“Kaloob na mga Wika,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan
“Kaloob na mga Wika”
Kaloob na mga Wika
Ang pagsasalita ng mga wika ay nabanggit sa mga paghahayag kay Joseph Smith bilang isa sa maraming kaloob ng Espiritu na ibinibigay sa mga taong sumasampalataya kay Jesucristo.1 Naranasan ng mga unang Banal sa mga Huling Araw ang kaloob na ito sa dalawang paraan. Una, sa pagsasalita o pagkanta sa isang di-kilalang wika, na kung minsan ay tinatawag na glossolalia. Ang anyong ito ng espirituwal na pagpapahiwatig ay naunawaan na nagmula sa panahon ni Pablo at karaniwang sinusundan ng isang inspiradong interpretasyon.2 Ang ikalawang paraan na kung saan naranasan ng mga miyembro ng Simbahan ang kaloob ng mga wika ay ang pangangaral ng ebanghelyo sa isang wikang dayuhan sa nagsasalita ngunit pamilyar sa kanyang mga tagapakinig. Ang gawaing ito, na kilala bilang xenoglossia, ay ipinamalas sa araw ng Pentecostes nang ang mga sinaunang disipulo ni Jesucristo ay himalang nagsalita sa mga wikang banyaga at sa gayon ay ipinakilala ang ebanghelyo sa mga Gentil.3
Sa isang pulong noong 1835, tumanggap si Elizabeth Ann Whitney ng pagbabasbas mula sa patriarch ng Simbahan na si Joseph Smith Sr., kung saan ipinangako sa kanya ang “kaloob na inspiradong pag-awit.” Sa pulong, tumayo si Whitney at nagsimulang umawit gamit ang isang di-kilalang wika. Puspos ng banal na Espiritu, isinalin at ipinaliwanag ni Parley P. Pratt ang awitin para sa iba pang tagapakinig. “Noong unang panahon may nakatirang isang tao,” pagsisimula ng awit, “Sa gitna ng isang maligayang halamanan, kung saan ang magandang bulaklak ay namumukadkad na walang hanggan, At nagbigay sa paligid ng isang mahalimuyak na pabango; Masdan, ang pangalan niya ay Adan.” Naniwala si Joseph Smith Sr. na umawit si Whitney gamit ang dalisay na wika ng langit.4 Ang mga halimbawa ng glossolalia, tulad ng pag-awit ni Whitney, ay naganap sa ilang mga unang pulong ng simbahan sa Amerika, at bagamat tutol dito ang maraming Kristiyano,5 ang pagsasagawa nito ay tumimo sa puso ng mga unang Banal sa mga Huling Araw, na naniwala na ang muling pagpapasigla ng mga espirituwal na kaloob ay mahalagang bahagi ng Panunumbalik ng ebanghelyo. Itinuring ni Brigham Young ang pagsasalita ng mga wika bilang isang karanasang espirituwal na “nakakaantig” at mahalagang bahagi ng kanyang pagbabalik-loob.6
Sa Kirtland, ang mga pagtatalo sa pagitan ng mga Banal sa mga Huling Araw tungkol sa pagiging tunay ng ilang espirituwal na pagpapakita ay nagtulak kay Joseph Smith na humiling ng paghahayag tungkol sa paksa.7 Sumagot ang Panginoon na bagamat may ilang huwad na espirituwal na pagpapakita ang pumasok sa Simbahan, mahihiwatigan ng mga Banal sa mga Huling Araw ang tunay mula sa huwad na pagpapakita, kabilang na ang mga glossolalia, hangga’t sinusunod ng mga ito ang banal na Espiritu at ang mga huwarang itinakda ng Panginoon.8 Kalaunan ay nagbabala si Joseph sa mga Banal na maaaring gamitin ni Satanas ang pagsasalita ng wika at hindi ihahayag ng Panginoon ang doktrina ng Simbahan sa pamamagitan ng gawaing ito.9 Paglilinaw pa niya, “Ang pagsasalita ng mga wika ay ibinigay para sa layunin ng pangangaral sa mga hindi nauunawaan ang wika,” idinaragdag na kahit sino “na taglay ang Espiritu Santo ay maaaring magsalita ng mga bagay tungkol sa Diyos sa kanyang sariling wika, pati ang magsalita sa iba.”10 Nagpatuloy ang glossalalia bilang mahalagang bahagi ng pagsamba ng mga Banal sa mga Huling Araw sa kabuuan ng ika-19 na siglo, bagamat ay unti-unting itinigil sa paglipas ng panahon at halos tuluyang nawala noong unang bahagi ng ika-20 siglo.
Mula sa simula, tinanggap ng mga Banal sa mga Huling Araw ang kaloob na pagsasalita sa wikang banyaga bilang tulong sa pagpapalaganap ng ebanghelyo. Ipinangako ng mga paghahayag ni Joseph Smith sa mga missionary ang kaloob na ito, at marami ang nag-ulat ng mga mahimalang karanasan sa pangangaral ng ebanghelyo sa mga wikang hindi pamilyar. Bilang isang 23-anyos na missionary sa Hawaii noong 1850, masigasig na pinag-aralan ni George Q. Cannon ang wikang Hawaiian upang siya ay makapangaral, isinasabuhay ang “pananampalataya sa harapan ng Panginoon upang magkaroon ng kaloob ng pagsasalita at pag-unawa sa wika.” Ginunita niya na isang gabi habang nagtuturo, siya “ay nakadama ng kakaibang pandama sa aking mga tainga” at “mula noon ay nagkaroon ako ngunit kaunti, kung mayroon man, na kahirapan sa pag-unawa kung ano ang sinasabi ng mga tao.” Si Hyrum Jensen, isang bagong missionary sa Norway noong 1890s, ay pinanghihinaan ng loob nang kinutya siya ng mga tao dahil sa kanyang kawalang kakayahang magsalita sa kanilang wika. Tumigil siya sa isang kakahuyan at nanalangin sa Panginoon na ibigay sa kanya ang kaloob na mga wika. Nagpatotoo si Jensen na mula sa araw na iyon ay, “nagsalita ako ng wikang Norwegian nang mas madali kaysa sa paggamit ko ng wikang Ingles.”11
Habang lumalawak ang gawaing missionary noong huling bahagi ng ika-19 na siglo at unang bahagi ng ika-20 siglo, ang xenoglossia ay ang naging laganap na pag-unawa sa kaloob na mga wika. Ang Language Training Mission at kalaunan ay mga missionary training center ay bumuo ng mga programa upang pag-aralan ang wika na naglilinang ng mga espirituwal na kaloob na mga wika, na siyang naghahanda sa mga missionary upang ipangaral ang ebanghelyo sa maraming banyagang wika. Ang mga Banal sa mga Huling Araw sa iba’t ibang panig ng mundo ay nagpapatotoo sa kapangyarihan ng espirtiwal na kaloob na ito.12
Mga Kaugnay na Paksa: Mga Kaloob ng Espiritu