“Mga Legal at Politikal na Institusyon sa Amerika,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan
“Mga Legal at Politikal na Institusyon sa Amerika”
Mga Legal at Politikal na Institusyon sa Amerika
Napansin ng propeta sa Aklat ni Mormon na si Nephi na ang mga isinulat ni Isaias ay maaaring mahirap maunawaan nang walang kaalaman tungkol sa heograpiya at kasaysayan ng Jerusalem, ang kanyang bayan.1 Ang mga katotohanang itinuro ni Isaias ay may pandaigdigang kahalagahan ngunit may partikular na konteksto. Gayundin, ang naunang kasaysayan ng Simbahan ay naganap sa isang partikular na kontekstong politikal at heograpiko. Ang pag-unawa sa kontekstong ito ay nagpapadali sa pag-unawa sa marami sa mga kaganapan sa naunang kasaysayan ng Simbahan.
Sinaunang Amerika bilang isang Eksperimento
Sina Joseph Smith Sr., Lucy Mack Smith, at iba pang naunang mga Banal ay isinilang bilang mga mamamayang British sa kolonya nito sa Amerika. Sa napakahabang Digmaan ng Kasarinlan, ang mga dating kolonya ay pinangalanan ang sarili nilang Estados Unidos at pinagtibay ang isang demokratikong uri ng pamahalaan. Sa pagitan ng 1787 at 1789, ang mga kinatawan mula sa mga estado ay nagpulong at nagbalangkas ng isang Saligang Batas na nagbabalanse ng kapangyarihan sa pagitan ng iba’t ibang grupo: sa pagitan ng mga tao, ng iba’t ibang mga estado, at ng bagong pambansa, o “pederal,” na pamahalaan; at sa pagitan ng Kongreso, ng pangulo at kanyang gabinete, at ng mga hukumang pederal. Itinakda ng Konstitusyon na ang pangulo at karamihan sa mga miyembro ng Kongreso ay ihahalal, ngunit ang mga lalaki na may-ari ng ari-arian lamang ang pinayagang bumoto noong panahong iyon. Nililimitahan ng Konstitusyon ang pamahalaan na magtakda ng isang opisyal na relihiyon o humadlang sa malayang pamumuhay ng isang relihiyon. Sa pangkalahatan, ang pederal na pamahalaan ay mas mahina noon kaysa ngayon sa Estados Unidos, kung saan mas maraming karapatan ay iginawad sa mga estado at lokal na komunidad.
Ang sistema ng pamahalaan na itinatag sa Estados Unidos ay kakaiba at malawakang kinikilala bilang eksperimental. Maraming mga naunang miyembro ng Simbahan ay ipinanganak at namuhay sa panahong ito, hindi pa nagtatagal matapos ang pagkakatatag ng bansa. Halimbawa, nang sina Joseph Sr. at Lucy Mack Smith ay ikinasal, si George Washington ay naglilingkod bilang unang pangulo ng bansa. Nang matapos ang kanyang panunungkulan, dalawang nagtutunggaliang partidong pampulitika ang naging isang lalo pang mahalagang aspeto ng pulitika sa Amerika. Bukod pa rito, nagpatuloy ang mga makabuluhang katanungan tungkol sa praktikal na balanse ng kapangyarihan sa pagitan ng iba’t ibang sangay ng pamahalaan, ang mga papel ng pederal at estadong pamahalaan, at ang pagiging katanggap-tanggap ng mga komunidad na nilalampasan ang batas upang malutas ang mga pagtatalo sa pamamagitan ng vigilanteng aksyon.2 Nanatili rin ang mga tanong tungkol sa kung kakayanin ba ng Estados Unidos na panatilihin ang kalayaan nito, kung mananatiling nagkakaisa ang mga estado, kung paano makikipag-ugnayan ang bansa sa iba pang mga bansa, at kung paano titiyakin ng bagong itinatag na pamahalaan ang katatagan para sa madla at karapatan para sa mga grupong minorya sa loob ng isang sistemang dinidiktahan ng pamumuno ng karamihan.
