuturing ng mga pinakamaingay na kritiko ni Joseph ang pagpaslang bilang pangangailangan upang mapangalagaan ang mga lokal na paraan ng pamumuhay mula sa impluwensya ng isang hindi pamilyar na pananampalataya at inaasahan itong magbubunsod ng pagwawakas ng Simbahan na kanyang itinatag. Ang mga kapwa Banal sa mga Huling Araw ni Joseph, gayunman, ay itinuring si Joseph bilang martir na ibinuklod ang kanyang patotoo sa pamamagitan ng kanyang dugo, at kanilang pinangalagaan at pinatotohanan ang mga turo, ordenansa, at awtoridad na tinulungan niyang ipanumbalik.
Mga Kaugnay na Paksa: Mga Tala ng Unang Pangitain ni Joseph Smith, Pagsasalin ng Aklat ni Mormon, Pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia, Pamilya nina Joseph at Emma Hale Smith, Pamilya nina Joseph Sr. at Lucy Mack Smith, Si Joseph Smith at Ang Maramihang Pag-aasawa, Paglilitis kay Joseph Smith Noong 1826, Mga Propesiya ni Joseph Smith, Mga Paghahayag ni Joseph Smith, Ang Kampanya ni Joseph Smith noong 1844 Para sa Pagkapangulo ng Estados Unidos, Pagkamatay nina Joseph at Hyrum Smith, Emma Hale Smith, Operasyon sa Binti ni Joseph Smith