“Riles ng Tren,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan
“Riles ng Tren”
Riles ng Tren
Labing-apat na taon matapos unang makarating ang mga Banal sa mga Huling Araw sa Lambak ng Salt Lake, nagsimula ang Digmaang Sibil sa Amerika, at hinangad ng mga opisyal ng pamahalaan ng Estados Unidos na mapabuti ang kauumpisa pa lamang na imprastraktura ng tren ng bansa upang tumulong sa mga pagsisikap sa digmaan. Isang bagong batas ang lumikha ng biglaang pagtaas ng dami ng paggawa sa riles ng tren, na may mahigit 40.47 milyong ektarya ng pampublikong lupa na inialaok sa mga kumpanya upang latagan ng riles.1
Natakot ang maraming Banal sa mga Huling Araw sa Teritoryo ng Utah na ang mabilis na lumalawak na sistema ng riles ng tren ay magdudulot ng mga galit na tagalabas o mga makamundong impluwensya na maaaring gumambala sa panrelihiyon at pang-ekonomiyang buhay sa mga pamayanan. Subalit nakita rin ni Brigham Young kung paano magiging lubhang kapaki-pakinabang ang bagong pamamaraang ito ng transportasyon sa gawain ng Simbahan. Nilapitan ng mga tagapamahala ng mga kumpanya ng riles si Brigham Young noong 1868 tungkol sa pagtatayo ng isang linya ng riles na mag-uugnay sa silangang Estados Unidos sa baybayin ng Pasipiko—isang “transcontinental” na network. Itinaguyod ni Young ang riles ng tren na darating sa Utah na kasing-aga ng isang dekada bago iyon, at hinikayat niya ang mga Banal na mag-ambag sa pagtatayo nito. Lumagda siya ng mga kontrata sa mga kumpanyang Union Pacific at Central Pacific, na naglalaan ng kabuuang 5,000 tao upang tapusin ang mahigit 560 kilometro ng riles.2
Wala pang isang taon kalaunan, noong Mayo 10, 1869, ang huling suporta sa ilalim ng riles ay inilagay sa Promontory Summit sa hilagang Utah, na siyang opisyal na tumatapos sa transcontinental na riles ng tren. Pinasalamatan ng mga pangulo ng mga kumpanyang Union Pacific at Central Pacific ang mga Banal sa pagtulong na mapagtagumpayan ang mga huling balakid. Agad napakinabangan ang riles ng tren sa gawain ng Simbahan, at isang linggo pagkaraan, sinimulan ng mga manggagawang Banal sa mga Huling Araw ang pagtatayo ng isang dugtong na mag-uugnay ng transcontinental na linya sa Lunsod ng Salt Lake. Naging mas mainam ang paghahatid ng mga kalakal patungo at mula Utah. Isang karagdagang linya ng riles ng tren ang natapos noong 1871 na nagbigay-daan sa paghahatid ng mga bato mula sa Little Cottonwood Canyon patungo sa lugar ng Salt Lake Temple. Mas madaling nakapaglakbay ang mga missionary patungo at sa loob ng mga inatasang mission. Hindi na kinakailangan ng mga nandayuhang Banal na maglakbay patungong Utah sa grupo ng mga bagon o mga kariton, na siyang nagtatapos sa panahon ng paglalakbay sa lupa. Ang nangangailangan ng ilang buwang paglalakbay gamit ang mga bagon noong 1847 ay maaari nang magawa ngayon sa loob ng ilang araw sakay ng tren.