Kasaysayan ng Simbahan
Correlation


“Correlation,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan (2022)

“Correlation,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan

Correlation

Sa loob ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, responsibilidad ng Correlation Department na tiyakin na lahat ng gawain ay nakaayon sa doktrina ni Jesucristo at mga inspiradong patakaran ng Simbahan. Nabuo ang departamentong ito mula sa repormang naganap sa Simbahan noong ika-20 siglo na pinamunuan ni Pangulong Joseph F. Smith, na nakatutok sa pagpapasimple at sa sentralisasyon ng gawain sa mga organisasyon ng Simbahan.

Noong ika-19 na siglo, maraming organisasyon ng Simbahan, kabilang na ang mga Sunday School, mga grupo ng mga kabataan, at mga organisasyon ng mga bata, ang nagsimula sa lokal na antas. Nadama na kailangan ang mga ito sa kanilang mga komunidad, maraming miyembro ng Simbahan ang bumuo ng mga samahan at serbisyo na kahawig ng sa mga korum, ward, at stake ngunit masasabing hiwalay sa mga ito. Sa pagtatapos ng siglo, maraming organisasyon, korum, at mission ng Simbahan ang gumagawa ng kanilang sariling mga materyal sa pagtuturo na nagbunga sa maraming magkakaibang babasahin.1 Kinilala ng Pangulo ng Simbahan na si Joseph F. Smith ang pangangailangang mag-“correlate” ng magkakaibang programang auxillary upang maging iisang kurikulum ang mga ito, na siyang maghihiwalay sa mga haka-haka mula sa mga opisyal na turo at magtitiyak ng pagkakapare-pareho sa mga mensahe ng Simbahan.

Nagsimula ang correlation na ito bilang serye ng mga komiteng ad hoc. Noong 1908, itinalaga ni Pangulong Smith si Elder David O. McKay na noon ay miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol bilang pinuno ng bagong General Priesthood Committee on Outlines na may tungkuling buuin ang kurikulum para sa mga korum ng priesthood.2 Sa sumunod na apat na taon, naglathala ang komite ng maraming aklat ng pagtuturo para sa bawat korum ng Aaronic at Melchizedek Priesthood. Kabilang ang pinagsama-samang pagsisikap sa pagsasanay, tumulong ang mga aklat na ito na pasimplehin ang mga proseso ng ordinasyon at pagdalo sa korum. Noong 1912, isa pang Correlation Committee ang binuo upang organisahin ang mga lider ng auxiliary at pagtugmain ang kanilang mga gawain. Halos agad na dumami ang bilang ng mga dumalo at nagkaroon ang mga lider ng korum ng dagdag na kalinawan at suporta sa kanilang mga katungkulan. Noong 1918, nag-organisa si Pangulong Smith ng bagong paiiraling Correlation Committee, kung saan si Elder McKay muli ang mamumuno.

Pagsapit ng dekada ng 1940, ang paglago ng Simbahan sa Utah at sa buong mundo ay nagtulak sa mga lider na pag-isahin ang mga materyal at aktibidad, at bumuo ang Unang Panguluhan ng maraming organisasyon upang tugunan ang mga pangangailangang ito. Noong 1940, itinatag ng Unang Panguluhan ang Union Board of the Auxiliaries na binubuo ng mga pangkalahatang lider ng bawat organisasyon ng Simbahan, at inatasan silang bumuo ng mga pamantayang materyal para sa kurikulum. Noong 1944, binuo ng Unang Panguluhan ang mga komite para pamahalaan at suriin ang mga babasahing inilalathala ng Simbahan.

Noong 1947, nagpagawa ang Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawa ng isang apostolikong pagrerepaso ng lahat ng mga korum ng Melchizedek Priesthood at mga organisasyon ng auxiliary na pinangungunahan ni Elder Harold B. Lee. Itinalaga silang bawasan ang pagkakapareho sa organisasyon at pagtitiyak na lahat ng mga organisasyon ng Simbahan ay pinamamahalaan nang may patnubay ng priesthood.3 Bumuo ng maraming panukala ang komiteng ito na pinag-aralan ng Unang Panguluhan ngunit hindi muna ipinatupad noong panahong iyon.4 Sa loob ng ilang taon ay patuloy si Elder Lee sa pagtataguyod ng mas malaking correlation at pagpapalakas ng pamilya sa pamamagitan ng priesthood, at noong 1961 ay ipinatupad ng Unang Panguluhan ang Priesthood Correlation Program.5

