“United Firm o Nagkakaisang Samahan (“Nagkakaisang Orden”),” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan
“United Firm o Nagkakaisang Samahan (“Nagkakaisang Orden”)”
United Firm o Nagkakaisang Samahan (“Nagkakaisang Orden”)
Ang United Firm ay isang administratibong organisasyon na nangangasiwa sa paggugol ng pondo ng Simbahan sa pagitan ng 1832 at 1834. Noong Marso 1832, inutusan ng Panginoon si Joseph Smith na itatag ang organisasyong ito upang pagtugmain ang mga “establisimyentong Pampanitikan at Pangangalakal” ng Simbahan kapwa sa Ohio at Missouri.1 Tinipon ni Joseph ang isang kapulungan ng mga high priest noong Abril 1832 sa Missouri para sa layuning ito. Sa kapulungan, tumanggap si Joseph ng isa pang paghahayag na nagpapahiwatig na siya, sina Sidney Rigdon, Newel K. Whitney, Edward Partridge, Sidney Gilbert, John Whitmer, Oliver Cowdery, William W. Phelps, at Martin Harris ay magiging bahagi ng organisasyon. Ipinaliwanag pa ng paghahayag na magagamit ng mga lalaking ito ang bahagi ng mga nakolektang pondo para sa kanilang sariling mga pangangailangan, at ang anumang natitirang pondo ay gagamitin para sa mga layunin ng Simbahan. Sila ay responsable sa pagbabayad ng mga pagkakautang ng organisasyon.
Ang bawat isa sa siyam na itinalaga sa United Firm ay may partikular na gawain o pangangasiwa. Anim ang “mga katiwala sa mga paghahayag” (isang grupo ay nakilala bilang “Literary Firm”) at pinamahalaan ang mga paglalathala ng Simbahan. Sina Partridge at Whitney ang dalawang bishop sa Simbahan, at si Gilbert ang siyang kinatawan ni Partridge. Magkakasama, ang tatlo ang nangasiwa ng mga kamalig ng Simbahan sa Ohio at Missouri. Noong 1833, dalawang karagdagang miyembro—sina Frederick G. Williams at John Johnson—ang idinagdag sa orden, kapwa sa pamamagitan ng paghahayag. Si Williams, isang miyembro ng namamahalang panguluhan ng simbahan, ay may malalaking lupain sa Ohio, tulad ni Johnson. Ang kanilang mga ari-arian ay nagsilbing resources o mga mapagkukunan ng United Firm.
Sa loob ng dalawang taon, halos lahat ng pangangalakal ng Simbahan ay naganap sa pamamagitan ng United Firm, pati na ang pagbili ng ari-arian kung saan itatayo ang Bahay ng Panginoon sa Kirtland. Nang pinalayas ang mga Banal sa Jackson County, Missouri, noong taglagas ng 1833, nawala sa Simbahan ang dalawang mahahalagang bahagi ng organisasyon: ang palimbagan ni Phelps at ang kamalig ni Gilbert. Bukod pa rito, may mga pagkakautang ang United Firm mula sa pagbili ng mga kalakal para sa mga kamalig, isang bagong palimbagan sa Kirtland, at lupain para sa pagpapaunlad ng Kirtland. Noong Abril 10, 1834, napagpasiyahan ng mga miyembro ng United Firm na buwagin ang organisasyon at pagkaraan ng ilang linggo ay tumigil na gampanan ang mga tungkulin ng United Firm. Ang Kirtland high council, na binuo noong Pebrero , 1834, ang umako ng tungkulin sa pamamahala ng mga pangangalakal at gawain ng paglilimbag ng Simbahan.
Sa ilang mga edisyon ng Doktrina at mga Tipan, ang “United Firm” ay tinatawag na “Nagkakaisang Orden,” at mga alyas ang inilagay sa halip na pangalan ng mga miyembro. Bukod pa rito, ang wika ukol sa layunin ng samahan ay iniba upang mas panlahatan itong tumukoy sa pangangalaga sa mga maralita. Ito ay ginawa upang maprotektahan ang pagkakakilanlan ng mga miyembro ng samahan at panatilihing kumpidensyal ang mga layunin nito. Ang mga pangalan ng mga tao ay ipinanumbalik sa Doktrina at mga Tipan noong dekada ng 1980, ngunit ang salitang orden pa rin ang ginagamit sa halip na organisasyon sa mga bahagi 78, 82, 92, 96, at 104. Ito ay naging sanhi ng pagkalito ng ilan sa organisasyon ng nagkakaisang orden, isang sistema ng pamumuhay ng batas ng paglalaan na itinatag kalaunan ni Brigham Young sa Utah.
Mga Kaugnay na Paksa: Doktina at mga Tipan