Kasaysayan ng Simbahan
Primary


“Primary,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan

“Primary”

Primary

Noong unang bahagi ng 1878 ay nag-aalala si Aurelia Spencer Rogers tungkol sa suwail na ugali ng maraming kabataang lalaki sa kanyang komunidad ng Farmington, Utah. Bagama’t 44 na porsiyento ng populasyon sa Teritoryo ng Utah noon ay wala pa sa edad na 14, walang organisasyon ang Simbahan para sa mga bata.1 Bumuo si Rogers ng isang ideya para sa isang programa upang tulungan ang mga batang lalaki at ibinahagi ang kanyang mga ideya kina Eliza R. Snow at Emmeline B. Wells noong bumisita sila sa Lunsod ng Salt Lake. Ibinahagi ni Snow ang ideya kay Pangulong John Taylor, na nag-endorso ng plano ni Rogers. Sa isa pang liham, iminungkahi rin ni Rogers na isama rin ang mga batang babae sa programa. Inaprubahan ito ni Snow at ipinahayag ang kanyang pananalig na ang gawain ni Rogers ay may malalim na espirituwal na kahalagahan.

Noong Agosto 1878, si Aurelia Rogers ay itinalaga ng kanyang bishop bilang pangulo ng unang organisasyon ng Primary. Mahigit 200 mga batang edad 6 hanggang 14 ang dumalo sa unang pulong sa kapilya na yari sa bato sa Farmington.2 Ang konsepto ng Primary ay mabilis na kumalat habang sina Eliza R. Snow at iba pang babaeng lider mula sa Lunsod ng Salt Lake ay naglakbay sa kabuuan ng Teritoryo ng Utah, nakikipag-ugnayan sa mga bishop at mga pangulo ng Relief Society at Young Ladies Mutual Improvement Association upang isaayos ang mga samahan ng ward.

kapilya na yari sa bato sa Farmington, Utah

Kapilya na yari sa bato sa Farmington, Utah, kung saan ginanap ang unang pulong ng Primary.

Sa kagandahang-loob ng Church History Library and Archives

Noong Hunyo 1880 sa isang kumperensya ng Salt Lake Stake Relief Society, bumoto ang mga kababaihan upang sang-ayunan ang mga unang General Presidency ng mga samahan ng kababaihan. Iminungkahi ni Eliza R. Snow si Louie B. Felt “na namumuno sa lahat ng Primary Association ng lahat ng mga Stake ng Sion.”3 Hindi nagtagal ay sumunod ang mga organisasyon ng Stake Primary.

ang kauna-unahang panguluhan ng Primary sa Farmington Ward

si Aurelia Rogers (gitna) at kanyang mga tagapayo sa panguluhan ng Farmington Ward Primary.

Ang mga unang pulong ng Primary, na ginaganap kada linggo sa ilalim ng pamamahala ng mga lokal na pangulo ng Primary, ay kinabibilangan ng pagdarasal, pag-awit, pagbigkas ng tula, pagbabasa ng mga sanaysay, at pagsasagawa ng mga musikal na pagtatangahal. Madalas mag-aral ang mga bata sa Primary ng ebanghelyo sa pamamagitan ng paggamit ng mga katekismo—mga serye ng mga tanong at sagot na inaasahang isaulo ng mga estudyante.4 Madalas din silang magbasa ng mga halaw mula sa magasin ng Sunday School na Juvenile Instructor.5 Nang binisita ni Eliza R. Snow ang mga unang Primary, tinuruan niya ang mga bata ng mabuting pag-uugali, ikinuwento sa kanila ang mga kuwento mula sa buhay ni Joseph Smith, at madalas niyang ipinakita sa kanila ang gintong relo nito upang ibigay sa kanila ang malinaw na koneksyon sa mga unang araw ng Panunumbalik.6 Bukod pa sa pagtuturo ng ebanghelyo, inorganisa ng mga guro at lider ang mga aktibidad tulad ng sining at mga gawang-kamay, mga perya at palengke, mga pagdiriwang ng kanta at sayaw, mga drama at dula, mga proyekto sa paghahalaman, at mga aktibidad sa paglilingkod.7

Nang sumunod na siglo, dumami ang mga kasapi ng Primary mula sa daan-daang mga batang lumaki sa mga pamayanan sa Utah sa halos isang milyong bata sa buong mundo.8 Sa ilalim ng pamamahala ni Louie B. Felt, pinasimulan ng Primary ang pagsasanay para sa mga guro, nagtatag ng magkakahiwalay na klase para sa mga bata na batay sa edad, at noong 1902, sinimulang maglathala ng magasin na Children’s Friend .9 Noong 1913, ang edad kung kailan makukumpleto ng mga batang lalaki ang Primary ay ibinaba sa 12, na sinundan ng edad para sa mga batang babae na ibinaba sa 12 noong 1934.10 Noong 1922 ipinakilala ng Primary ang isang programa ng tagumpay na tinatawag na mga Seagull para sa mga batang edad 12–13 na dumadalo pa rin sa Primary. Ito ay ang una sa maraming programa ng tagumpay na itinataguyod ng Primary.11