Sa ilalim ng programang ito, ang responsibilidad ng priesthood ay sasailalim sa apat na kategorya: gawaing misyonero, talaangkanan [genealogy], welfare, at home teaching. Inorganisa ang mga pangkalahatang komite para sa bawat kategorya, at ang mga lokal na komite ng priesthood ay binuo naman sa mga ward. Ang Priesthood Bulletin, isang pahayagan para sa lahat ng mga lider ng priesthood, ay inilunsad noong 1965, na may tagubiling binuo ng iba’t ibang correlation committee, Korum ng Labindalawa, at Unang Panguluhan. Gayunpaman, ang pagtitiyak ng kahusayan sa loob ng lumalaking mga organisasyon ng Simbahan ay malaking hamon para sa mga namamahala ng programa.6

Sa panahong iyon, ang mga senior na lider ng Simbahan ay binabalikat ang napakaraming gawaing pang-administratibo na sinimulan nilang hatiin at italaga sa pamamagitan ng mga correlation channel. Ang mga third-party consultant noong 1971 ay nagbigay ng mga pagrerepaso sa pamamahala na nagsaad na marami sa mga prosesong pang-administratibo ay labis na pasanin sa mga General Authority at nagbigay ng payo ang mga consultant na ito kung aling mga trabaho ang maaaring ipasa sa mga full-time na propesyonal na tagapamahala. Ang paglikha ng mga bagong departamento sa Simbahan ay nagbunga hindi lamang ng kahusayan sa paglilingkod kundi pati ang patuloy na pangangailangan para sa isang central clearinghouse para sa panloob na komunikasyon. Sa unang bahagi ng dekada ng 1970, ang orihinal na ideya ng mga lathalain ng mga correlating organization ay naging pangunahing gawain ng Internal Communications Department, na hindi nagtagal ay isinama sa iba pang mga pangkat ng mga kawani sa Correlation Department. Sa pagsapit ng dekada ng 1980, nirerepaso ng departamentong ito ang lahat ng komunikasyon sa loob ng Simbahan.7

Simula noong mga dekada ng 1970 at 1980, pinamunuan ang Correlation Department ng isang ehekutibong komite ng mga General Authority at General Officer at tinutulungan ng ilang propesyonal na kawani. Ang Correlation Committee ng Simbahan, na binubuo ng Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol, ang nangangasiwa at nagpapahintulot sa mga gawain ng departamentong ito. Sa panahong ito, nakaranas ang Simbahan ng mabilis na pagdami ng mga miyembro, na nagdulot ng malawakang pagtatatag ng mga stake sa buong mundo. Bukod sa marami pang bagay, pinagsikapan ng ehekutibong komite na gawing kakaunti lamang ang mga pagkakaiba sa mga gawain sa kabuuan ng lumalaking Simbahan. Binigyang-diin ng mga programa at aktibidad ng Simbahan ang kahalagahan ng tahanan at pamilya at mas lalong pinamamahalaan ng mga lider ng priesthood.8

Sa paglago ng Simbahan sa ika-21 na siglo at sa pagdala ng teknolohiya ng mga bagong oportunidad para sa gawaing misyonero, kasaysayan ng pamilya, edukasyon, at komunikasyon, pinalawak ang Correlation Department upang isama ang iba’t ibang dibisyon. Isinasagawa ng mga dibisyong ito ang gawain ng pagrepaso ng lahat ng mga lathalain at intelektwal na pag-aari ng Simbahan, pagpapabuti ng pagpaplano at mga proseso, at pagsasagawa ng mga panloob na pananaliksik. Ang gawain ng correlation ay umabot sa labas ng punong-tanggapan ng Simbahan upang isama ang mga Area Presidency sa buong mundo. Ang mga gayong paglago ay idinisenyo upang tulungan ang Simbahan sa buong mundo na makamit ang pagkakaisa sa gitna ng lumalaking pagkakaiba sa wika at kultura.

Mga Kaugnay na Paksa: Punong Tanggapan ng Simbahan

  1. Michael A. Goodman, “Correlation: The Early Years,” sa David J. Whittaker at Arnold K. Garr, mga pat., A Firm Foundation: Church Organization and Administration (Provo: Religious Studies Center, 2011), 322–23; tingnan sa Mga Paksa: Relief Society, Mga Organisasyon ng Young Women, Mga Organisasyon ng Young Men, Primary, Sunday School, Mga Korum ng Pitumpu.

  2. Goodman, “The Early Years,” 324–25.

  3. Goodman, “The Early Years,” 331–34.

  4. Goodman, “The Early Years,” 334.

  5. Michael A. Goodman, “Correlation: The Turning Point (1960s),” sa Scott C. Esplin at Kenneth L. Alford, mga pat., Salt Lake City: The Place Which God Prepared (Provo: Religious Studies Center, 2011), 259, 263.

  6. James B. Allen at Glen M. Leonard, “Correlating the International Church, 1960–1973,” sa The Story of the Latter-day Saints, ika-2 ed. (Salt Lake City: Deseret Book, 1992), 596–99.

  7. Allen at Leonard, “Correlating the International Church,” 603–4.

  8. Allen at Leonard, “Correlating the International Church,” 606–9.