“Mga Awakening at Revival,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan
“Mga Awakening at Revival”
Mga Awakening at Revival
Noong mga 1829, ang 13 taong gulang na si Nancy Alexander ay dumalo sa isang malaking pulong ng mga Methodist. “Sinakop nila ang higit sa isang acre ng lupa gamit ang kanilang mga tolda,” naalala niya, at “isinagawa ang kanilang mga pagpupulong nang ilang araw at nagkaroon ng maraming bagong miyembro.” Sa loob ng mga pagpupulong, inanyayahan siya ng isang ministro na umupo sa “anxious seat,” kung saan siya at ang iba ay tatanggap ng panghihikayat mula sa buong kongregasyon na ihandog ang kanilang mga buhay kay Cristo. “Hindi ko nakuha ang pagbabagong iyon ng puso,” pag-amin niya. Ang mga taong nakatanggap ay sumigaw ng, “Aleluya sa Kaluwalhatian, mayroon na akong relihiyon,” paggunita niya, “pero hindi ko nadama ang kaibhan.”
Dumalo rin si Joseph Smith sa mga revival meeting noong binatilyo pa siya, at tulad ni Nancy, nais niyang “makadama &at sumigaw na tulad ng Iba” ngunit siya ay “walang maramdaman” na ganoon. Ang pakikibaka ng mga naghahanap tulad nina Nancy at Joseph na “tumanggap ng relihiyon” at ng mga pastor o mangangaral na umaasam na makatipon ng mga bagong miyembro at palakasin ang kanilang mga simbahan ang nagtulak sa mga pangrelihiyong revival na nagkalat sa hilagang-silangang Estados Unidos noong mga unang dekada ng 1800.1
Ang American Revolution ay nagdulot ng bagong pamahalaan, isa na naatasang protektahan ang kalayaan sa relihiyon. Kasabay nito, nakita ng mga ministro ang kanilang mga kongregasyon ay hindi na nadaragdagan, at ang mga dumadalo sa simbahan ay bumaba nang higit sa 20 porsiyento sa karamihan ng mga estado. Bilang tugon, marami sa mga pastor mula sa maraming simbahan ang humikayat sa kanilang mga parokyano upang magpalakas ng pananampalataya. Ang mga simbahan na dating suportado ng gobyerno ay nawalan ng mga posisyong may pribilehiyo, na siyang nagbigay-daan para sa mga mangangaral mula sa iba’t-ibang simbahan na agresibong humanap ng mga bagong miyembro. Ang pagkalat ng mga revival—na siyang kalaunang tinawag ng mga mananalaysay bilang Ikalawang Great Awakening—ay nagbigay-inspirasyon sa maraming Amerikanong Protestante na sumubok ng iba‘t-ibang sekta, magboluntaryo sa mga panlipunang programa, at itaguyod ang kanilang mga paniniwala bilang Kristiyano.2
Ang diwa ng awakening ay nagbigay ng panibagong lakas sa mga kalalakihan at kababaihan ng lahat ng lahi at mula sa lahat ng antas ng lipunan. Isinagawa ng mga grupo tulad ng mga Episcopalian, Congregationalist, at Presbyterian ang mas nakabalangkas na pagsamba. Ang kanilang mga revival ay karaniwang binubuo ng mga pormal na sermon at pangangaral kapag Linggo, kung saan ang kanilang mga ministro ay pinapa-igting ang kanilang mga mensahe upang pukawin ang mga parokyano sa mas malakas na debosyon. Sa kabilang banda, ang mga Metodista at Baptist ay sinuyod ang kanayunan, nagdaraos ng mga klase at pagsamba. Habang ang kanilang mga paglalakbay para sa pangangaral ay patuloy na umaabot sa mga mas liblib at malalayong lugar, marami sa mga manlalakbay na ito ay naging bantog sa kanilang katapangan na harapin ang mga panganib upang ihatid ang ebanghelyo sa mga liblib na lugar. Sa maraming mga kabukiran, ang mga pangangaral ay nagtatampok ng magdamag na pagpupulong sa mga camp na nakakaakit ng maraming tao sa loob ng ilang mga araw.
Ang personal na pagbabalik-loob, ang tanda ng pangangaral na revivalist, ay pumukaw ng interes ng mga naghahanap ng relihiyon na hindi nasisiyahan sa mga dominanteng simbahan ng panahong iyon. Ang mga kuwento ng pagbabalik-loob ay nagbigay-diin sa nahatulang budhi, isang pagtatanto na ang Diyos ay may-katwiran sa pagtataboy ng kaluluwa ng tao patungo sa impiyerno, at isang malalim na patotoo na ang biyaya ni Cristo ay pumarito upang magligtas. Habang ang mga kaibigan at kapitbahay ay nagpatotoo sa gayong mga karanasan, tumaas ang interes at aktibidad sa mga simbahan at mga grupong nagsusulong ng reporma o pagbabago.
Mga Kaugnay na Paksa: Mga Simbahang Kristyano noong Panahon ni Joseph Smith, Mga Paniniwalang Panrelihiyon noong Panahon ni Joseph Smith, Mga Tala ng Unang Pangitain ni Joseph Smith