Ang mga Primary sa mga mission ng Simbahan sa labas ng Estados Unidos ay sinuspinde noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Nang magsimulang manumbalik ang mga Primary sa Europa, dinaluhan ang mga ito ng maraming mga bata na hindi mga Banal sa mga Huling Araw dahil ang programa ay nagbibigay ng pagkakataon para sa pakikipagkaibigan at pinangasiwaan ang mga gawain sa mga bansa na nahihirapan matapos ang digmaan. Sa ilang pagkakataon, humantong ito sa pagbibinyag ng mga pamilya ng mga bata.12

Sa loob ng ilang dekada, ang Children’s Friend ay nagbigay ng mga materyal ng aralin para sa mga guro sa Primary, at noong 1949 pinangasiwaan ni Adele Cannon Howells ang paglikha ng unang opisyal na manwal ng aralin ng Primary.13 Noong 1952 ginamit ng Primary ang programang Cub na inaalok ng Boy Scouts of America bilang programang aktibidad para sa mga kabataang lalaki sa Estados Unidos. Ang ugnayan sa scouting program ay tumagal nang halos 70 taon.14

Nakasandig sa mga naunang pagsisikap upang magbigay ng sapat na pangangalaga sa kalusugan para sa mga bata na nangangailangan, nangalap ang Primary ng mga pondo upang magtayo ng Primary Children’s Hospital noong 1952. Ang mga miyembro ng panguluhan ng Primary ang nanguna sa lupon ng ospital, at ang pagpopondo para sa pangangalaga sa ospital ay ibinigay, sa bahagi, ng isang penny drive na pinamumunuan ng Primary.15

Noong 1980, pinagtibay ng mga lider ng Simbahan ang iskedyul ng pulong, ihinihinto ang junior Sunday School at inililipat ang mga pulong ng Primary mula sa kalagitnaan ng linggo sa araw ng Linggo, at ang mga lalaki ay hinirang sa unang pagkakataon upang maglingkod bilang mga guro sa Primary. Ang mga aktibidad para sa mga batang lalaki at babae ay patuloy na ginaganap sa mga araw na may pasok, ngunit ang dalas ng mga aktibidad ay nabawasan. Ang primary ay patuloy na gumaganap ng pangunahing papel sa pagsuporta ng Simbahan sa mga pamilya sa kanilang responsibilidad na ituro sa mga bata ang ebanghelyo.

Mga Tala

  1. Davis Bitton, “Zion’s Rowdies: Growing up on the Mormon Frontier,” Utah Historical Quarterly, tomo 50, blg. 2 (Tagsibol 1982), 184.

  2. Farmington Ward, Primary Association Minutes and Records, Aug. 11, 1878, Church History Library, Salt Lake City.

  3. “Salt Lake Stake Relief Society Conference,” Woman’s Exponent, tomo 9, blg. 3 (Hulyo 1, 1880), 21–22; Jill Mulvay Derr, Carol Cornwall Madsen, Kate Holbrook, at Matthew J. Grow, mga pat., The First Fifty Years of Relief Society: Key Documents in Latter-day Saint Women’s History (Salt Lake City: Church Historian’s Press, 2016), 467–472.

  4. RoseAnn Benson, “Primary Association Pioneers: An Early History,” sa David J. Whittaker at Arnold K. Garr, mga pat., A Firm Foundation: Church Organization and Administration (Provo: Religious Studies Center, Brigham Young University, 2011), 262–263.

  5. Conrad A. Harward, “A History of the Growth and Development of the Primary Association of the LDS Church from 1878 to 1928” (master’s thesis, Brigham Young University, 1976), 22.

  6. Jennifer Reeder, “Eliza R. Snow and the Prophet’s Gold Watch: Time Keeper as Relic,” Journal of Mormon History, tomo 31, blg. 1 (Tagsibol 2005), 119–41.

  7. Harward, “A History of the Growth and Development of the Primary Association,” 22. Tingnan din sa Carol Cornwall Madsen at Susan Staker Oman, Sisters and Little Saints: One Hundred Years of Primary (Salt Lake City: Deseret Book, 1979), 19–20, 56–57.

  8. Jill Mulvay Derr, “Sisters and Little Saints: One Hundred Years of Mormon Primaries,” sa Thomas G. Alexander, pat., The Mormon People: Their Character and Traditions (Provo, Utah: Brigham Young University, 1980), 80, 97.

  9. “Primary,” Encyclopedia of Mormonism, 4 tomo (New York: MacMillan, 1992), 3:1147.

  10. Harward, “A History of the Growth and Development of the Primary Association,” 137–50.

  11. Madsen at Oman, Sisters and Little Saints, 61–62.

  12. Madsen at Oman, Sisters and Little Saints, 125–26.

  13. Madsen at Oman, Sisters and Little Saints, 122–23.

  14. Madsen at Oman, Sisters and Little Saints, 136–37; Jason Swensen, “Church to End Relationship with Scouting; Announces New Activity Program for Children and Youth,” Church News, Mayo 8, 2018, ChurchofJesusChrist.org.

  15. Madsen at Oman, Sisters and Little Saints, 127–33. Ang ospital ay kalaunang inalis mula sa pag-aari ng Simbahan at ito na ngayon ang Primary Children’s Medical Center, kaanib ng University of Utah.