“Pagbubukod ng Lahi,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan (2022)
“Pagbubukod ng Lahi,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan
Pagbubukod ng Lahi
Noong siglo ng 1800, ang mga sistemang pang-aalipin ayon sa lahi na pinasimulan ng mga bansa sa Europa na ilang siglo nang isinasagawa ay sinimulan nang buwagin. Karamihan sa mga estadong nagkaroon ng bagong kasarinlan sa Espanyol na Amerika ay binuwag ang pang-aalipin sa pagitan ng 1830 at dekada ng 1850. Ipinagbawal ng mga mananakop na bansang Europeo ang pang-aalipin simula sa Inglatera noong 1833. Noong 1865, binuwag sa Estados Unidos ang pang-aalipin sa pamamagitan ng pagpapatibay ng ika-13 na Pagsususog sa Konstitusyon ng Estados Unidos. Sa kasamaang palad, nanatiling malawakan ang mga pagkiling base sa lahi na pinasimulan at pinagtibay ng pang-aalipin. Ang mga bagong batas at gawi ng pamumuhay ay ipinatupad sa maraming bahagi ng mundo para sa pagpapanatili ng paghihiwalay ng mga lahi at pag-iingat sa sosyal, ekonomiko, at pulitikal na kalamangan ng mga taong may lahing Europeo.1
Ang ilan sa mga bagong sistemang ito ay tahasan at lantaran. Halimbawa, ang mga batas ni Jim Crow na ipinatupad sa ilang bahagi ng Estados Unidos simula noong dekada ng 1870 ay ipinag-uutos, kasama ang iba pa, ang paghihiwalay ayon sa lahi ng mga pampublikong serbisyo at ang papapatupad ng mga pamantayan na humahadlang sa mga Itim na tao na isagawa ang kanilang karapatang bumoto o magpakasal sa hindi nila kalahi.2 Ang mga batas sa apartheid na ipinatupad naman sa South Africa sa pagitan ng 1900 at 1948 ay nagbawal din sa pagpapaksal sa pagitan ng hindi magkalahi, nilimitahan ang mga oportunidad sa hanapbuhay at pulitika, at lumikha ng hiwalay na mga lugar ng tirahan para sa mga Itim at puting taga-South Africa.3 Kahit na ang mga panlipunang kilusan tulad ng US civil rights movement noong dekada ng 1960 at ang pakikibaka laban sa apartheid sa South Africa ay nagtagumpay sa pagpapaalis ng mga legal na balakid na ito, mas maraming banayad na uri ng mga panlipunan at ekonomikong diskriminasyon ang madalas na nangyayari.
Ang mga organisasyong panrelihiyon ay tumugon sa iba’t ibang paraan sa mga realidad na ito. May ilang simbahan na pumapayag sa mga miyembrong Itim na dumalo ngunit sa hiwalay na upuan lamang. Sa ibang mga pagkakataon, naghihiwalay ang mga simbahan sa antas ng mga sekta.4 Halimbawa, noong huling bahagi ng ika-18 siglo, si Richard Allen, isang Itim na ministro, ay tumulong na itatag ang African Methodist Episcopal Church dahil sa mga paraan kung paano siya at iba pang mga Itim na Methodist ay nakaranas ng diskriminasyon sa ibang kongregasyong Methodist.5 Lumikha ng mahahalagang lugar para sa pagpapahayag at pagkakaisa ng mga Itim ang mga hiwalay na simbahang ito. Ang mga Itim na simbahan sa timog Estados Unidos ay naging mahahalagang kultural na institusyon at nakatulong sa mga pagsisikap ng mga tagapagtaguyod ng karapatang sibil na makamit ang mas malawak na pagkakapantay-pantay para sa mga Itim na Amerikano. Subalit nagdulot din ang segregasyon ng paglayo ng damdamin at pang-aabuso sa maraming Itim na mananampalataya.6
Ang Paghihiwalay ng Lahi at ang Simbahan