Ang Simbahan Noon at ang Nagbabagong Sistema ng Amerika
Nang itinatag ang Simbahan noong 1830, ang politikal at legal na institusyon ng Estados Unidos ay patuloy pa ring nagbabago. Bagamat iginiit ng bagong bansa ang pagtatanggol sa kalayaan sa relihiyon, madalas hinahamon ng mga naunang Banal ang maraming kaisipang panrelihiyon ng karamihan sa mga Amerikano. Tila lalo itong totoo kapag ang mga Banal ay nagtipon sa iisang lugar at nagsimulang bumuo ng isang komunidad. Madalas na nag-alala ang mga kapitbahay nila sa impluwensiya ng maraming mga Banal sa mga Huling Araw sa mga lokal na halalan. Sa maraming pagkakataon, ang dedikasyon ng mga Banal sa kalayaan sa relihiyon sa harap ng patuloy na oposisyon ay sinubukan ang lakas ng mga legal at pulitikal na institusyon sa Amerika.
Sa New York at sa Ohio, ang mga kalaban ng Simbahan ay sinubukang gamitin ang korte at pang-uusig ng mga vigilante upang ligaligin ang mga Banal.3 Sa harap ng ganitong oposisyon, ang mga Banal ay naging dedikadong tagapagtaguyod ng kalayaan sa relihiyon at batas bilang angkop na paraan para sa mga akusado. Kahit na sila ay naaawa sa mga Banal, ang mga lokal na nagpapatupad ng batas at ang mga hukom ay minsang naramdaman na wala silang kapangyarihan na tulungan ang mga ito sa harap ng pag-uusig ng publiko.
Sa Missouri, ang panliligalig ay partikular na matindi.4 Noong 1833, ang mga mandurumog na binuo ng mga nangungunang lokal na mamamayan ay pinalayas ang mga Banal mula sa Jackson County (isang administratibong bahagi ng estado), kung saan nakatira ang mga ito. Matapos makatanggap si Joseph Smith ng paghahayag na kung saan ipinahayag ng Panginoon na “itinatag [niya] ang saligang batas ng Lupaing ito sa pamamagitan ng mga kamay ng mga matatalinong tao”, ang mga Banal ay nagsimula ng isang mahabang pagsisikap upang humingi sa pamahalaan ng tulong upang masiguro ang kanilang karapatan.5 Noong una ay nag-apela sila sa gobernador (o punong ehekutibo) ng estado. Gayunman, nahirapan ang mga Banal na matamo ang katarungan dahil maraming lokal na mamamayan, kabilang na ang mga boluntaryong milisya kung saan umaasa ang gobyerno ng estado upang mapanatili ang kaayusan, ay tinutulan sila. Ang mga Banal kalaunan ay nag-apela sa pangulo ng Estados Unidos na si Pangulong Martin Van Buren, ngunit dahil natatakot na mawala ang boto ng mga taga-Missouri, tumanggi siyang tulungan sila.
Noong 1844, nakaramdam ng kabiguan sina Joseph Smith at ang mga Banal sa kawalang kakayahan o hindi magiliw na pagtulong ng estado at pederal na pamahalaan upang protektahan ang kanilang mga karapatan. Nang ang mga pangunahing kandidato sa taong iyon ay ayaw mangako na ipagtatanggol ang kalayaan sa relihiyon at iba pang kalayaan ng mga Banal, nangampanya si Joseph Smith mismo para sa pagkapangulo ng Estados Unidos, ikinakampanya hindi lamang ang kalayaan sa relihiyon kundi maging iba pang mga layunin gaya ng unti-unting pagbuwag ng pang-aalipin, reporma sa bilangguan, at ang pambansang pagpapalawak ng teritoryo gagawin lamang kapag nagbigay ng pahintulot ang mga American Indian.6 Bago ang halalan, gayunman, si Joseph Smith ay pinaslang ng mga mandurumog matapos ang lokal na milisya, na naatasan upang bantayan ang piitan kung saan siya nanatili habang naghihintay ng paglilitis, ay nabigong protektahan siya.7
Ang Pandarayuhan Pakanluran, Kaguluhan, at Resolusyon
Pagkamatay ni Joseph Smith, pinangunahan ni Brigham Young at ng iba pang mga Apostol ang mga Banal pakanluran, palabas mula sa Estados Unidos at patungo sa noon ay teritoryo ng Mexico. Sa panahong ito, ang Estados Unidos ay kasalukuyang nakikipagdigmaan sa Mexico, at ang lugar kung saan nanirahan ang mga Banal ay dagliang naging isang teritoryo ng Estados Unidos na kinilala bilang Utah. Hindi tulad ng ibang estado, na kadalasan ay pinamamahalaan ang sarili, ang mga teritoryo ay nasa ilalim ng direktang kontrol ng pamahalaang pederal. Ito ay nangangahulugan na ang mga opisyal ng teritoryo tulad ng mga gobernador at mga hukom ay hinihirang ng pangulo, sa halip na inihahalal ng mga mamamayan.
