“Pagtitipid,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan
“Pagtitipid”
Pagtitipid
Sa nalalapit na pagtatapos ng paggawa ng transkontinental na riles ng tren sa Hilagang Amerika noong huling bahagi ng dekada ng 1860, ang mga lider ng Simbahan ay nangamba tungkol sa kung paano nito maiimpluwensiyahan ang mga pang-espirituwal at pang-ekonomiyang buhay ng mga Banal sa mga Huling Araw sa bagong tatag na Utah.1 Sa paglilibot sa mga pamayanan sa katimugang Utah, nagsimulang mag-alala si Brigham Young na ang ilang miyembro ng Simbahan ay nagwawaldas ng maraming pera sa mga luho, nagsasayang ng kakaunting mapagkukunan, at kinakalimutan ang mga pamantayan ng Sion. Ipinahayag niya ang kanyang alalahanin kay Mary Isabella Horne, na itinalaga niya para pamunuan ang pagsisikap sa “pagtitipid” upang hikayatin ang mga kababaihan na maging mas matipid sa pagkain at pananamit, magkaroon ng mapagkakakitaan sa tahanan, maghangad ng pansariling kakayahang pang-ekonomiya, at pasiglahin ang mga gawaing panrelihiyon.2 Partikular na tinutukoy ng salitang pagtitipid ang pagbabawas ng mga gastusin.3 Halimbawa, itinuro ng isang kilalang guro na si Catharine Beecher sa mga kabataang babae na huwag bumili ng mga bagay na hindi kailangan bilang bahagi ng pagpapanatili ng mainam na pananalapi sa sambahayan.4
Sa tulong ni Eliza R. Snow, itinatag ni Mary Isabella Horne ang Ladies’ Cooperative Retrenchment Society [Samahan ng mga Kababaihan na Nagtutulungan sa Pagtitipid] noong Pebrero 10, 1870. Nasa Lunsod ng Salt Lake ang punong-tanggapan ng organisasyon, ngunit nilibot ng mga babaeng lider ang Teritoryo ng Utah para turuan ang mga kababaihan tungkol sa mga alituntunin ng pagtitipid. Nakuha ng kilusan ang suporta ng pamayanan para sa mga pamantayan ng pagtitipid at iniugnay nito ang mga lokal na Relief Society ng mga ward sa buong lugar.5
Nanawagan din si Brigham Young sa kanyang mga anak na babae na magpakita ng magandang halimbawa ng pagtitipid para sa mga kabataang babae na Banal sa mga Huling Araw. Nagsulat si Eliza R. Snow ng mga resolusyon na nagsusulong ng istilo ng pananamit na simple at matipid. Ang mga anak na babae ni Young ay sumang-ayon na isabuhay ang mga resolusyong iyon at buuin ang Young Ladies’ Department of the Ladies’ Cooperative Retrenchment Association [Departamento ng mga Kabataang Babae ng Samahan ng mga Kababaihan na Nagtutulungan sa Pagtitipid].6 Nabuo ang iba pang mga grupo ng kabataan sa pagtitipid at pinamahalaan ang mga ito ng Senior Ladies’ Cooperative Retrenchment Association [Samahan ng mga Nakatatandang Kababaihan na Nagtutulungan sa Pagtitipid]. Sa loob ng ilang taon, ang Young Ladies’ Department ay humantong sa pagtatatag ng Young Ladies’ Mutual Improvement Association [Samahan ng mga Kabataang Babae na Nagtutulungan sa Pag-unlad], isang programa ng Simbahan para sa mga kabataang babae.7 Ang Senior Ladies’ Retrenchment Association ay nagpatuloy sa ilalim ng iba’t ibang pangalan hanggang noong mga 1904.8
Mga Kaugnay na Paksa: Brigham Young, Eliza R. Snow, Mga Pamayanan ng mga Pioneer, Riles ng Tren, Relief Society, Mga Organisasyon ng Young Women, Mga Organisasyon ng Young Men