Walang naging sentral na polisiya ang Simbahan na nananawagan sa paghihiwalay ng lahi sa mga kongregasyon nito.7 Gayunpaman, sa pagitan ng huling bahagi ng ika-19 na siglo at gitnang bahagi ng ika-20 na siglo, ilang mga lokal na lider ang ipinapatupad kung minsan sa kanilang mga kongregasyon ang hiwalay na pagsamba ayon sa lahi, na karaniwang sumasalamin sa tanggap na kaugalian sa lipunan. Maraming miyembro ng Simbahan na hindi puti ang nagkaroon ng mga kaibigan at suporta sa komunidad ng Simbahan, ngunit ang makaranas ng hindi pagtanggap at hindi magandang pagtrato ng kanilang mga kapatid na puti ay naging hamon para sa marami na magpatuloy sa Simbahan.8 May mga ibang nakahanap ng mga paraan na magkaroon ng kapatiran sa loob ng mga lokal na kapaligiran.9 Halimbawa, sina Len at Mary Hope sa Ohio, Estados Unidos, at sina William Paul at Clara Daniels sa Cape Town, South Africa, ay nagdaos ng mga pagsamba sa kanilang mga tahanan sa tulong mga misyonero at mga lokal na lider ng mga branch upang matiyak na sila at kanilang mga pamilya ay busog sa espiritwal kahit na hindi sila tinatanggap ng ilang puting miyembro sa kanilang mga branch.10 Sa Utah, ang mga tapat na pioneer na Hawaiian ay nagtatag ng komunidad na tinatawag na Iosepa matapos makaranas ng diskriminasyon sa Lunsod ng Salt Lake.11 Sa El Paso, Texas, ang mga kabataang nagsasalita ng wikang Espanyol ay nagpakahusay sa dulaan ng simbahan at palakasan kahit sa mga taong hindi sila pinahintulutang makipaglaro sa mga kabataang puti sa mga rehiyonal na kompetisyon ng Simbahan.12
Isang pahayag noong 1978 ang nagwakas sa naunang restriksyon ng Simbahan sa ordenasyon sa priesthood at lubos na partisipasyon sa templo ng mga miyembro ng Simbahan na may lahing Itim na Aprikano.13 Ang pahayag na ito ay nagbunga ng paglago ng Simbahan sa Africa at iba pang bahagi ng mundo na may malalaking populasyon na may magkakaibang lahi. Nagbigay-diin ang paglago ng mga ito sa pangangailangan ng dagdag na pagkakaisa, pagmamahal, at paggalang sa mga miyembro ng Simbahan anuman ang pinagmulan.
Ang istruktura at organisasyon ng Simbahan ay humihikayat sa pagsasama ng mga lahi. Dumadalo sa mga miting ng Simbahan ang mga Banal sa mga Huling Araw ayon sa mga hangganang heograpiko ng kanilang mga lokal na ward, o kongregasyon, kung kaya ang kabuuan ng mga ward ng mga Banal sa mga Huling Araw ayon sa lahi, ekonomiko, at demograpikong komposisyon ay sumasalamin sa mas malawak na lokal na komunidad. Pinadali rin ng lay ministry ng Simbahan ang pagsasama ng mga lahi: ang isang Itim na bishop ay maaaring mamuno sa kongregasyong halos puro puti ang mga miyembro, at ang isang Hispanikong babae ay maaaring ipares sa isang Asyanong babae para bumisita sa tahanan ng mga miyembrong iba-iba ang mga lahi. Ang mga miyembro ng Simbahan ng iba’t ibang lahi at etniko ay regular na naglilingkod sa tahanan ng isa’t isa at naglilingkod bilang mga guro, bilang lider ng mga kabataan, at sa napakaraming iba pang mga tungkulin sa kanilang mga lokal na kongregasyon.
Patuloy na nahihirapan ang mga miyembro ng Simbahan sa pagkakaiba at hindi pagkakasundo ng mga lahi. Noong 2020, hiniling ni Pangulong Russell M. Nelson sa mga Banal sa mga Huling Araw na mas magsikap pa. “Kailangan nating pagyamanin ang pangunahing paggalang sa dignidad ng tao ng bawat kaluluwa anuman ang kanilang kulay, paniniwala, o ipinaglalaban,” itinuro niya. “At kailangang walang pagod tayong magtayo ng mga tulay ng pang-unawa sa halip na magtayo ng mga pader ng paghihiwalay.”14
Mga Kaugnay na Paksa: Pang-aalipin at Pagwawakas Nito, Restriksyon sa Priesthood at sa Templo