Indian Student Placement Program
Noong ikalawang bahagi ng ika-20 siglo, humigit-kumulang limampung libong batang Native American ang lumahok sa Indian Student Placement Program (ISPP), isang inisyatibong itinaguyod ng Simbahan kung saan ang mga miyembro ng Simbahan ay pinapatuloy sa kanilang tahanan ang mga mag-aaral na Indian na Banal sa mga Huling Araw sa kabuuan ng pasukan.1 Para sa mga kalahok na Native American Indian, nagbibigay ang programa ng mga oportunidad na pang-edukasyon at pang-espiritwal na dagdag sa makukuha noon sa mga reservation. Binigyan ng programa ng pagkakataon ang mga pamilya, na karamihan ay mga puting Banal sa mga Huling Araw, na makipagkapatiran at tumulong sa mga American Indian, na kanilang kinikilala noon bilang mga inapo ng mga Lamanita sa Aklat ni Mormon.
Itinatag ang ISPP matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, nagdulot ito sa maraming American Indian na maka-ugnayan ang dominanteng kultura at kinumbinsi ang maraming Native American Indian na mga lider at magulang sa halaga ng edukasyong Euro-American. Noong 1946, humigit-kumulang dalawang-katlo ng populasyong Navajo (Diné)—kung saan nagmula ang malaking porsyento ng mga kalahok ng ISPP—ang walang natatanggap na pormal na edukasyon. Kulang sa pondo ang mga Pederal na paaralang Indian at madalas ay hindi mapuntahan ng mga batang Native American dahil sa lokasyon ng mga ito. Ang mga magulang at mga opisyal ng tribo noong panahon matapos ang digmaan, na naghahanap ng mga paraan para mabawasan ang paghihirap sa kanilang mga komunidad, ay bukas sa mga bagong oportunidad sa edukasyon para sa umuusbong na henerasyon.2 Noong taong 1947, si Helen John, isang tinedyer na manggagawang Navajo sa Richfield, Utah, ay humiling at tumanggap ng pahintulot na manuluyan sa isang pamilyang Banal sa mga Huling Araw at mag-aral sa paaralan.3 Ang karanasan ni John ay nagsilbing huwaran para sa ibang kabataang Indian na hindi pormal na isinama sa mga pamilyang Banal sa mga Huling Araw noong mga sumunod na taon. Kung ihahambing sa mga pederal na paaralang dormitoryo para sa mga Indian, kung saan namamalagi ang mga Native Indian American sa kung minsan ay tila bartolinang pasilidad ng mga paaralan, ang umuusbong na pamamaraan ng mga Banal sa mga Huling Araw ay isang “outing program,” kung saan ang mga batang Native American Indian ay nakatira sa mga host family, nag-aaral sa mga lokal na paaralan, at kahalubilo ng nakapaligid na komunidad.4
Si Apostol Spencer W. Kimball ang naging pangunahing tagapamuno ng mga pagsisikap ng Simbahan noong ika-20 siglo upang mangaral sa mga mamamayang Native American at makapagbigay ng tulong edukasyon.5 Sa ilalim ng kanyang direksyon, ang ISPP ay naging isang opisyal na programa ng Simbahan noong 1954. Ang mga misyonero at lokal na lider ng Simbahan ay hinihikayat ang mga kabataang Native American na makilahok, habang ang mga lokal na lider ng priesthood naman ay nag-aanyaya ng mga host family. Umiral ang ISPP sa ilalim ng lisensyadong social services department ng Relief Society. Tiniyak ng mga case worker na ang mga aplikanteng Native American Indian ay hindi bababa sa walong taong gulang, nasa mabuting kalusugan, at bininyagang miyembro ng Simbahan. Tinitiyak din ng mga case worker na ang mga host family ay natutugunan ang mga kahilingang legal upang maging mga foster parent, kinumpirma rin na ang mga ito ay mga miyembro ng Simbahan na may magandang katayuan.6 Bagamat marami sa mga naunang kalahok ay mga batang Navajo at pinatira sa mga tahanan sa Utah, sa paglawak ng programa noong dekada ng 1960, ang mga mag-aaral na Native American mula sa maraming tribong bansa sa kabuuan ng Estados Unidos at Canada ay pinatira sa mga tahanan ng mga Banal sa mga Huling Araw sa Kanlurang bahagi ng Hilagang Amerika.7 Bukod sa pag-aaral sa paaralan, madalas sumali ang mga kalahok sa mga extracurricular, pang-simbahan, at iba pang social na aktibidad na naglalayong pagyamanin ang kanilang karanasan sa programa. Upang suportahan ang ISPP, pinairal ng Simbahan ang Indian Seminary Program para sa pagtuturong panrelihiyon.8
Magkahalong maganda at hindi maganda ang mga resulta ng ISPP. Ayon sa pag-aaral noong 1981, maraming kalahok ang umunlad, nagtapos sa mataas na paaralan at nag-aaral sa kolehiyo sa mas maraming bilang kung ihahambing sa mga Native American na hindi sumali sa programa, dahil sa kakulangan ng magagandang alternatibo sa edukasyon. Maraming nagtapos sa ISPP ay nag-aral sa Brigham Young University, na namamahala ng isa sa mga pinakamalaking programang pang-edukasyon para sa mga Native American sa Estados Unidos noong dekada ng 1970. Kasunod ng pagtatapos, marami sa mga kalahok ay pinanatili ang mataas na antas ng katapatan sa Simbahan, nakikilahok sa kanilang kongregasyon, nagbabayad ng ikapu, sumusunod sa Word of Wisdom, at nagpapakasal sa templo.9 Subalit natanto ng ilang kalahok na mahirap mag-angkop sa mga palagay sa lahi at integrationist ng ISPP. Bagamat hinihikayat ng programa ang mga kalahok nito na panatilihin ang regular na ugnayan sa kanilang mga pamilya at umuwi sa tag-araw, marami ang nakapansin na ang pagbibigay-prayoridad ng programa sa mga kaugaliang Kanluran ay inihihiwalay sila sa kanilang pamilya at kulturang Native American.10
Umabot sa rurok ang dami ng sumali sa ISPP nang mayroon itong limang libong kalahok noong 1970, kung saan maraming dahilan ang nagbunga sa mabagal ngunit patuloy na pagbaba nito. Sa labas ng Simbahan, ang mga katutubong aktibistang ay nagsimulang punahin ang ISPP bilang kasangkapan sa pananakop. Sa loob naman, sinimulan ng Simbahan na pasimplehin at gawing ayon sa pamantayan ang mga programa, kabilang na ang pagpapaikli at pagbabawas sa ISPP. Nagdulot ito ng mga hindi pagsang-ayon sa loob ng Simbahan.11 Kalaunan, ang mga legal at pinansyal na paghihigpit ay nagtulak na hindi na maaaring ipagpatuloy pa ang programa. Ang mga paghihigpit na ito at ang maraming pag-unlad sa mga paaralan sa mga reservation ay nagdulot sa mga lider ng Simbahan na mapagtantong dapat nang wakasan ang programa. Ang huling kalahok ng ISPP ay nagtapos sa mataas na paaralan noong taong 2000.
Mga Kaugnay na Paksa: Mga Native American, Pagkatao ng mga Lamanita, Spencer W. Kimball