“Mga Babaeng Pioneer at Medisina,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan
“Mga Babaeng Pioneer at Medisina”
Mga Babaeng Pioneer at Medisina
Madalas na nagtutulungan ang kababaihan noong ika-18 at ika-19 na siglo upang magbigay ng pangangalagang medikal. Ginagamot nila ang mga karaniwang karamdaman, sakit, at pinsala, tumutulong sa pagpapaanak, at nagbabahagi ng mga gamot na gawa sa bahay, kabilang na ang mga pamahid, pulot, mga tsaa, ungguwento, panapal, at mga benda.1 Sa panahon bago nakapagdulot ng matataas na antas ng tagumpay ang makabagong medisina, maraming tao ang walang tiwala sa mga doktor at umaasa sa mga halamang gamot at pananampalataya.2 Ang mga naunang Banal sa mga Huling Araw, tulad ng kanilang mga kasabay na Amerikano, ay bumuo ng mga di pormal na network para sa kalusugan sa loob ng kanilang mga komunidad, umaasa sa isa’t isa para sa pangangalagang medikal at para sa mga pagbabasbas at panalangin.
Sa Nauvoo, pinahalagahan ng mga lider ng Simbahan ang praktikal na karunungan, habag, at pananampalataya ng mga komadrona tulad nina Patty Sessions at Zina Huntington. Ang mga babaeng ito ay itinalaga bilang mga manggagamot upang magbigay ng pangangalaga, magpangasiwa ng mga gamot, turuan ang iba pang mga komadrona, at magsagawa ng mga basbas na nagpapagaling.3 Noong Hulyo 1851 itinatag ng kababaihan sa Utah ang Female Council of Health. Sinang-ayunan ng konseho ang komadrona na si Phoebe Angell, ang ina ng asawa ni Brigham Young na si Mary Ann Angell, bilang kanilang unang pangulo, kasama ang dalawang ibang komadrona bilang kanyang mga tagapayo. Itinalaga ng konsehong ito ang isang babae sa halos lahat ng 19 na ward ng lunsod “upang alagaan ang mga maralita.”4
Noong dekada ng 1870, matapos umunlad ang panggagamot pagkatapos ng Digmaang Sibil at matapos na ang riles ng tren ay mas malapit na naiugnay ang Utah sa ibang bahagi ng bansa, sinimulang pagnilayan ng mga lider ng Simbahan ang mga paraan upang makatatanggap ang mga Banal ng propesyonal na edukasyon sa silangang Estados Unidos. Noong panahong ito, nagkaroon na si Pangulong Brigham Young ng higit na tiwala sa siyensya ng medisina at nais na isama ito sa pagpapagaling sa pamamagitan ng pananampalataya.5 Humingi siya ng tulong kina Eliza R. Snow at sa Relief Society upang pangasiwaan ang pormal na pagsasanay ng mga kababaihan bilang manggagamot sa panahong iilang babaeng Amerikano lamang ang nakakatamasa ng gayong oportunidad sa edukasyon.6 Noong 1873 tinanong ni Snow ang kababaihan ng Relief Society sa Ogden, Utah, para sa mga boluntaryo: “Mayroon ba rito, ngayon, na mga babae na may sapat na ambisyon, at natatanto na kailangan ito, para sa kapakanan ng Sion, na sumailalim sa pag-aaral na ito[?]”7
Tumugon sa panawagan ang mga kababaihan. Noong 1877 si Romania Pratt ay naging unang babaeng Banal sa mga Huling Araw na nagtapos mula sa paaralan ng medisina noong panahong ang teorya ukol sa mikrobyo ay tumulong sa mga manggagamot na maging mas epektibo sa pagpigil at paglaban sa sakit.8 Iba pang mga babae ang sumunod sa halimbawa ni Romania, bumabalik sa kanilang tahanan matapos ang kanilang pag-aaral upang pagkatapos ay magturo sa mga klase sa obstetrics at pag-aalaga ng pamilya. Ang mga babaeng tulad ni Emma Liljenquist ng Hyrum, Utah, ay pormal na itinalaga bilang komadrona, kung saan ang kanilang magagastos sa pagsasanay ay binabayaran ng kanilang lokal na Relief Society.9 Noong 1882 ay itinatag ng Relief Society ang Deseret Hospital sa Lunsod ng Salt Lake, kung saan matatanggap ng mga pasyente ang panggagamot mula sa mga bihasang doktor pati na rin ang nakapagpapagaling na basbas.10 Habang patuloy na umuunlad ang siyensya ng medisina, ang mga Banal sa Utah, tulad ng kanilang mga kasabayang Amerikano, ay lalong bumabaling sa propesyonal na panggagamot.
Mga Kaugnay na Paksa: Pagpapagaling, Relief Society, Mga Akademya ng Simbahan