Madalas umiral ang tensiyon sa pagitan ng mga Banal at pederal na pamahalaan. Itinalaga ng pangulo ng Estados Unidos si Brigham Young bilang unang gobernador ng Utah, ngunit nakatunggalian niya at ng mga Banal ang mga opisyal ng iba pang teritoryo. Noong 1857 at 1858, tila magkakaroon na ng digmaan sa pagitan ng mga Banal at pamahalaang pederal matapos magpadala ang pangulo ng isang hukbo papuntang Utah upang buwagin ang isang iniulat na rebelyon at magtakda ng bagong gobernador upang palitan si Brigham Young. Nagkaroon muli ng tensiyon matapos ng gumawa ang pamahalaan ng Estados Unidos ng pambatasang aksyon laban sa maramihang pag-aasawa noong dekada ng 1860. Noong mga dekada ng 1870 at 1880, ang mga kababaihang Mormon sa partikular ay naging aktibo sa politikal na pagsalungat sa mga batas laban sa maramihang pag-aasawa at naging kabilang sa unang mga kababaihan sa Estados Unidos at sa buong mundo na nagkaroon ng karapatang bumoto.
Tulad ng paghahangad ng mga Banal ng katarungan mula sa estado at pederal na mga tagapangasiwa pagdating sa mga pag-uusig sa Missouri, sila ay naghangad ng proteksyon mula sa sistema ng korte sa Amerika, iginigiit na sila ay may karapatan na magpatuloy sa maramihang pag-aasawa bilang pagsasabuhay ng relihiyon. Matapos tanggihan ng Korte Suprema ng Estados Unidos ang kanilang mga argumento noong 1879, sibil na sumuway ang mga miyembro ng Simbahan, iginigiit na ang pagsunod sa mga batas ng Diyos ay mas mahalaga kaysa pagsunod sa mga batas na hindi makatarungan. Habang patuloy na nadagdagan ang agresibong mga aksyon ng pederal na pamahalaan upang parusahan ang mga Banal sa mga Huling Araw na nagsasagawa ng maramihang pag-aasawa, naghangad ang mga lider ng Simbahan ng paghahayag kung paano pagkakasunduin ang hinihingi ng kanilang mga gawaing panrelihiyon sa batas ng bansa. Nagdasal at nakatanggap ng sagot sa pamamagitan ng paghahayag ang Pangulo ng Simbahan na si Wilford Woodruff noong 1890, na nagtulot sa Simbahan na tapusin ang maramihang pag-aasawa.
Noong 1896, naging estado ang Utah, na nagtulot sa karamihan sa mga Banal sa mga Huling Araw na kalalakihan at kababaihan na mas aktibong makilahok sa sibikong pamumuhay sa Amerika. Bagamat nagpatuloy ang ilang pagsalungat sa paglahok ng mga Banal sa pulitika, noong 1908, pinagtibay ng isang komite sa kongreso ang paghirang kay Reed Smoot, isang miyembro ng Korum ng Labindalawa, sa Senado ng Estados Unidos. Mula noon, ang mga Banal sa mga Huling Araw ay aktibong lumahok sa pulitika sa Amerika, kapwa bilang mga botante at inihalal na mga opisyal. Nagpapanatili ng walang kinakampihan na posisyon sa politikal na partido ng Amerika ang Simbahan ngunit may karapatang gumawa ng mga pahayag tungkol sa mga bagay na may kaugnayan sa moralidad.